Kabanata 26

469 55 25
                                    

HINDI nga nagkamali si Haring Dorcas sa kaniyang hinuha sapagkat pagkalabas ni Prinsesa Denali mula sa punong bulwagan, kaagad na sumalubong sa kaniya ang walang emosyong mukha ng isang prinsipe. Nakasandal si Prinsipe Dagen sa isang malaking haligi habang hunakalukipkip. Malayo ang mga tingin nito ngunit nang mapansin niya ang pagdating ng isang dalaga ay mabilis na rin siyang umayos ng tayo at nagsimulang maglakad.


Labag man sa kalooban ng prinsesa, tahimik na sinundan na niya lamang ang binata nang lumabas ito sa palasyo. Maganda ang kaharian ng mga Veercan, purong puti ang lahat ng mga bagay, malinis at maganda sa mata. Aaminin niyang nais rin ni Denali na magliwaliw sa paligid at suriin ang bawat sulok ng lugar ngunit kailanman ay hindi sumagi sa kaniyang isipan na makasama ang isang prinsipeng sinlamag ng niyebe ang ugali.


Naunang naglalakad si Dagen. Batid niyang nakasunod lamang sa kaniya ang dalaga ngunit ni isang beses ay hindi man lamang niya ito tinangkang lingunin. Wala siyang balak na ito'y kausapin. Kung nais na ng kaniyang ama na ipasyal ang prinsesa sa kanilang buong palasyo, magagawa naman niya iyon nang walang kahit na anong salitang sinasabi.


Hindi siya interesado sa mga babae lalo na sa mga dalagang may dugong bughaw ngunit hindi naman kayang ipagtanggol ang sarili. Batid ni Dagen na may angking kapangyarihan ang prinsesang kasama niya ngunit kung wala itong kapangyarihan, tiyak siyang mabilis lamang itong mapaslang. Maliban sa kakayahan nitong kontrolin ang lupa at kalikasan, alam niyang wala na itong kayang gawin. Kita niya rin naman ito sa hinhin ng kilos at yumi ng pananalita ng dalaga.


Pagkalabas ng mga dalawa sa palasyo, dalawang kawal ang humarang sa dinaanan ni Dagen. Mga kawal na nagmula sa kaharian ng Ruemania. Walang emosyong tinitigan lamang ito ng prinsipe na animo ba'y isang malaking kasalanan ang ginawang pagpigil sa kaniya ng mga kawal.


"Huminahon kayong, dalawa," singit ni Denali. "Sasamahan ako ng prinsipe sa pamamasyal kaya'y dumito na lamang muna kayo."


Nilingon ni Denali si Dagen. Hinihintay niyang may sasabihin ito ngunit nanatiling tahimik lamang ang binata, ni wala itong balak na magpaliwanag sa mga kawal.


"Mahal na prinsesa, binilin kayo sa amin ng mahal na hari kaya't hindi naman kayo maaaring pabayaan na lang," saad ng isang kawal.


Umiling naman ang dalaga. "Kaya ko na ang aking sarili. Isa pa, kasama ko naman ang prinsipe ng Veercano. Naniniwala akong hindi niya ako kayang saktan o ipahamak man lamang."


Nakatitig lamang si Dagen sa mga kawal. Sandaling nagtitigan ang mga ito hanggang sa sumuko na lamang ang mga lalaki. Nakayukong tumabi ang mga ito sa dinaraanan ng dalawa kung kaya't nagpatuloy na sa paglalakad si Dagen.


Pagkalabas nila ng malaking tarangkahan ng palasyo, sumalubong sa kanila ang isang maingay na paligid.


Lumawak ang mga ngiti ng dalaga nang mapagtanto niya ang lugar na kanilang kinaroonan ngayon. Hula niya ay nasa isang malaking pamilihan sila kung saan ang bawat magkabilang gildi ng kalsada ay pinupuno ng samu't saring paninda. Maingay ang mga tao. Tumatakbo ang mga bata. Ang mga dalaga at ginang ay nagtitinda ng kung anu-ano at inaalok ang bawat napapadaan sa kanilang puwesto.


Isang kulay puting banderitas na gawa sa puteng tela ang nakasabit sa bawat tindahan na kaniyang nakikita.

The Wandering PrinceTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon