Kabanata 46

582 67 33
                                    

SA mundo ng mga tao.


Dinala sila ng kapangyarihan na nanggaling sa tungkod ni Pinunong Elwin sa isang matayog na gusali. Kapwang nakatingala ang tatlo upang pagmasdan ang tuktok nito. Nakasulat sa malalaking letra ang pangalan ng lugar ngunit hindi nila ito mabasa sapagkat kakaiba ang lengguwahe ng mga tao.


Halos malula sila sa taas at laki ng lugar. Nakatayo lamang ang tatlo sa harap habang tahimik na pinagmamasdan ang bawat taong pumapasok sa loob.


Hindi nila batid kung bakit dito sila dinala ng tungkod ngunit kung ito ang tinurong daan nito, nakakatiyak si Elwin na nasa paligid lamang ang kanilang hinahanap. Luminga-linga ang matanda, napansin niyang pinagtitinginan na sila ng mga dumadaan dahil sa kanilang ayos at kasuotan. Gayunpaman, hindi iyon pinansin ni Elwin at sinuri ang paligid, walang sinuman ang pamilyar sa kaniya.


"Nakakatiyak ba kayo na narito ang dalawang prinsipe?" wala sa sariling tanong ni Gnowie habang nakatingala.


Nagkibit-balikat si Elwin. "Marahil ay nasa paligid lamang sila. Hindi tayo dadalhin ng aking kapangyarihan rito kung wala tayong mapapala."


"Lubhang napakalawak ng gusaling ito. Animo'y isang palasyo sa tayog. Paano natin sila mahahanap?"


"Yna, ako'y nagugutom na."


Naputol ang usapan ng dalawa at napatingin sa batang kasama. Doon lamang nito napagtanto na wala ang atensyon nito sa gusaling kaharap nila ngayon kundi nasa isang tindahan sa 'di kalayuan kung isang sorbetes ang tinitinda. Maya't maya pang kinakalimbang ng matandang lalaking nagtitinda nito ang hawak niyang maliit na kampana na animo'y nagtatawag ng mamimili. Dahil doon, nagtakbuhan ang mga bata sa kalye upang makatikim ng tinitinda nito.


"Nais kong tumikim ng pagkaing iyon, Yna," muling sabi ni Enoch.


Nagkatinginan sina Elwin at Gnowie. Lumuhod ang babae sa harapan ng kaniyang anak upang kumbinsihin ito.


"Anak, wala tayong panahon sa mga bagay na iyan. Hindi tayo maaaring kumain ng pagkain ng mga tao," turan ni Gnowie.


Sinalubong naman ng bata ang mga titig ng kaniyang ina. Ngunit, imbes na sumang-ayon, lalo pang nagsalubong ang kilay nito.


"Bakit, Yna? Nakakalason ba ang pagkain nila?" inosenteng tanong nito.


Sinulyapan ni Gnowie ang kasamang matanda. Umaasa siyang matutulungan siya nitong ipaliwanag sa bata ang totoo ngunit imbes na magsalita, umiwas lamang ng tingin ang pinuno ng konsejo. Napabuntong hininga na lamang si Gnowie at muling tumikhim. Ang totoo niya'y hindi naman nakakalason ang pagkain ng mga tao, sadyang wala lamang talaga silang salapi upang makabili.


"Yna, pakiusap," pagmamakaawa ni Enoch.


Maluha-luha na ang mga mata nito na tila ba'y ilang sandali na lamang ay maiiyak na ang bata.


"Enoch, aking anak. Kung nasa Erewhon lamang tayo ay kaya kong ibigay sa iyo ang lahat. Wala sa akin ang aking tungkod kaya wala rin akong kapangyarihan ngayon. Isa pa, kailangan natin ng salapi ng mga tao upang makabili ng pagkain nila."

The Wandering PrinceKde žijí příběhy. Začni objevovat