Kabanata 43

494 61 46
                                    

NAPAKURAP si Arkin nang mapagtanto niyang nakatitig na rin sa kaniya si Alira. Biglang naglaho ang mga ngiti ng dalaga nang makita siya. Bahagyang nasaktan pa ang binata nang mapagtanto niyang hindi pala siya gustong makita nito. Ngunit, imbes na lumayo at hayaan ang babae, lumapit siya kay Alira na ngayo'y nakatitig na lamang sa sariling mga paa upang iwasan ang kaniyang mga tingin.


"Narito ka lamang pala," bungad ng prinsipe saka umupo sa tabi nito.


Isang metro ang layo ng dalawa ngunit sapat ang distansiyang iyon upang marinig nila ang isa't isa.


Tahimik lamang si Alira. Hindi man lamang nito nilingon ang binata upang batiiin. Napabuntong hininga si Arkin. Pinagmasdan niya na lamang ang tanawin sa kanilang harapan. Maganda tingnan ang pawnten mula sa direksyon nila sapagkat nasisinagan ng araw ang tubig kaya't gumawa-gawa ito ng maliliit na bahaghari sa ere. Kaya pala nakangiti ang dalaga nang matagpuan niya ito kanina.


Lalong nabubuhay ang lugar gawa ng malumanay na tugtugin na humahalo sa tawanan ng mga bata sa paligid.


"Masama ba ang iyong loob?" panimula ni Arkin. "Ako rin, hindi ko kayang tanggapin na pinsan kita."


Napalingon si Alira sa kaniyang gawi dahil sa kaniyang sinabi. Napansin naman ng binata ang nakakunot nitong noo.


"Ang ibig kong sabihin ay hindi ako makapaniwala na pinsan pala kita," bawi niya sa kaniyang sinabi. "Hindi ko akalaing nagkaroon ng anak ang aking Tia Temara bago siya namayapa."


"Isa akong tao," sambit ni Alira mula sa mahabang pananahimik.


Bulong lamang iyon ngunit ramdam ni Arkin ang matinding pagtutol nito sa kaniyang mga sinasabi. Animo'y winawasto siya nito at tinutuwid ang kaniyang isipan.


"Isa kang tao, Alira," segunda naman ng prinsipe saka sinalubong ang mga titig ng dalaga. "Hangga't wala akong nakikitang magpapatunay na isa kang Catharian, mananatili ang aking pagtingin sa iyo. Ngayon, habang tinitingnan kita, isang tao ang nakikita ko."


Kumunot ang noo ng babae.


"Magpapatunay? May paraan ba para malaman na isa akong Catharian?"


Nagkibit-balikat ang prinsipe.


"Hindi ko pa alam sa ngayon pero hangga't hindi pa natin napapatunayan, huwag ka munang umastang mag-pinsan tayo."


Umismid si Alira. Hindi niya mawari kung nagbibiro ba ang lalaki o hindi sapagkat hindi man lamang ito ngumiti o kumukurap habang sinasabi iyon.


"Akala mo ba gusto rin kitang maging pinsan?" sagot niya na lamang pabalik.


Lihim na napangiti si Arkin. Malalim siyang napabuntong hininga at tumayo sa harapan ng dalaga. Inilahad siya ang kaniyang palad rito na animo'y niyayaya ito sa kung saan habang ang isang kamay naman ng lalaki ay nakapamulsa sa suot nitong pantalon.

The Wandering PrinceWhere stories live. Discover now