Kabanata 20

427 60 7
                                    

NAGAMBALA ang mahimbing na pagtulog ni Enoch nang isang matinis na sigaw ang lumukob sa kaniyang tenga. Minulat niya ang kaniyang mga mata at kaagad na bumaba sa kama sa pag-aakalang isang kaguluhan ang nagaganap sa labas ngunit kabaliktaran sa kaniyang naririnig ang paligid na lumantad sa kaniya. Wala siyang ibang nakikita kundi ang looban ng kanilang maliit na kubo. Nakasalansan ang lahat ng mga gamit nito at walang bahid ng kaguluhan na maaaring mapagmulan ng ingay na kaniyang naririnig. Higit sa lahat, mag-isa lamang siya.


Nilingon rin ng bata ang maliit na bintana, tahimik lamang ang paligid at kalmado ang kaniyang mga kalahi na animo'y walang kakaibang nangyayari.


"Yna?" tawag niya sa kaniyang ina.


Ngunit, ilang beses pa man niyang sinambit ang pangalan nito, walang tumutugon sa kaniya.


Napapikit ang bata nang marinig na naman niya ang isang sigaw. Lalo itong lumakas at mistulang bumubulong sa kaniyang tenga. Hindi niya batid ngunit parang siya lamang ang nakakarinig ng ingay na iyon.


Sinubukan ni Enoch na takpan ang kaniyang tenga bakasakaling makatulong ito ngunit walang silbi ang kaniyang ginawa sapagkat animo'y nasa loob mismo ng kaniyang isipan nanggagaling ang boses na kaniyang naririnig. Isa itong lalaki--bumubulong sa kaniya na animo'y humihingi ng tulong.


Nahihirapan man, umakma ang bata na tumayo mula sa pagkakasalampak sa lupa. Unti-unti na siyang nasasanay sa ingay ngunit maya't maya pa rin siyang napapapikit habang patuloy itong lumalakas. Gayunpaman, hindi takot ang kaniyang nararamdaman sa mga oras na iyon kundi pagtataka. Saan nanggagaling ang boses na kaniyang nasasagap at sino ang may-ari ng tinig na ito?


Lumabas ang bata mula sa maliit na kubo. Naglaro ang kaniyang mga mata sa paligid na animo'y hinahanap ang pinanggagalingan ng boses. Pinagmasdan niya ang kaniyang mga kalahi na aligaga sa kaniya-kaniyang ginagawa, mga batang naglalaro, mga lalaking nag-iinsayo ngunit wala sa kung sinuman sa mga iyon ang kaniyang hinahanap hanggang sa napako ang kaniyang tingin nang mahagip niya ang isang madilim na gubat sa 'di kalayuan.


Nagpantig ang kaniyang tenga nang lumakas pa ang ingay na kaniyang naririnig. May kung ano sa kaniya ang nag-uudyok na puntahan ang lugar na iyon ngunit siya'y nagdadalawang-isip.


Kilala niya ang gubat na iyon--ang gubat ng Paruay. Ang lugar na ipinagbabawal puntahan ng kung sinuman sa kanila. Minsan na niyang itinanong sa kaniyang ina ang dahilan kung bakit ito ipinagbabawal sa lahat--iyon ay ang kagubatang iyon ay puno ng hiwaga. May kakayahan itong higupin ang lakas at kapangyarihan ng kung sinumang nilalang ang pamamaroon.


Hindi na nakayanan pa ni Enoch ang sumisigaw na boses sa kaniyang ulo kung kaya't impit siyang napaungol sa sakit. Sinubukan niyang humakbang patungo sa direksyon ng gubat at isa lamang ang kaniyang napansin, unti-unting humihina ang boses na kaniyang naririnig sa tuwing humahakbang siya papalapit sa lugar na iyon.


Mistulang nawala sa kaniyang sarili ang bata. Wala siyang ibang nais kundi ang lapitan ang gubat upang matigil na ang kaniyang pagtitiis.


Nakasalubong niya pa sa kaniyang paglalakad ang isang batang babaeng mangkukulam--si Haya. Ang kaniyang kababata at palaging kalaro.

The Wandering PrinceTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon