Kabanata 18

435 58 13
                                    

TAAS-NOO si Samuel nang pumasok sila sa isang sikat na department store sa loob ng isang mall. Agaw pansin ang kaniyang suot ng pinaghalong kulay ng asul at dilaw. Nakasuot pa ng sunglasses ang lalaki dahilan upang pagtingin siya ng bawat taong nakakasalubong niya. Samantala, nakasunod lamang si Gilead sa kaniyang likuran na ngayon ay suot ang isang simpleng puting t-shirt at itim na pantalon na siyang binagayan naman ng malinis na kulay puting sapatos. Animo'y isang bata lamang ito, hindi nagsasalita ngunit manghang-mangha sa lahat ng nakikita.


Tinaasan ng kilay ni Sam ang isang babae na ngayo'y hindi maihiwalay ang tingin sa kanilang dalawa. Batid niya na hindi lamang sa kaniya nakatingin ang mga babae kundi pati na rin sa kaniyang kasama na bagama't karaniwan lamang ang suot ngunit nakakatawag pa rin ng pansin ang itsura. Idagdag pa rito ang kulay asul na mga mata ni Gilead. Ngayon lamang in siya nakakita ng mga matang kasing bughaw ng dagat. Tiyak si Sam na naglalaway na ang mga babaeng ito sa kaniyang kasama.


Napalingon ang lahat ng mga saleslady sa loob ng tindahan nang pumasok ang dalawa. Maging ang mga mamimili na aligagang tumitingin ng mga paninda ay napalingon rin. Ngumiti si Samuel at hinubad ang suot niyang salamin.


"Bibilhin ko ang lahat ng paninda sa department store na ito kaya magsarado na kayo!" walang sabi-sabing anunsyo ni Sam.


Nagtinginan ang lahat ng tao. Napakamot na lamang ang mga saleslady sa pagkabigla. May ibang napatawa pa sa kaniyang tinuran. Isang saleslady ang naglakas ng loob na lumapit sa kaniya upang awatin siya at pagsabihan.


"Naku sir, bawal po kayong mag-eskandalo rito. Kung hindi po kayo titigil, tatawag po ako ng security guard," mahinahong wika ng babae.


"Aba'y, huwag mo akong pinagsasabihan, ate girl. Hindi mo ba alam na the customer is always right? Hindi ba iyon uso dito sa tindahan niyo?"


"Sir, pasensya na po pero kung mayroon kayong gustong bilhin. Pwede niyo naman pong bilhin nang hindi isinasardo ang buong store namin."


Napakamot si Sam sa kaniyang leeg habang pinipigilan ang kaniyang inis sa kausap.


"Hindi mo ba ako narinig? Ang sabi ko bibilhin ko ang lahat ng paninda niyo rito, ano pang ibebenta niyo kung hindi kayo magsasara?"


Umiling ang babae tanda ng hindi pagsang-ayon. "Kabubukas pa lang po kasi namin, sir. Hindi po kami maaaring magsara dahil gusto niyo lang."


Napabuga ng hangin si Samuel. Napahaplos pa siya sa kaniyang dibdib na animo'y umaktong nasasaktan sa sinabi ng babae.


"Parang ako pa ang masama dito, ah! Ayaw niyo bang makabenta! Sandali nga, tawagin niyo ang manager niyo!"


Umangat ang tingin ng saleslady sa kaniya.


"Bakit po, sir?" tanong nito.


"Bibilhin ko rin siya!" biro ni Sam. "Syempre, kakausapin ko! Ate girl naman, hindi ka ba nanunuod ng mga telenovela? Ganoon ang ginagawa ng mga rich kids. Diretso sa manager agad!"

The Wandering PrinceTempat cerita menjadi hidup. Temukan sekarang