Kabanata 44

531 64 28
                                    

ISANG malakas na pagsabog ang bumulabog sa payapang pamayanan ng Erewhon. Pinuno ng mga sigawan ang buong lugar. Ang mga bata'y nagsitakbuhan palayo habang umiiyak sa takot. Dahan-dahang kumalat ang sunog mula sa isang kubo papunta sa iba. Ang mga mangkukulam ay kaniya-kaniyang kuha ng kanilang mga tungkod upang labanan ang mga dayo sa kanilang bayan. Walang alam ang kung sino man sa kanila sa dahilan ng pag-atake ngunit kailangan nilang lumaban upang ipagtanggol ang kanilang lahi.


"Unahin niyong ilikas ang mga paslit at matatanda!" sigaw ni Nana Wilma sa kaniyang mga kalahi na maya't mayang pumaparoon at pumarito.


Isang babaeng magkukulam ang lumapit sa kaniya. Dala nito ang sariling tungkod, humahangos at pinagpapawisan na.


"Pinuno, halika na! Tumakas na rin tayo!"


Nilingon ni Wilma ang paligid. Ang kanilang tahimik na gabi ay napalitan ng eksena ng digmaan. Ang mga kubo ng mga mangkukulam at ang ibang mga kagamitan ay natupok ng apoy. Hindi siya makapaniwalang nasira lamang ang kaniyang pinakaiingatang bayan. Namataan niya ang kaniyang ibang mga kalahi na ngayo'y nakikipaglaban pa rin sa hukbong sandatahan mula sa kaharian ng Veercan sa pangunguna ng brievamusa nitong si Ezra.


Hindi niya mahanapan ng dahilan ng biglaang pagsugod ng mga Veercano sa kanilang lupain ngunit may hinala siyang may kinalaman ito sa nagaganap na iringan ng bawat kaharian ng Catharsis. Matagal na niyang iniwasan ang masangkot ang kanilang lahi sa kahit na anumang gulo sapagkat batid niya kung ano ang magiging epekto ng digmaan. Gayunpaman, may gawin man sila o wala, palagi pa rin silang nadadamay sa gulo.


"Nana Wilma, hali na kayo!" muling anyaya nito.


Umiling ang matanda. "Mauna na kayo! Siguraduhin mong mailalayo ninyo ang mga bata rito! Magmadali kayo! Susunod na lamang ako!"


"Pinuno! Kailangan niyong makaligtas! Katapusan na ng ating lahi kung sakalimang may mangyaring masama sa iyo!"


"Huwag mo akong alalahanin! Sina Gnowie at Enoch? Nasaan ang mag-inang iyon? Iligtas niyo si Enoch, siya ang susunod na pinuno ng ating lahi!"


"Hindi ko nakita sina Gnowie ngunit nakakatiyak akong nakaalis na sila ng Erewhon kaya't hali na rin kayo!"


Hindi nagpatinag ang matandang mangkukulam sa kaniyang kinatatayuan. Hindi niya maatim na umalis na lamang sa lupain kung saan niya muling itinaguyod ang kanilang lahi pagkatapos ng unang digmaan, ilang taon na ang nakakaraan. Ipagtatanggol niya ang teritoryo ng mga vidar hanggang sa abot ng kaniyang makakaya.


Napayuko si Wilma nang isang pana ang lumipad sa kaniyang ulo. Imbes na sa kaniya, tumusok ito sa lupa dahil sa kaniyang maagap na pag-iwas. Sinundan niya ang pinanggalingan ng pana at nakita si Ezra na nakatayo ilang metro ang layo sa kanila. Nanliit ang kaniyang mga mata nang makita ang sandata na hawak nito.


"Iwan mo na ako, haharapin ko ang pangahas na brievamusa ng mga Veercano."


Anumang pilit ng babaeng mangkukulam, buo na ang loob ni Wilma. Kaya wala siyang ibang nagawa kundi ang tumakbo na lamang palayo upang iligtas ang iba.


The Wandering PrinceWhere stories live. Discover now