Kabanata 33

393 70 59
                                    

NANGINGINIG ang mga kamay ni Alira habang tumitipa siya sa kaniyang cellphone upang hanapin ang taong maaaring makatulong sa kaniya. Pagkatapos niyang sapakin sa mukha ang taxi driver na nakaaway niya ay hindi na siya hinayaan pang lumabas sa police station. Nakasakit siya ng isang tao at nakita iyon ng lahat. Wala naman siyang intensiyong palakihin pa ang gulo ngunit hindi na niya napigilan ang kaniyang sarili kanina.


Gayunpaman, hindi siya hihingi ng tawad sa kaniyang ginawa sapagkat kahit papaano'y nagustuhan niya ang kaniyang nakita. Tinanggap niya ang mga maaanghang na salitang ibinabato sa kaniya ng matanda ngunit hindi niya hahayaang madamay ang kaniyang mga magulang. Hindi man niya ito nakilala simula't sapol ngunit ayaw niyang binabastos ito ng ibang tao.


Isa pa, ang kaniyang Lolo Timo ang nagpakalaki sa kaniya. Tinuran siya ng matanda na gumalang sa kapwa ngunit tinuruan rin siya nito kung paano lumaban. Ipinagtanggol niya lamang ang kaniyang sarili at nagalit siya kaya niya sinapak ang driver na ngayo'y kasalukuyang ginagamot sa kabilang silid.


Nakaupo si Alira sa harapan ni Cortes. Nakatingin lamang sa kaniya ang pulis na animo'y bawat galaw niya ay binabantayan.


"Ma'am, tawagan niyo na po ang attorney niyo nang mapag-usapan natin ang kaso niyo," paalala nito


Tumango lamang si Alira.


Muli niyang itinuon ang kaniyang atensyon sa hawak niyang cellphone. Ang totoo niyan ay wala naman siyang kilalang attorney. Bakit naman siya magkakaroon ng attorney gayong estudyante pa nga siya? Nasabi lamang niya iyon kanina dahil nadala na siya ng kaniyang galit at ayaw niyang mapahiya.


Sinuri ng dalaga ang laman ng kaniyang contacts. Limang pangalan lamang ang nakita niya doon; sina Ciara, Eujin, Harith, Leiter at Sam. Gusto niyang tawagan si Sam ngunit sa ugali nito, alam niyang gagawa lamang ito ng panibagong gulo. Si Harith naman ay may trabaho kaya ayaw niya itong maistorbo habang si Leiter--hindi niya alam ngunit nagdadalawang-isip siyang tawagan ang binata. Hindi niya alam kung anong mukhang ihaharap niya rito kapag nalaman nitong napaaway siya.


Isang tao na lamang ang alam niyang makakatulong sa kaniyang sitwasyon. Mainam rin dahil alam niyang nag-aaral ito ng Law ngayon.


Dali-daling tinawagan ng dalaga si Ciara. Naka-isang ring lamang ito bago sinagot ng babae.


"Hey Alira! Woah! This is new! Minsan ka lang tumawag sa'kin, ah! What's up?" bati nito mula sa kabilang linya.


Tumikhim si Alira. Wala siyang ideya kung paano niya ito sisimulan.


"Hello Attorney!?"


Sinadyang lakasan ni Alira ang kaniyang boses upang marinig ng lahat ng tao ang kaniyang sinabi. Nakita niyang tumaas ang kilay ni Cortes nang mapagtanto nito kung sino ang kausap.


Napansin niyang tumahimik ang kabilang linya kaya't marahil naguguluhan na ngayon si Ciara. Maya't maya pa, biglang sumeryoso ang boses nito at may kung anong kaluskos siyang narinig mula doon.


"What have you done? Nasaan ka ngayon?" tanong ng dalaga sa kaniya na animo'y nahulaan na nito ang kaniyang kalagayan.

The Wandering PrinceWhere stories live. Discover now