Kabanata 21

407 53 8
                                    

MATAGUMPAY na narating ng grupo ni pinunong Elwin ang hangganan ng lupain ng kaharian ng Ruemania. Hindi na sila nagulat pa nang makitang nakakataas na rin ang kalasag sa buong palasyo dahilan upang hindi sila tuluyang makapasok sa sakop na teritoryo nito.


Kagaya ng mga naunang kaharian na binisita nila, binabalot rin ng manipis ngunit matibay na puwersa ng kapangyarihan ang Ruemania. Si haring Ulysses ay may kakayahang utusan ang lupa at kalikasan kung kaya't hindi nila nakikita ang palasyo mula sa kanilang kinaroroonan dahil sa mga puno na humaharang dito na animo'y pinoprotekhan ito.


"Ano ang iyong iniisip na gawin, pinuno?" tanong ni Tirso nang makababa siya sa sinasakyan niyang argus.


Nakatitig lamang ang matanda sa makakapal na mga dahon ng puno na tumatabing sa pananggala ng Ruemania upang ito'y mas maging matibay pa.


"Hindi ko alam kung ano ang iniisip ngayon ni haring Ulysses," sagot naman ni Elwin. "Nagtaas na rin siya ng kalasag upang protektahan ang kaniyang kaharian kung kaya't marahil ay nahinuha na niyang sa digmaan nga ang uwi ng hindi pagkakaintindihang ito."


"Hindi tayo makakapasok, pinuno," puna ni Koa. "Kakausapin mo rin ba siya sa pamamagitan ng isang panaginip tulad ng iyong ginawa kay haring Maceo?"


Umiling ang pinuno ng konsejo.


"Limitado lamang ang aking kapangyarihan kaya't hindi ko maaaring sagarin ang aking sarili."


"Kung gayon, ano pa ang ating ginagawa rito?" tanong ni Mirano. "Bagama't mapagmataas, hindi natin maipagkakailang may pinagsamahan rin sina haring Maceo, haring Malfas at haring Ulysses. Kung hindi natin siya makakausap ay wala nang ibang paraan upang mapigilan ang digmaan."


Natahimik ang matanda, bagay na ipinagtataka ng tatlong niyang kasama.


"Pinunong Elwin? Ano na ang ating susunod na hakbang?" usisa muli ni Koa.


Bumuntong hininga ang matanda. Umangat ang kaniyang mga tingin sa kalangitan. Nag-aagaw na ang dilim at liwanag roon, senyales na papalubog na ang araw at simula na ng mahabang gabi.


"Natatakot ako sa maaring kahihinatnan ng Catharsis sa mga susunod na araw," wika nito.


"Ano ang iyong ibig na ipahiwatig, pinuno?" tanong ni Mirano.


"Ang mga nilalang na nangakong tayo'y pangangalagaan ay siyang mga nilalang rin na nagsimula ng kaguluhan. Sila'y may kapangyarihang taglay kaya't maipagtatanggol nila ang kanilang mga sarili ngunit paano ang mga karaniwang Catharian? Ang mga lahi kung saan tayo nagmula? Wala silang laban," puno ng pagkadismaya ang boses ni Elwin habang sinasabi iyon.


Kita ang pag-aalala sa kaniyang mukha. Nakakunot ang kulubot na nitong noo at maya't mayang napapabuntong hininga na animo'y nawawalan na ng pag-asa.


"Huwag ninyong sabihin iyan, pinuno," tutol ni Tirso. "Ang aking lahi, ang angkan ng mga magsasaka na bagama't walang ibang alam kundi ang magtanim ay hindi rin basta-basta na lamang aatras sa gitna ng digmaan. Huwag tayong mawalan ng pag-asa sapagkat may panahon pa upang pigilan ang mangyayari."

The Wandering PrinceWhere stories live. Discover now