Kabanata 53

425 49 14
                                    

ISANG yakap ng pagbati ang pinagsaluhan ng prinsesa at pinuno ng konsejo nang muli silang magtagpo. Walang pagsidlan ng kasiyahan ang nararamdaman ng matanda nang masilayan niya ang dalaga. Sa paraan kung paano makitungo ang isa't isa, mabilis na nahinuha ni Alira na marahil ay malapit ang dalawa.


"Pinuno, maligayang pagbabalik sa ating mundo," sambit ng dalaga at yumuko. "Ang aking rinig ay nagtungo kayo sa mundo ng mga mortal. Paano kayo nakabalik? Sandali, kasama mo ba si Arkin? Nasaan siya?"


Ngumiti ang matanda. "Hinay-hinay lamang, prinsesa. Unang-una sa lahat ay mashala hasne sa iyong pagligtas sa'min."


Napalingon si Denali sa gawi ng mga mortal na naghihintay sa gilid ng matanda. Aaminin niyang namamangha siya sapagkat totoo pala ang kaniyang mga naririnig ngunit saka na niya kikilalanin ang mga ito lalo na't nasa gitna pa sila ng digmaan.


"Walang anuman iyon, Pinuno. Mabuti na lamang at nakatakas ako sa aking tore kaya't kaagad kong tinungo ang Avaerze. Ako'y labis na nagdadalamhati na ganito na ang aking nadatnan."


Kumunot ang noo ni Elwin. "Nakatakas ba, prinsesa? Ano ang nangyari? Sino ang nagkulong sa iyo?"


Sumilip ang lungkot at pagkadismaya sa mga mata ng dalaga. Tumungo ito upang itago ang kaniyang tunay na nadarama. Ayaw man niyang sa kaniya na mismo manggagaling ang katotohanan ngunit hindi na niya kakayanin pang maging bulag, pipi at bingi sa ginagawa nito.


"Pinarusahan ako ng aking Amang hari noong sinubukan kong humadlang sa kaniyang mga hakbang. Batid kong may masamang balak sila ni Haring Dorcas mula noong inutusan niya akong dalhan ng handog at iba pang mga regalo ang hari at prinsipe ng Veercan. Hindi sila ganoong malapit sa isa't isa para gawin iyon kaya't labis ang aking pagtataka. Napapansin ko ring pilit akong pinapares ng aking ama kay Prinsipe Dagen--bagay na labis akong tumututol. Kaya kinulong niya ako sa aking silid at mabuti na lamang at kinaya kong sirain ang kaniyang pananggalang ginawa sa buong tore upang ako'y tuluyang makalabas," mahabang kwento ng dalaga.


Bumuntong hininga si Elwin. Hindi na siya nagugulat sa inulat nito sapagkat noon pa man nakikitaan na niya ng masamang pag-uugali ang hari ng Ruemania. Hindi nga lamang niya nahulaan na kaya rin nitong ipaubaya ang kapakanan at kasiyahan ng tangi nitong anak kapalit ng yaman at kapangyarihan.


"Ikinalulungkot ko ang nangyari sa iyo, prinsesa."


"Huwag kayong mag-alala, pinuno. Bukod sa ginawang pagkulong sa akin ng aking ama, wala na naman siyang ibang ginawa pa na ikakapahamak ko. Ngunit, hindi niyo pa sinasagot ang aking tanong. Nasaan ang prinsipe? Kasama niyo ba si Arkin?"


"Kasama naming tumawid ng lagusan sina Prinsipe Arkin at Prinsipe Gilead, ngunit nauna sila rito upang hanapin ang kanilang mga ama. Gayunpaman, wala na sila rito sa palasyo at tiyak akong patungo ang dalawa sa kaharian ng mga Veercano."


Nagsalubong ang kilay ng prinsesa. Unti-unting umakyat ang takot nito sa dibdib.


"Hindi maari! Tiyak akong papaslangin sila ng aking ama at ni Haring Dorcas!"


Tumango si Elwin. "Hindi malayong mangyari iyan kaya kailangan na natin silang sundan."

The Wandering PrinceTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon