Kabanata 7

394 66 26
                                    

BUMALIKWAS ng bangon si Dagen nang maramdaman niya ang paghaplos ng isang palad sa kaniyang mukha. Hinuli niya ang kamay na iyon at nagmulat ng mata. Kumunot ang kaniyang noo nang bumungad sa kaniya ang mukha ng isang dalaga.


"Mahal na prinsipe," bati nito. "Mabuti't nagkamalay na kayo."


"Ezra."


Umupo ang binata sapo-sapo ang kaniyang dibdib. Mabigat ang kaniyang nararamdaman na animo'y naubusan siya ng hangin sa katawan. Sumagi sa kaniya ang alala sa nagdaang engkwento.


Agad siyang tumayo upang suriin ang buong paligid. Lumingon-lingon pa siya ngunit hindi na niya makita ang dalawa. Nawala na rin ang malaking alimpoyo sa ilog kung kaya't nahinuha niyang mayroon nang nakatawid sa mundo ng mga tao.


"Nasaan sina Arkin at Gilead?" tanong niya sa kasama.


Bahagyang nagdalawang-isip ang brievamusa na sabihin rito ang totoo.


"Nasaan ang dalawang iyon?" pag-uulit ni Dagen.


"Mahal na prinsipe, ginawa po namin ang lahat upang sila'y pigilan ngunit nakatawid na po sina prinsipe Arkin at prinsipe Gilead sa mundo ng mga mortal."


"Mierda!"


Napapikit si Ezra nang umakma siyang sampalin ng lalaki. Nakita naman ng binata kung paano ito matakot sa kaniya kung kaya't bago pa man niya ito magawang saktan ay mabilis siyang lumayo upang payapain ang kaniyang sarili.


Nagmulat si Ezra ng kaniyang mga mata at nakitang nakatalikod na sa kaniya ang prinsipe. Imbes na matakot, nilapitan niya ito at yumuko.


"Patawarin niyo ako, mahal na prinsipe. Pinuruhan ko ang prinsipe Arkin upang hindi siya makatakas gamit ang kaniyang kapangyarihan ngunit hindi ko inasahang tatawarin niya ang lagusan patungo sa mundo ng mga tao upang makaligtas," paliwanag ng brievamusa.


"Sigurado ka bang kasama ni Arkin si Gilead? May sugat na iyon sa tagiliran kaya't hindi iyon kakayanin ang maglakbay."


"Inaakay po ito ng prinsipe Arkin noong sila'y tumawid. Tiyak po akong magkasama na ang dalawa ngayon sa mundo ng mga tao."


Bumuntong hininga ang lalaki. Hindi umayon sa kaniyang nais ang mga nangyayari ngayon. Tiyak siyang pagagalitan siya ng kaniyang ama kung malalaman niya ito.


"Ano ang ating sasabihin sa konsejo at sa hari ng Eubithia gayong wala na rito sa Catharsis ang kanilang prinsipe?" tanong ng dalaga. "Akin ba itong iuulat kay haring Malfas?"


Nilingon ni Dagen ang kaniyang kasama. Isang magandang ideya ang namuo sa kaniyang isipan. Hindi na rin pala masama ang kinahinatnan ng lahat. Sa loob ng mahabang panahon, naging mabuti ang ugnayan ng kahariang Avaeze at Eubithia. Kailanman ay hindi nagkaroon ng alitan ang dalawa ngunit batid na niya ngayon kung paano niya bubuwagin ang magandang relasyon ng dalawang kaharian.

The Wandering PrinceWhere stories live. Discover now