Kabanata 48

538 58 23
                                    

NAMILOG ang mga mata ni Enoch nang matagpuan ang dalawang taong nasa harapan ng pintuan. Lumawak ang kaniyang mga ngiti nang makita ang kaniyang ina ngunit lalong nagningning ang kaniyang mga mata nang masilayan ang mga lobong iba't iba ang kulay dala ng isang lalaki.


"Enoch!" bulalas ni Gnowie.


"Yna!?"


Agad na sinunggaban ng yakap ni Gnowie ang kaniyang anak ngunit wala doon ang atensyon ni Enoch kundi nasa makukulay na lobo na hawak ni Sam. Ang kinakain na sorbetes ng bata ay nalaglag nang sinubukan niyang abutin ang mga lobo na dala nito.


"Saan ka ba nagtungo?"


"Yna! May mga lobo!" masayang turan ng bata.


Humiwalay si Gnowie sa kaniyang anak upang harapin ito. Masasama ang kaniyang mga tingin na tinitigan ang bata. Galit siya rito dahil sa katigasan ng ulo nito.


"Hindi ba't sabi ko sa iyo na huwag kang lalayo!? Bakit ba ang tigas ng ulo mo?!"


Natigilan ang paslit nang umalingawngaw ang galit na boses ng kaniyang ina. Unti-unting namuo ang luha sa gilid ng mga mata nito at humikbi ng mahina. Ito ang unang beses na pinagalitan siya nito.


Doon lamang din napagtanto ni Gnowie ang kaniyang ginawa nang makita ang mangiyak-ngiyak na reaksyon ng kaniyang anak. Nais niya pa sanang bawiin ang kaniyang sinabi ngunit huli na nang bumitiw si Enoch sa kaniyang mga hawak at tumakbo sa likuran ng isang dalaga na animo'y humihingi rito ng tulong.


Napaayos naman ng tayo si Alira nang bumaling sa kaniya ang atensyon ng isang babaeng mangkukulam. Sinilip niya ang batang nagtatago sa kaniyang likuran at nginitian ito upang ipakitang magiging maayos lamang ang lahat.


"Hindi naman siya nasaktan kaya kung maaari ay huwag mo siyang pagalitan," sambit niya.


Gumalaw si Alira at lumuhod upang harapin ang umiiyak na bata. Hinawakan niya ang pisngi nito at pinahiran ang luha gamit ang kaniyang hintuturo.


"Tahan na," alo niya. "Hindi naman galit ang iyong yna. Nag-aalala lamang siya sa iyo."


Umiiling si Enoch. Nilingon naman ni Alira ang babae na ngayo'y halata ang pagsisisi sa ginawa. Lumakas ang palahaw ng bata dahilan upang mataranta si Alira. Wala siyang kapatid at wala siyang pamilya kaya hindi niya alam ang gagawin pagdating sa mga ganitong bagay.


Nagulat na lamang siya nang biglang inakay ni Arkin ang bata at kinarga sa kaniyang mga bisig. Natigil sa pag-iyak ang bata at takang napatingin sa kaniya.


"Ang lungkot mo yata, Enoch?" puna ng prinsipe. "Akala ko'y magsasaya ka kapag nakita mo na ang iyong yna at yloy. Tingnan mo, may dala pa silang lobo para sa iyo."


Suminghot ang bata.


"Yloy?"

The Wandering PrinceWhere stories live. Discover now