Kabanata 30

414 64 40
                                    

NABUHAYAN ng loob si Alira nang matanaw niya ang malaking gusali ng hospital na pupuntahan niya. Hindi niya alam kung nandito nga ba ang kaniyang kaibigan ngunit ito ang pinakamalapit na ospital mula sa tinutuluyang apartment ni Sam. Nagbabakasali siyang narito ang taong hinahanap niya.


"Nandito na po tayo, ma'am," anunsyo ng nagmamaneho.


Tumigil ang kotse sa gilid ng daan.


Tumango lamang ang dalaga at gumalaw upang kapain ang kaniyang wallet sa bulsa ng kaniyang pantalon ngunit agad na nagsalubong ang kaniyang kilay nang wala siyang mahanap doon. Sa pagtataka, hinalungkat niya ang dala niyang bag ngunit tanging cellphone, mga libro at ibang kagamitan niya lamang ang laman nito--nawawala ang kaniyang wallet.


Napansin naman ng nagmamanehong matanda ang kakaibang kinikilos ni Alira.


"May problema ba, Ma'am?" usisa nito.


Hindi sumagot si Alira.


Kinapa niya ang ilalim ng upuan ng kotse sa pag-aakalang nalaglag niya lamang ito ngunit wala pa rin siyang napala. Hindi niya ito mahanap kahit saan. Hindi iyon maaaring mawala sa kaniya. Naroon ang mahahalaga niyang ID, cards at higit sa lahat wala siyang perang pambayad ngayon.


"Ma'am, nandito na tayo sa ospital na sinasabi niyo. Bale, dalawang daan po ang metro niyo," paalala muli ng matanda.


Natigilan si Alira sa kaniyang ginagawa. Naglalakbay ang kaniyang isipan kung saang lugar maaari niyang naiwala ito. Huling pagkakatanda niya ay nagbayad siya ng dalawang daan sa unang taxi na sinakayan niya at itinago ito sa likurang bulsa ng kaniyang pantalon. Sigurado siyang hindi niya ito naiwan sa loob ng taxi na iyon.


Isang alaala ang sumagi sa kaniyang isipan. Napahawak na lamang siya sa kaniyang ulo nang sumakit ito sa labis na pagkadismaya. Sinuong niya ang grupo ng mga kababaihan upang makalusot sa daan, posibleng doon niya ito naiwala.


"Pasensya na kuya, nawawala ang wallet ko," rason niya rito.


Nagtaka si Alira nang biglang tumawa nang mapakla ang nagmamaneho ng taxi.


"Ma'am, luma na ang modus na iyan," puna niya. "Kung hindi kayo magbabayad, dumiretso na lang tayo sa presinto."


Nanlaki ang mga mata ni Alira nang muling pinaandar ng matanda ang kotse.


"Sandali po, saan tayo pupunta!?"


"Sa presinto, doon nababagay ang mga manlolokong tulad mo," saad nito.


Mula sa bintana ng kotse, pinagmasdan na lamang ni Alira ang gusali ng hospital na dapat sana niyang puntahan na unti-unti lumiliit habang sila'y papalayo. Gustuhin man ni Alira na tumakas at takbuhan ang nagmamaneho ngunit hindi niya kayang gawin iyon dahil siya naman ang may kasalanan.


Malamang, hindi ito naniniwalang nawawala ang kaniyang wallet. Sa panahon ngayon at tumatakbong sistema ng kanilang mundo, hindi niya ito masisisi.

The Wandering PrinceTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon