Kabanata 23

421 58 6
                                    

DUMAGUNDONG ang isang malakas na pagsabok mula sa hangganan ng lupain ng mga Aeverian. Bumakat sa kalasag na binuo ni haring Maceo ang epekto ng ginawang atake ng mga Eubithian. Lulan ng mga sasakyang panghimpapawid at mga argus ang kalahati ng pulutong ng Eubithia upang gapiin ang buong palasyo ng Avaerze mula sa itaas.


Nakasakay sa isang malaki at kulay itim na argus si haring Malfas sampu ng kaniyang mga kawal upang pangunahan ang pagsalakay habang ang kalahati naman ng hukbo nito ay nasa ibaba upang paligiran ang buong hangganan ng teritoryo ng nasabing kaharian sa pangunguna ng kaniyang brievamusa na si Senir.


Gamit ang mga espada, mga sibat at pana, pinapaulanan ng mga kawal ang pananggala na pumoprotekta sa kaharian ng Avaerze. Natapos na ang ibinigay na dalawang araw ni haring Malfas para sa mga Aeverian. Hindi ibinigay ni haring Maceo ang kaniyang nais kaya't hindi siya uupo na lamang at hayaang mapahiya ang kaniyang lahi.


Si Gilead na lamang ang mayroon siya. Hindi niya matanggap na ang isa sa mga pinagkakatiwalan pa niyang nilalang ang nagtangkang saktan ang kaniyang anak. Buhay ang kinuha nito kaya't buhay rin ang magiging kabayaran.


SAMANTALA, sa loob ng palasyo ng Avaerze, nakalinya na ang buong hukbo ng mga Aeverian upang protektahan ang buong lupain. Nakagayak ng kasuotang pandigma ang bawat kawal at naroon na sa bukana ng kaharian kasama si haring Maceo bitbit ang isang matalim na espada. Tanyag ang lahi ng mga Avaerian sa galing nito sa digmaan. Makikita sa tibay ng mga kalasag at espada ng mga kawal ang mahaba nitong kasaysayan.


Nangunguna sa linya ng hukbo ang hari habang katabi naman niya ang kaniyang brievamusa na si Aticus.


Tulad ng hari, isang matibay na kalasag ang suot ng binata. Hindi kakikitaan ni Maceo ng kahit kaunting takot sa mukha ang kaniyang tabi. Bagama't sa murang edad, sanay na ito sa mga digmaan kung kaya't marahil wala man ang kaniyang anak na si Arkin upang samahan siya sa labanan, malaki ang kaniyang tiwalang magtatagumpay sila dahil sa galing at talino ng kanilang batang heneral.


Binubuo ang kanilang hanay ng mga kawal na may angking galing sa pakikipag-espadahan, pamamana at sa paggamit ng sibat. Dala rin ng mga ito ang kulay berde na bandila ng Avaerze na may guhit ng ulo ng agila sa gitna.


Bukod doon, pinakawalan rin ng palasyo ang kanilang mga alagang agila na siyang kasalukuyang umiikot sa himpapawid ng kaharian na animo'y hinihintay ng mga ito ang kanilang mga kalaban. Malalaki ang mga agila ng mga Avaerian at kulay berde ang mga malalapad nitong pakpak. Suot ng mga agila ang isang polseras na gawa sa batong esmeralda senyales na sila'y nagmula sa palasyo ng Avaerze.


Umangil ang mga agila sa itaas kung kaya't napatingin roon si Aticus. Isang tao ang sumagi sa kaniyang isipan.


"Kung narito lamang ang prinsipe Arkin, tiyak akong hindi aabot sa ganito ang lahat," nanghihinayang sambit ni Aticus habang nakatingala.


Sinundan naman ng tingin ni haring Maceo ang tinitingnan nito. Saglit lamang niyang sinulyapan ang mga ibong lumilipad sa kanilang itaas at muling itinuon ang tingin sa dakong hilaga.


"Huwag mo nang hanapin pa ang wala rito," malamig na wika ni Maceo. "Hindi ko batid kung kailan siya babalik o kung nabubuhay pa ba ang aking anak. Nais ko man siyang hanapin ngunit wala akong maisip na paraan upang gawin iyon. Tayong mga naiwan, nararapat tayong lumaban upang sa gayong sa kaniyang muling pagbalik ay may madadatnan pang palasyo ang aking anak."

The Wandering PrinceWhere stories live. Discover now