Kabanata 25

369 66 5
                                    

NAPABALIKWAS ng bangon si pinunong Elwin sa unang pagmulat ng kaniyang mga mata. Pinagpapawisan ang buong mukha ng matanda at habol ang hininga na animo'y galing ito sa isang mahabang panaginip. Isang babae ang mabilis na napalapit sa kaniyang kama nang mapansin ang kaniyang kalagayan.


"Ayos lang ba kayo?" malumanay na tanong nito.


Natahimik lamang si pinunong Elwin. Ang mga mata niyang puno ng pagtataka ay nakatitig sa babaeng biglang dumalo. Hindi niya ito kilala. Ngayon lamang niya ito nakita ngunit nakasuot ng purong itim ang babae. Isang lahi lamang kaniyang alam na may ganitong tradisyon.


Nang inilibot niya ang kaniyang paningin sa paligid, doon lamang niya napagtanto na siya'y nasa isang maliit na kubo kung saan ang lahat ng mga bagay sa loob ay lumutang sa ere na parang binabalot ang mga ito ng isang hiwaga. Sa pagkakataong iyon, batid na ng matanda na isang mangkukulam ang kaniyang kaharap.


Napansin ni Gnowie ang nagugulumihanang mukha nito. Ngunit, imbes na ipaliwanag ang kaniyang sarili. Hinayaan niya ang matanda sa kaniyang mga iniisip.


"Batid kong marami kayong katanungan ngunit uminom muna kayo ng tubig bago niyo ako tanungin," alok ng dalaga sabay abot ng isang basong gawa sa kahoy.


Nagdalawang-isip pa si pinunong Elwin na tanggapin ito.


"Maniwala ka man o hindi, wala akong balak na ika'y saktan. Inumin mo itong tubig sapagkat binigyan ko ito ng mabisang enkantasyon upang madaling maghilom ang iyong sugat."


Sinulyapan ni Gnowie ang sugat nito sa binti dahilan upang mapatingin din doon ang matanda. Doon lamang nanumbalik ang kaniyang sa kaganapang naganap. Bigla siyang nakaramdam ng pinaghalong lungkot at galit sa sinapit ng kaniyang mga kasama. Hanggang ngayon ay hindi siya makapaniwalang pinagtaksilan sila ng Ruemania.


"Inumin niyo na ito upang makabawi kayo ng lakas," muling alok ng dalaga.


Bumuntong hininga ang matanda saka inabot ang hawak na baso nito. Inisang lagok ito ng lalaki pagkatapos ay muling ibinalik agad ang hawak sa katabi.


"Base sa iyong pananamit, batid kong isa kang mangkukulam. Ano ang iyong ngalan at ano ang iyong layunin sa akin? Bakit mo ako tinulungan?" sunud-sunod nitong tanong.


"Hindi ako tumulong sa iyo, kundi ang aking anak, si Enoch."


Animo'y narinig ng bata ang pagsambit ng kaniyang ina sa kaniyang ngalan nang bigla itong sumilip mula sa awang ng isang pintuan ng kwarto.


Isang munting paslit ang patakbong lumapit sa kanilang kinaroonan. Namilog ang mga mata nito habang nakatingin kay pinunong Elwin na animo'y nakilala siya nito. Dala ng paslit sa kaniyang bisig ang isang maliit at kulay puting kuneho.


"Yna! Gising na siya!" masayang turan ng bata.


"Siyang tunay, Enoch!" sagot ni Gnowie. "Gising na ang iyong kaibigan. May kaunting katanungan siya kaya't maaari mo bang isalaysay sa kaniya kung ano ang nangyari?"

The Wandering PrinceWhere stories live. Discover now