Kabanata 38

388 56 46
                                    

SA Erewhon.


Walang pagsidlan ng kabang nararamdaman si Pinunong Elwin habang ito'y hinihintay si Gnowie sa loob ng maliit nitong kubo. Mula nang ipinatawag ito ng pinuno ng mga mangkukulam para sa isang pagpupulong ay hindi pa ito nakakabalik.


Lumalalim na ang gabi ngunit rinig na rinig pa rin ang mga pagsabog na nagaganap sa digmaan sa pagitan ng kahariang Avaerze at Eubithia. May mga kawal na naglalaban sa himpapawid kung kaya't bawat atake na ginagawa nito ay hayag sa madilim na kalangitan dulot ng sunog sa lupain.


Tiyak siyang sa mga oras na ito ay nagtagpo na ang landas ng dalawang hari. Si Haring Maceo at Haring Malfas ay dating matalik na magkaibigan ngunit nauwi lamang sa digmaan ang lahat ng kanilang pinagsamahan. Kung narito lamang si Prinsipe Arkin at Prinsipe Gilead ay may pag-asang mapigilan pa sana ang mga pangyayari ngunit naroon ang mga ito sa mundo ng mga tao at wala siyang kakayahan na ihatid ang masamang balita rito.


Hindi maiwasan ni Elwin na sisihin ang kaniyang sarili sa mga nangyayari. Siya ang pinuno ng konsejo ngunit hindi niya natunugan na bahagi sa mga masasamang hangarin ng mga Veercan ang pagpapatapon kay Prinsipe Arkin sa ibang mundo upang hindi ito hahadlang sa kanilang mga plano.


Kung naging mas maingat pa sana siya sa kanilang pagsisiyasat, hindi sana nila pinarusahan ang binata. Kasalanan niya ang lahat ng ito. Siya ang dapat sisihin sa digmaan. Siya ang dapat sisihin sa pagkamatay ng ibang kasapi ng mga konsejo.


"Anu't hindi pa kayo nagpapahinga?"


Nabalik sa reyalidad ang matanda nang marinig niya ang isang boses mula sa kaniyang likuran. Nilingon niya ito at nakitang kakapasok pa lamang si Gnowie kasama ang anak nitong si Enoch.


"Sapagkat nais kitang makausap," sagot ni Elwin. "Ano ang pinag-usapan ninyo sa pagpupulong? Kayo'y mga mamamayan ng Catharsis at batid kong may sapat na kakayahan, hindi niyo ba pipigilan ang digmaan?"


Umiling ang babae at umupo sa isang itim na bangko. Si Enoch nama'y dumiretso sa isang kawa ng umuusok na tubig upang maglaro doon. Hawak ng bata sa mga kamay nito ang isang libro ng enkantasyon ng mga mangkukulam na maya't mayang tinitingnan ng paslit na tila ba'y kinakabisado ang laman nito.


"Hindi," maikling sagot ni Gnowie sa tanong niya. "Tulad ng sinabi ko, matagal nang hindi naki-alam ang aming angkan sa mga pangyayari ng mundong ito kaya't wala rin kaming gagawin kahit na sumiklab na ang digmaan."


Nagpantig ang tenga ng matanda.


"Ano? Hindi man lamang kayo nababahala sa magiging epekto ng digmaang ito? Ang kaharian ng Avaerze ay ang taga-pangalaga ng elemento ng hangin at ang kaharian naman ng Eubithia ang taga-pangalaga ng tubig, kapag isa sa mga ito ay nawasak, katapusan na ng lahat ng mga nilalang ng mundong ito."


"Batid namin iyon," buntong hininga ni Gnowie. "Maging ako man ay nag-aalala rin para sa aking anak ngunit ang desisyon ni Nana Wilma ang aming susundin bilang siya ang aming pinuno. Inutusan niya kaming huwag maki-alam."


Umangat ang gilid ng labi ng matanda.


"Hanggang ngayon ay mapagmataas pa rin ang babaeng iyon," puna niya sa pinuno ng mga mangkukulam. "Ngunit, hindi ko akalaing tumigas na ang kaniyang puso. Ramdam kong may galit pa rin siya sa konsejo kaya't pinili niyang hindi tumulong."

The Wandering PrinceWaar verhalen tot leven komen. Ontdek het nu