Kabanata 8

397 61 27
                                    

SA mundo ng mga tao.


Blangko ang mukha ng isang dalaga habang nakatitig sa makakapal na libro sa kaniyang tabi. Dalawang libro pa lamang ang kaniyang natatapos na basahin ngayo'y araw ngunit pakiramdam niya ay sasabog na ang kaniyang ulo sa labis na pag-aaral. Bumibigat na ang kaniyang talukap kaya't marahan niyang sinampal ang kaniyang sarili upang pigilang umidlip. Gustuhin man niyang matulog at magpahinga ngunit wala na siyang oras para doon. Kailangan niya pang mag-aral. Kailangan niyang makahabol.


Ayaw na niya sanang magpatuloy sa pag-aaral ngunit may pangako siyang binitawan sa kaniyang lolo. Makakapagtapos siya. Makakahanap siya ng trabaho. Magkakaroon siya ng sariling pamilya balang araw at higit sa lahat magiging masaya siya kahit pa man mag-isa na lamang siya ngayon.


Muling humikab si Alira nang hindi na niya makayanan ang antok at pagkabagot. Ngunit, imbes na tumigil sa kaniyang ginagawa, inabot niya ang susunod na librong babasahin tungkol sa medisina. Nais ni Alira na maging isang doktor balang araw. Hindi man niya kayang bumuhay ng mga taong namayapa na ngunit nais niyang dugtungan ang buhay ng isang tao kahit papaano. Nais niyang bigyan ito ng pagkakataong mabuhay pa ng mas matagal--bagay na hindi niya nagawa noong nabubuhay pa ang kaniyang lolo.


Hindi madaling maging doktor kaya't kailangan niyang magtiyaga at magsakripisyo hindi lamang ng kain at tulog kundi pati na rin ng oras. Araw-araw ay nasa unibersidad si Alira upang mag-aral. Nawalan na rin siya ng pagkakataong magliwaliw dahil subsob siya palagi sa pagbabasa tulad ng gingawa niya ngayon na bagama't sabado ay nasa isang aklatan.


"Alira girl!"


Napaigtad ang dalaga nang marinig ang pamilyar na boses na tumawag sa kaniyang pangalan. Napalingon siya sa pintuan at hindi na nagulat nang makita si Samuel.


"Alira girl! Nandito ka lang pala!" bulalas ni Sam dahilan upang mapatingin sa kaniya ang lahat.


Sinita pa siya ng babaeng nagbabantay ng silid-aklatan dahil sa kaingayan niya. Nakangiting humihingi ng tawad si Samuel sa lahat at dagling nilapitan ang kaniyang kaibigan.


Napapabuntong hininga na lamang si Alira nang umupo ito sa kaniyang tabi. Ngayong nandito na si Samuel, tiyak siyang nawawala ang kaniyang antok sa katawan.


"Bakit ka nandito?" Agad na bungad niya.


Tumaas ang kilay ni Samuel. "Ikaw! Bakit ka nandito? Hoy girl! Sabado ngayon! Wala ka bang love life?"


"Ano naman kinalaman ng sabado sa love life ko?" takang-tanong ng dalaga.


"Weekend ngayon, Alira girl! Tsaka sabado, wala ka bang date?"


"Wala, kaya nga ako nandito sa library, diba?"


Animo'y umasim ang mukha ni Samuel sa narinig. Sinipat niya ang nakasalansang mga libro sa mesa ng kaibigan. Nagkalat pa doon ang ilang mga highlighters, ballpen at notebook na puno ng sulat-kamay ng dalaga. Lumipat ang kaniyang atensyon sa mukha ni Alira. Namumugto ang mga mata nito at bahagyang nangayayat pa. Ilang araw lamang silang hindi nagkita ngunit pakiramdam niya tumanda ito ng ilang taon.

The Wandering PrinceTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon