Kabanata 47

401 56 12
                                    

NAPALINGON si Prinsipe Arkin sa taong biglang tumawag sa kaniyang pangalan. Kumunot ang kaniyang noo nang mapansing nakatayo sa 'di kalayuan si Alira, nakangiti at kumakaway sa kanilang gawi na siyang kaagad naman ring naglaho nang mapansin ng dalaga ang kaniyang kasama.


Kita ng binata kung paano nalusaw ang saya sa mukha ng babae habang nagpalipat-lipat ang tingin nito sa kaniya at sa kamay ng batang kasama niya.


Ngayon, hindi na siya nagtaka kung bakit nakikita niya ang kulay ng hininga ng batang mangkukulam, iyon ay sapagkat nasa malapit lamang pala si Alira. Hanggang ngayon ay hindi niya pa rin mahanapan ng tunay na dahilan kung bakit gumagana lamang ang kaniyang kapangyarihan kapag nasa paligid niya ang dalaga. Malaking posibilidad iyon kung iisipin niyang marahil ay magkadugo sila at pareho ng lahi ngunit ganoon rin ang epekto ni Alira kay Gilead, bumabalik lamang rin ang kapangyarihan nito kapag nasa tabi nila si Alira.


"Sino 'yang kasama mo?" takang tanong niya nang makalapit.


Pinagmasdan ni Arkin ang itsura nito. Napansin niyang nakasuot it ng purong puting damit kung kaya't nahinuha niyang galing pa ito sa klase. Nabanggit ni Alira sa kaniya na nag-aaral siya ng medisina.


"Mahabang salaysayin," sagot niya. "Mag-usap tayo sa aking silid."


Kumunot ang noo ni Alira. Akmang maglalakad na sana palayo sa kaniya ang lalaki ngunit nahuli niya ang mga kamay nito.


"Teka lang," pigil niya. "Hindi ba't may press conference ka ngayon? Bakit nandito ka?"


"Papunta na sana ako roon ngunit---" napahinto sa pagsasalita si Arkin nang may pansin siyang kakaiba. "Sandali lamang. Batid mong may lakad ako ngayon ngunit bakit ka magtutungo rito gayong alam mong aalis ako?"


Naningkit ang mga mata ng prinsipe nang mapansin niyang umiwas ng tingin sa kaniya si Alira. Hindi ito makatingin sa kaniya ng diretso na para bang may bagay itong tinatago. Maliban sa kaniya, walang ibang nakatira sa kaniyang bahay ngayon kundi ang kaniyang kaibigang si Gilead.


"Ano na namang kailangan ng prinsipe ng Eubithia sa iyo?" malamig na tanong ni Arkin sa kausap.


Sa pagkakataong iyon, napalingon si Alira sa kaniya. Nagulat siya nang mapansing ganoon lamang kadali para kay Arkin na basahin ang kaniyang mga kinikilos. Hindi ito ang unang pagkakataong nagsinunggaling siya sa lalaki at hindi rin ito ang unang beses na kikitain niya si Gilead nang palihim. Sinadya niyang pumunta rito sapagkat alam niyang may lakad si Arkin ngayon at matagal itong makakabalik, ibig sabihin lamang n'yon ay magkakaroon sila ng sapat na oras ni Gilead. Kung hindi lamang niya nakita si Arkin sa lobby ay hindi sana siya nito mabubuko. Hindi man siya nito nakita ngunit batid niyang naramdaman ni Arkin na nasa malapit lamang siya dahil bumabalik ang kaniyang kapangyarihan sa tuwing nangyayari iyon.


"Batid kong may ginagawa kayong dalawa na lingid sa aking kaalaman," dagdag ng prinsipe. "Hindi ko mahulaan kung ano iyon sapagkat nais kong isa mismo sa inyong dalawa ang magtatapat sa akin ng totoo ngunit hindi na ako makapagtimpi."


"Hindi naman sa gusto kong itago sa--"


"May namamagitan ba sa inyong dalawa ni Gilead?"

The Wandering PrinceWhere stories live. Discover now