Kabanata 3

468 70 22
                                    

SUMAPIT na ang gabi ngunit hindi pa rin pumapayapa ang loob ni Arkin. Naglalaro ang kaniyang isip sa loob ng apat na sulok ng kaniyang silid. Kayrami ng tumatakbong tanong sa kaniyang isipan. Tiyak siyang masisiwalat ang lahat ng naganap kung tunay ngang hihingi sila ng tulong sa isang mangkululam upang silipin ang lahat ng naganap sa nakaraan. Hindi siya nag-aalala sa maaaring makita o malaman ng mga konsejo sapagkat nagsasabi naman siya ng totoo. Binuntutan niya ang mga mortal upang manmanan ang mga ito ngunit may parte ng mga kaganapan doon na hindi niya ipinagtapat tulad na lamang ng pagliligtas niya kay Alira nang mahulog ito sa talampas at ang naganap noong gabing bago ito umalis.


Napailing ang prinsipe nang sumagi sa kaniyang isipan ang pinagsaluhang halik nila ng dalaga. Ayaw na niyang sariwain pa ang pangyayaring iyon sapagkat hindi naman iyon makakatulong sa kaniya ngayon. Ang totoo pa nga'y kung masisilip ito ng lahat ay tiyak siyang aakalain ng mga konsejo na may namamagitan sa kanilang dalawa ng mortal. Aaminin niyang may bahagi sa kaniyang puso ang nananabik na muli itong makita at matuto sa pinanggalingan nitong mundo ngunit hindi niya ipagpapalit ang Catharsis at ang kaniyang katungkulan sa palasyo sa kahit sinuman.


Napatigil sa pag-iisip ang prinsipe nang maramdam niyang ang mga patak ng tubig na tumutulo sa kaniyang balikat. Kumunot ang kaniyang noo nang makita niyang bahagyang nabasa ang kaniyang kaliwang balikat. Inangat niya pa ang mga tingin sa itaas sa pag-aakalang may sira ang kaniyang bubungan ngunit wala naman siyang napansin roon.


"Anong mayroon?"


"Mierda!" gulat na mura ni Arkin. "Gilead! Paano ka nakapasok rito?"


Ngumiti lamang ang lalaki na animo'y natutuwa pa sa panggugulat sa kaniya. Nakatayo ito at nakasandig sa malaking halagi ng kaniyang kwarto. Awang-awa itong nakatingin sa kaniya bagay na ayaw niyang maramdaman sa sarili.


"Hindi ka man lamang ba magpapaliwanag kung paano ka nakapasok rito nang hindi ko namamalayan?" bulyaw ni Arkin.


Umiiling-iling si Gilead ngunit hindi pa rin nawawala ang mga mapanuya niyang ngiti.


"Sadyang malalim nga talaga ang iyong iniisip, kaibigan. Nakalimutan mo na yatang may kakayahan akong kontrolin ang tubig rito sa ating mundo. Nagagawa kong maglaho at muling lumitaw sa isang lugar na mayroong tubig," paliwanag niya saka tinuro ang isang basong may kaunting tubig na nakapatong sa ibabaw ng lamesa.


"Sa kasamaang palad," pagpapatuloy niya. "Hindi mo inubos ang lamang tubig ng basong ipinag-inuman mo kaya huwag ka nang magtaka kung bakit ako narito ngayon."


Bumuntong hininga na lamang si Arkin nang mapansin nga ang baso sa lamesa na kaniyang iniwan kanina. Hindi na sumagi sa kaniyang isipan na ubusin pa ang laman nito sapagkat hindi naman niya inakalang bibisitahin siya ng kaibigan.


"Ano bang ginagawa mo rito?" mabilis na tanong ni prinsipe Arkin. "Batid mong hindi ako tumatanggap ng panauhin, ngayon pa't ipinagbawalan akong katagpuin ang sinuman."


"Sino ba ang nagsabing narito ako upang bisitahin ka?" kontra naman ni Gilead.


Kumunot ang noo ni Arkin sa narinig. Pinanuod niya ang paglalakad ng kaibigan papalapit sa kaniya. Bigla itong tumalon sa kaniyang kama dahilan upang umuga ito. Sinamaan niya ito ng tingin nang muntik na siyang mahulog sa kama dahil doon. Ngumiti lamang si Gilead tulad ng karaniwan niyang ginagawa. Naiinis siya sa mukha nito. Hindi niya maintindihan kung anong pinanggagalingan ng saya ng lalaki.

The Wandering PrinceWhere stories live. Discover now