Kabanata 13

431 58 8
                                    

MATINDING sinag ng liwanag ang bumungad kay Gilead nang iminulat niya ang kaniyang mga mata. Kumurapkurap ang binata at muling napapikit nang biglang kumirot ang kaniyang ulo. Sa muling pagbukas ng kaniyang mga mata, nagtaka siya sapagkat puro puti ang kaniyang nakikita--ang simbolong kulay ng kaharian ng Veercan.


Pagkuwa'y napabalikwas si Gilead nang sumagi sa kaniyang alaala ang huling nangyari sa Ilog ng Kausrel kung saan pinagtaksilan sila ni Dagen. Ngunit, agad naman siyang napatigil nang may kung anong kumirot sa kaniyang tagiliran. Napaupo siya sa kama at tiningnan ang sarili. Nakasuot siya ng isang kulay asul na damit na gawa sa manipis na tela. May kung anong mahaba at manipis na bagay rin ang nakakabit sa kaniyang kamay na siyang konektado sa isang maliit na supot na hindi niya mawari kung tubig nga ba ang laman.


Gumalaw ang prinsipe upang sana'y tumayo ngunit bukod sa kirot na nararamdaman sa kaniyang ulo. Mahapdi rin ang kaniyang tagiliran. Winakli niya ang suot na damit kung kaya't bumungad sa kaniya ang nakabalot niyang tiyan. Nang makita iyon, sunud-sunod na bumalik sa kaniya ang mga alaala.


Si Dagen--trinaydor sila nito. Hindi siya makapaniwalang kaya nitong gawin iyon sa kaniya--sa kanilang dalawa ni Arkin. Bagama't malimit lamang itong makipag-usap, buong akala niya ay kaibigan ang turing nito sa kanila. Ni minsan sa kaniyang buhay, hindi niya ito pinag-isipan ng masama. Maganda ang panlabas na anyo ng binata, maging ang ama nito na si haring Dorcas, ngunit hindi niya akalaing kung gaano ka-puti ang suot nitong damit ganoon rin ka-itim ang hangarin ng mga ito.


Kung hindi lamang dahil kay Arkin ay tiyak siyang napaslang na siya ngayon. Dahil doon, napitigil si Gilead nang maalala ang kaniyang kaibigan. Lumingon-lingon siya sa paligid ngunit hindi niya ito makita--mag-isa lamang siya.


"Arkin?" tawag niya rito.


"Arkin, nasaan ka?" Muli niyang sambit ngunit walang sumagot sa kaniya.


Doon na siya nagkaroon ng pagkakataong pagmasdan ang paligid. Nasa isang silid siya kung saan puro puti ang kaniyang nakikita. Maraming kama sa loob at animo'y hinati lamang ang lugar gamit ang isang kurtina sa pagitan ng mga kama. Naririnig niya ang ingay ng isang makina sa gilid. Pinagmasdan niya ang kulay berdeng gumagalaw doon. May mga letra siyang nakikita sa dingding ng silid ngunit ni isa doon ay wala siyang maintindihan.


Saan man niya ibaling ang kaniyang paningin ngunit wala sa alinmang bagay ang kaniyang nakikita ang pamilyar sa kaniya. Nag-uumpisa na siyang maghinala. Kung tama ang kaniyang haka-haka, wala siya ngayon sa kanilang mundo. Tumawid sila ni Arkin sa isang lagusan bago siya mawalan ng ulirat.


Ayaw man niyang aminin ngunit narito na nga siya sa mundo ng mga tao. Ang mundong ni sa kaniyang panaginip ay hindi niya pinangarap na pumunta.


Dala ng labis na paninibago, mabilis na tinanggal ni Gilead ang suwero sa kaniyang kamay. Dumugo pa iyon ngunit animo'y wala siyang maramdamang sakit. Mahina man ang katawan, pinilit niya ang kaniyang sarili na tumayo. Hawak-hawak ang kaniyang tagiliran, naglakad siya papalapit sa pinto.


Hindi siya maaaring manatili sa mundong ito. Kailangan niyang bumalik sa Catharsis. Kailangan niyang iulat sa lahat ang nangyari. Nasa panganib ngayon ang kanilang mundo. Hahanapin niya si Arkin at babalik silang dalawa doon.

The Wandering PrinceUnde poveștirile trăiesc. Descoperă acum