Kabanata 6

386 61 19
                                    

NAKAGAPOS ng makapal na bakal ang magkabilang kamay ng prinsipe habang siya'y naglalakad patungo sa pampang ng Ilog ng Kausrel. Suot niya ang isang madungis na pares ng kulay berdeng damit na karaniwang sinusuot lamang ng mga alipin ng kanilang palasyo.


Tulala lamang ang binata. Kita sa mga mata nito ang labis na lungkot at pagkadismaya. Hindi na niya alintana kung saang mundo man siya mapapadpad. Maiintindihan niya pa ang galit ng ibang nilalang ngunit hindi niya kayang tanggapin sa sarili na ang kaniyang amang hari na mismo ang nagtaboy sa kaniya. Ang huling tao akala niya'y makakapitan niya ay hindi man lamang gumawa ng paraan upang siya'y mailigtas sa paghahatol ng konsejo.


Pinagmasdan ng prinsipe ang paligid. Wala itong pinagbago mula noong huli siyang naparito. Nakikita niya pa ang bakas ng digmaan sa mga iilang sandata at panangga na gawa sa bakal na napabayaan na lamang sa tabi. Tumitig siya sa malalim na bahagi ng ilog kung saan karaniwang lumilitaw ang lagusan patungo sa ibang mundo. Hindi niya batid kung ano ang naghihintay sa kaniya sa kabila.


Gayunpaman, walang makakapantay sa pighating kaniyang nararamdaman ngayon. Nais niyang manatili sa Catharsis upang makatulong ngunit anong klaseng kinabukasan ang naghihintay sa kaniya sa mundong ipinagtabuyan na siya?


"Narito na tayo."


Natauhan ang prinsipe nang marinig niyang magsalita ang kaniyang kasama. Napalingon siya kay Gilead. Napapansin niyang kanina pa itong tahimik. Malulungkot ang mga titig nito sa kaniya. Halos kasama na rin niyang lumaki si Gilead kung kaya't masakit rin para sa kaniya ang lumisan.


"Hindi ko maintindihan kung bakit kailangang ako pa talaga ang maghahatid sa iyo rito," reklamo niya at umupo sa malaking bato sa gilid ng pampang.


"Hindi pa nakikita ang bato ng Amana kaya't hindi mabubuksan ang lagusan patungo sa mundo ng mga tao kung hindi mo gagamitin ang iyong kapangyarihan," saad naman ni Dagen na nakatayo sa kanilang likuran.


Sinipat ito ng dalawa.


Hindi na bago kay Arkin ang walang sigla nitong mga mata at malalamig nitong pakikitungo. Bagama't tanging si Gilead lamang ang inutusang maghatid sa kaniya patungo sa lagusan ngunit ipinilit ni haring Ulysses na isama ang prinsipe ng kahariang Veercan upang masigurong gagawin nga ni prinsipe Gilead ang tungkulin nito.


Batid ng lahat kung gaano kalapit sa isa't isa ang dalawa.


"Parusa itong ginawa nila sa akin," muling mutawi ng prinsipe ng Eubithia. "Bakit ba kailangan ka pa nilang ipatapon sa mundo ng mga tao? Sandali, paano kung bumalik na lang tayo sa palasyo? Magmakaawa ka sa iyong amang hari, tiyak akong lalambot ang kaniyang puso sa iyo."


"Wala nang silbi kung gagawin niyo pa iyan," puna ni Dagen. "Hindi ang haring Maceo ang humatol sa sarili niyang anak kundi ang konsejo. Walang sinuman ang makakabali sa utos ng konsejo kaya't gawin niyo na lamang ang nararapat. Nagkasala si Arkin kaya't nararapat siyang parusahan."


Pagkuwa'y napailing si Gilead. Sandali siyang natulala sa narinig. Mangha siyang nakatitig kay Dagen na animo'y isang kabigla-biglang bagay ang kaniyang sinabi.

The Wandering PrinceTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon