Kabanata 12

410 62 8
                                    

LABAG man sa kalooban ni Alira, wala siyang ibang nagawa kundi ang pagbigyan na lamang ang gusto ng kaniyang kaibigan. Marami pa siyang bagay na dapat gawin at mga librong babasahin ngunit sa tuwing binabanggit niya sa kaniyang kasama ang tungkol doon kaagad na umaasim ang mukha nito. Batid niyang isang malaking pagsasayang ng oras ang kaniyang ginagawa ngunit alam niyang hindi rin siya titigilan ni Samuel kung hindi siya sasama. Isa pa, narinig niyang narito si Ciara sa Pilipinas kaya't hindi na rin masama kung magliliwaliw siya kasama nito.


Ilang buwan na rin ang nakaraan mula noong huli niyang nakita si Ciara. Nais man nilang magkita nang mas madalas ngunit naiintindihan niyang may kanya-kanyang buhay rin silang lahat. Tulad niya, bumalik na rin sa pag-aaral si Ciara at kasalukuyang kumukuha ng kursong abogasya habang sinalo naman ni Leiter ang lahat ng mga negosyong naiwan sa kaniya ng umayong ama.


Si Harith naman, ang kaniyang matalik niyang kaibigan, ay minsan na niya na lamang kung makita sapagkat masyado itong aligaga sa trabaho bilang software engineer sa isang tanyag na kompanya. Samantala, si Eujin, sa kaniyang nalaman ay hindi na nagpatuloy sa kaniyang pag-aaral at piniling mamasukan sa sariling kompanya ng pamilya na umaangkat ng bakal at contruction materials mula sa ibang bansa. Tanging si Samuel na lamang ang naiwan sa kaniyang tabi--bagay na hindi niya alam kung ipagpapasalamat niya ba o hindi.


Gustuhin man nila o hindi, nagpatuloy ang kanilang mga buhay na parang walang nangyari. Namuhay sila bilang isang normal na tao habang pinanatiling lihim ang lahat ng kanilang mga nalalaman tungkol sa ibang mundo. Isa pa, batid nilang wala rin namang maniniwala sa kaniya kung magtaka man silang sabihin sa iba ito. Isang magandang alaala na lamang ang karanasang iyon hanggang sa kanilang pagtanda.


Ngunit aaminin ni Alira na paminsan-minsan habang siya'y nag-iisa, madalas niyang naiisip ang lahat ng bagay na nangyari sa kanila sa mundo ng Catharsis. Mahabang panahon na ang nagdaan ngunit pakiramdam niya kahapon lamang ito nangyari. Sariwa pa rin sa kaniyang alaala ang lahat. Nanabik pa rin siya. May mga tanungan pa rin siyang naghahanap ng kasagutan.


Sa tuwing sumasagi sa kaniya ang mga ganoong ideya, iwinawaglit na niya lamang ang lahat sa kaniyang isipan. Wala na namang saysay upang patuloy siyang kumapit sa isang bagay na hindi na mangyayari. Isang himala na lamang para sa kaniya kung makakabalik pa man siya ng Catharsis.


"Himala na nga yata kung mawawalan ng traffic ang Pilipinas."


Natauhan si Alira at napatingin sa kaniyang kasama. Bumuntong hininga si Samuel habang nakatitig sa labas ng binata ng sinasakyan nilang taxi. Bagsak ang mga balikat nito na animo'y bagot na bagot sa kaniyang nakikita.


Sinipat rin ni Alira ang daan. Mahaba ng pila ng mga sasakyan. Rinig niya rin ang ingay ng mga nagpapalitang busina ng mga ito. Hapon na at Sabado pa kaya't marami ring mga tao ang nasa labas upang magliwaliw. Wala naman rin silang magagawa kundi umupo na lamang at mahintay sa loob ng sasakyang makupad pa sa biskeleta kung umandar.


"Alam mo namang Sabado ngayon, saan ba kasi tayo pupunta?" tanong ni Alira.


Nilingon siya ng kaibigan. "Nasa mall na si Ciara. May gusto raw siyang sabihin sa atin."


Kumunot ang noo ng dalaga. "Importante ba?"

The Wandering PrinceWhere stories live. Discover now