Kabanata 11

381 66 9
                                    

NAPATAYO si haring Maceo sa kaniyang trono nang marinig niya ang pagdating ni haring Malfas ng Eubithia kasama ang malaking pulutong nito. Nakita niya itong pumasok sa punong bulwagan ngunit iba ang ekspresyon ng mukha nito sa karaniwan niyang nakikita. Bakas ang labis na pagkasuklam sa mga mata nito habang malalaking hakbang na tinungo ang punong bulwagan.


Nabuhay ang pagtataka sa loob ni haring Maceo nang maaninag ito. Marahil ay may dinadalang suliranin ang kaibigan kaya ito napasugod. Wala siyang ganang tumanggap ng panauhin sapagkat hanggang ngayon ay masama pa rin ang kaniyang loob sa ginawang hatol ng konsejo sa kaniyang kaisa-isang anak. Ngunit, sa kabila ng mga 'di kanais-nais na pangyayari, bilang hari, tungkulin niya pa ring pamunuan ang kaniyang kaharian at isantabi ang kaniyang nararamdaman.


Nagbigay pugay ang mga nakabantay na mga kawal sa harapan ng trono ng hari nang tumigil doon si Malfas. Yumuko rin ang mga mandalang nakatayo sa gilid nang makita siya. Diretso lamang ang tingin ng hari at hindi man lamang ngumiti bilang tanda ng paggalang sa mga taong naroon sa bulwagan kagaya ng karaniwan nitong ginagawa.


Nagtaka naman si haring Maceo sa inaasal nito.


"Aviadeya, haring Malfas, ano't humahangos ka? May suliranin ka ba?" bungad ni Maceo.


"Haring Maceo, kailangan nating mag-usap," malamig na tugon nito.


"Tungkol saan? At ano't kasama mo pa ang iyong buong hukbo?"


Bahagyang nilingon ni Malfas ang kaniyang brievamusa at ang mga kasama niyang kawal na pumasok rin sa loob ng punong bulwagan ng Avaerze dala ang mgan armas nito at gamit pandigma ng mga ito.


"Isinama ko sila sapagkat natatakot akong mauuwi sa digmaan ang ating usapan ngayon."


Kumunot ang noo ni Maceo. Lalo siyang nagtaka sa mga minumutawi ng kausap. Hindi ang sinabi nito ang labis na nagpakaba sa kaniya kundi ang paraan kung paano siya tingnan nito ngayon--matalim, malamig at puno ng pagkasuklam. Animo'y tinitingnan siya nito hindi bilang kakampi kundi bilang isang kaaway.


Bumuntong hininga na lamang si haring Maceo. Iwinaglit niya sa isipan ang mga haka-haka. Hindi niya nais gatungan ang nararamdamang galit nito gayong hindi niya rin batid kung saan ito nanggagaling.


"Hindi ko maintindihan kung ano ang iyong pinanggagalingan ngunit sa palagay ko'y nararapat nga tayong mag-usap."


Nilingon niya ang lahat ng mga mandala at kawal na nasa loob ng bulwagan.


"Maiwan niyo muna kaming dalawa ni haring Malfas rito," utos niya sa lahat.

The Wandering PrinceTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon