Kabanata 45

443 54 16
                                    

NASA paanan ng bundok ng Erenor ang mga vidar matapos nilang matagumpay na makatakas sa pag-atake ng mga Veercano. Animo'y mga nilalang na sinalanta ng delubyo ang kalagayan ng mga ito. Ang iba'y tulala at wala sa sarili, walang ibang dala kundi ang kani-kanilang mga tungkod. Ang mga bata nama'y walang tigil sa pagtangis na hanggang ngayo'y mababakas pa rin ang takot sa trahedyang naranasan. Ang mga sugatan ay kasalukuyang ginagamot ng ibang mangkukulam na hindi napuruhan sa laban at may sapat pang kapangyarihan upang tumulong.


Nakasalampak sa madamong lupa ang mga mangkukulam habang ang iba nama'y sumandig na lamang sa katawan ng mga puno upang makapagpahinga.


Marami sa mga ito ang hindi nakaligtas at kung susumahin halos nangalahati na lamang ang bilang nila ngayon. Maraming bata ang naulila at mga kamag-anak na nawalan ng mahal sa buhay na walang ibang magagawa kundi tanggapin na lamang ang nangyari. Bagama't likas sa mga mangkukulam ang pagiging matatag sa harap ng mga pagsubok ngunit sa loob ng mahabang panahon, ngayon na lamang muli sila nakaranas ng isang digmaan. Hindi nila maiaalis sa kanilang mga sarili ang takot, pagkabigla at pagtataka sa tunay na dahilan ng pag-atake ng mga Veercano.


Buong akala nila'y magiging ligtas ang kanilang lahi kung lalayo sila sa digmaan. Batid nila sa kanilang mga sarili na walang anumang batas silang sinuway upang mapagmumulan ng gulo.


Sa gitna ng kanilang sitwasyon, nabuhayan ng loob ang lahat nang biglang lumitaw sa kanilang harapan ang kanilang pinuno kasama nito ang iba pang mga mangkukulam na nakaligtas sa kaguluhan.


"Si Nana Wilma!" bulalas ng isang lalaking vidar.


Napatayo ang lahat mula sa kanilang pagkakasalampak upang salubungin ang matanda. Animo'y nabunutan ng tinik sa lalamunan ang karamihan nang mapagtantong walang masamang nangyari kay Wilma. Samantala, ang apat na mga kababaihang mangkukulam na kasama pa nito ay napaiyak na lamang nang makita ang kani-kanilang mga anak na nakaligtas ngunit nawalay sa kanila nang sumiklab ang kaguluhan.


"Pinuno, mabuti't nakaligtas kayo!"


"Pinuno, nakita mo ba ang aking kapatid?"


"Pinuno, kumusta ang Erewhon?"


"May nailigtas pa bang ibang kalahi natin bukod sa iyong mga kasama?"


Sunud-sunod na tanong ng mga vidar. Tinitigan ng matanda ang kaniyang mga kasama. Bakas sa mga mukha nito ang pagtataka sa nangyayari. Ngunit maging siya man, nangangailangan rin ng kasagutan.


"Huminahon kayong lahat," malumanay ngunit may awtoridad na sambit ng matanda. "Batid kong marami kayong katanungan ngunit ipanatag muna ninyo ang inyong kalooban. Ikinalukungkot ko ang nangyari sa ating lahi. Bilang pinuno, humihingi ako ng paumanhin sapagkat hindi ko kayo nagawang protektahan."


"Hindi niyo kasalanan ang nangyari, pinuno," sambit ng isang binatilyong vidar. "Marahil maging kayo rin ay nabigla."


Sumang-ayon naman ang lahat dito--bagay na ipinagpapasalamat ni Wilma.


The Wandering PrinceWhere stories live. Discover now