Kabanata 17

391 60 10
                                    

NAABUTAN ni prinsipe Dagen sa hapagkainan ang kaniyang ama. Payapa at mag-isang kumakain si haring Dorcas ng samu't saring putahe at prutas sa mesa. Pumipikit-pikit pa ito sa tuwing sumusubo na animo'y ninanamnam ang bawat lasa ng kinakain.


Malawak ang silid kainan ng palasyo ng mga Veercan. Bilang nag-iisang lahi na kayang magpagaling ng sarili, sakit at kapansanan ng iba. Kulay puti ang naging simbolong kulay ng kanilang lahi tanda ng kakaiba nilang kakayahan sa panlulunas. Kita sa bawat sulok ng palasyo ang marangya at masaganang pamumuhay ng mga Veercano. Matatayog na mga haligi, mga aranyang gawa sa puting kristal, sahig na gawa sa puting marmol at mga malalaking bintanang gawa naman sa salamin.


"Dagen, aking anak!" bulalas ng hari nang makita ang papalapit na prinsipe. "Umupo ka at saluhan mo ako sa aking maliit na selebrasyon."


Lumapit ang isang mandala sa mesa at ipinaghila ng upuan ang prinsipe kaharap ng hari. Kaagad namang bumalik sa kaniyang puwesto ang katulong nang pinaalis siya ni haring Dorcas.


"Selebrasyon? Masyado pang maaga upang ika'y magsaya," puna ni Dagen habang pinag-aaralan ang bawat putahe ng pagkaing nakahain sa kanila.


Tumawa ang hari. "Isang maliit na kasiyahan lamang ito, aking anak. Makikita mong hindi lamang ito ang gagawin ko oras na maisakatuparan na natin ang ating mga layunin."


"Marami ang ating kinakailangang gawin upang tuluyang magkasira ang lahat ng mga kaharian sa Catharsis," wika ng binata. "Nagkaroon na nga ng lamat ang samahan ng kahariang Avaerze at Eubithia. Ngunit, ano ang iyong susunod na magiging hakbang ngayon?"


Kumusnit ng isang piraso ng tinapay ang hari at dahan-dahan itong nginuya habang nag-iisip ng kaniyang maisasagot.


"Nagtaas na ng kaniyang-kaniyang kalasag ang kahariang Avaerze, Eubithia at Ruemania. Tanda lamang ito na unti-unti na silang nawawalan ng tiwala sa isa't isa. Hindi magtatagal ay sisiklab na rin ang digmaan."


Tumango naman ang prinsipe. "Sa usaping iyan, hindi kaya't madamay tayo sa digmaang ating sinimulan? Hindi tayo makagagawa ng kalasag upang protektahan ang ating palasyo at nasasakupan sapagkat wala tayong kapangyarihang tulad nila."


"Hindi man natin kayang utusan ang hangin, pagalawin ang tubig at kontrolin ang lupa ngunit mayroon naman tayong kakayahang kailanman ay hindi nila kayang taglayin. May kakayahan tayong mapagaling ng mga sugat at sakit--bagay na lubhang kinakailangan sa isang digmaan. Kung tutuusin, tayo ang pinakamakapangyarihan ngayon sa buong Catharsis," salaysay ni Dorcas.


"Nakaalerto na ang bawat palasyo ngunit kung hindi tayo gagawa ng hakbang tiyak akong hindi rin magsisimula ang digmaang pinakahinihintay natin," paliwanag naman ng lalaki.


Umiling ang matanda. "Nagkakamali ka, aking anak. Inutusan ko ang ating brievamusa na magmanman sa loob ng Avaerze. Bukas na bukas lamang ay muli nang dadanak ang dugo sa lupain ng Catharsis."


"Ano ang ibig niyong sabihin? May mahalagang iniulat ba sa iyo si Ezra?"


"Naulinagan niyang binigyan ni haring Malfas ng dalawang araw si haring Maceo upang maibalik ang kaniyang anak na si prinsipe Gilead rito sa Catharsis."

The Wandering PrinceМесто, где живут истории. Откройте их для себя