Kabanata 2

484 56 25
                                    

UMALINGAWNGAW ang malakas na tunog ng trumpeta sa buong palasyo ng Avaerze, senyales na dumating na ang mga pinuno na siyang kinatawan ng mga kaharian mula sa Ruemania, Eubithia at Veercan. Kasama ng mga ito ang mga brievamusa at kawal na nakasuot ng mga ng matitibay na kalasag at mga gamit pandigma. Kita rin ang mga banderang bitbit ng bawat pulutong na siyang nagrerepresenta sa kahariang kanilang pinanggalingan nila.


Nakahilera ang sandatahan ng kahariang Avaerze sa bulwagan nang pumasok ang tatlong hari kasama ang kani-kanilang mga anak at brievamusa.


Tumayo ang lahat ng mga kasapi ng konsejo ng mamataan ang mga paparating.


Taas noong naglakad si haring Ulysses patungo sa punong bulwagan. Bakas sa kaniyang tindig at kilos ang labis na awtoridad niyang taglay. May katandaan na ang lalaki ngunit maaliwalas itong tingnan dahil na rin sa suot nitong pares ng damit na kulay ginto. Sumasayad rin sa lupa ang suot nitong gintong balabal. Kita rin ang mataas nitong katungkulan sa koronang suot na hinulma pa sa purong ginto. Taglay ng kaharian ng Ruemania ang kapangyarihan ng lupa. Sa lupa nagmumula ang lahat ng buhay ng mga nilalang at halaman sa Catharsis.


Nakasunod naman sa likuran ni haring Ulysses ang kaniyang nag-iisang anak na babae. Lahat ng mga mata ng mga tao sa bulwagan ay nakatuon kay prinsesa Denali. Pinong-pino ang mga kilos at galaw nito. Animo'y isa itong diwatang naglalakad suot ang isang magara at mahabang bestida na abot hanggang talampakan ang haba. Kumikislap ang mga palamuting maliliit na bato ng ginto sa damit ng dalaga kung kaya't lalo siyang nakakahalinang pagmasdan. Dumagdag pa sa kaniyang kagandahan ang mahabang kulay mais niyang buhok na umaiindayog sa hangin habang siya'y naglalakad.


Bilang isang may dugong bughaw, may kakayahan si Denali upang kontrolin ang kalikasan at maintindihan ang mga hayop. Katabi naman ng prinsesa ang brievamusa ng kanilang kaharian; si Casari.


Sunod namang nagtungo sa bulwagan ang hari ng kahariang Eubithia. Diretso lamang ang tingin ni Haring Malfas sa unahan ngunit hindi tulad ng naunang hari, nakangiti ito sa tuwing binabati ito ng mga mandala at mga kawal na kaniyang nadadaanan. Kilala si Malfas sa pagiging masayahin at mapagpasensyang hari. Sa lahat ng mga kaharian sa Catharsis, ang Eubithia at Avaerze ang pinakamalapit sa isa't isa dahil na rin iyon sa matagal at matibay na pagkakaibigan ng dalawang haring namumuno rito.


Ang kaharian ng Eubithia ang may kakayahang kontrolin at utusan ang tubig.


Animo'y namamasyal lamang din kung maglakad ang anak nitong si prinsipe Gilead. Suot nito ang isang kulay asul na damit na may disenyo ng diamante, ganoon rin ang suot nitong korona na siyang kumikislap sa tuwing nalalatayan ng liwanag. Ngumiti pa ang binata nang magtama ang kanilang mga tingin ni Denali. Kumaway siya rito ngunit hindi siya pinansin ng prinsesa.


Si Senir, isang binatang mandirigma na mautak sa pakikipaglaban ang brievamusa o heneral ng kahariang Eubithia.


Huling pumasok ng bulwagan si haring Dorcas, ang pinuno ng kahariang Veercan. Nakasuot ng kulay puting damit na pinapalamutian naman ng pilak sa bandang didib ang gayak ng hari. Isang malaking pilak naman ang kumikislap sa gitna ng korona nito. Nakasunod rin ang kaniyang nag-iisang tagapagmana na si prinsipe Dagen sa likuran. Walang emosyon ang mukha nito at halatang hindi interesado na tingnan man lamang ang paligid o ang mga tao.

The Wandering PrinceTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon