Kabanata 14

390 58 14
                                    

NAKASANDAL lamang si Alira sa upuan ng kotse. Katabi niya si Harith na ngayo'y seryoso sa pagmamaneho. Nakaidlip na si Samuel sa likuran kung kaya't tahimik lamang sila buong byahe. Muli niyang sinulayapan ang binata. Hindi siya nasanay sa itsura nito. Mas naging seryoso itong tingnan kumpara noong nag-aaral pa lamang ito. Nakasuot ng salamin si Harith at nakasuklay pataas ang buhok. Malinis rin ang suot nitong puting long sleeves na nakatupi hanggang sa kaniyang siko.


Bumuntong hininga na lamang si Alira at napatanaw sa tanawing nasa labas ng bintana. Kalahating oras na silang nasa byahe kaya't unti-unti na niyang nararamdaman ang pagod. Napakahaba ng araw na ito para sa kaniya. Una, nakaligtaan niya ang kaarawan niya. Pangalawa, nakita niya ang kaniyang mga kaibigan. Maganda rin naman ang naidulot ng araw na ito kahit pakiramdam niya'y malaking oras ang nasayang sa kaniya. Iniisip niya ngayon kung ano ang gagawin niya bukas--mag-aaral na naman siya.


Aaminin ni Alira na nagsasawa na rin siya sa kaniyang ginagawa. Minsan napapaisip rin siya kung bakit niya ginagawa ang lahat ng ito. Para saan at para kanino nga ba ang lahat ng kaniyang paghihirap? Pakiramdam niya'y may iba siyang bagay na dapit gawin. Mula noon at hanggang ngayon, gulong-gulo pa rin siya.


Anu't ano pa man, magtatapos siya sa pag-aaral. Gusto niyang maging doktor. Gusto niyang dugtungan ang buhay ng isang tao.


Dumaan sila sa isang mahabang tulay. Mula sa kanilang kinaroroonan, animo'y mga kulisap na lamang ang mga ilaw ng syudad na kanilang pinanggalingan kanina. Kumurap-kurap si Alira hanggang sa hindi niya namalayang nakatulog na siya.


Lumipas ang isang oras. Narating nila ang kabilang siyudad kung saan namamalagi si Samuel. Umuuwi ito rito tuwing Sabado at Linggo, kapag walang pasok. Dumaan ang kanilang kotse sa isang mataong bahagi. Maghahatinggabi na ngunit kalat pa rin ang mga tao sa kalsada.


"Papa Harith, dito na lang ako."


Gulat na napalingon si Harith sa likuran. Hindi niya napansing gising na pala ito.


"Sigurado ka ba?" tanong ni Harith.


"Oo naman. Iuwi mo na itong si Alira girl sa kanila. Borlogs na oh!"


Tumigil ang kotse sa harapan ng isang convienient store. Bukas pa ito at ilang mga tao rin ang nakikita nilang nasa loob, nagkakape at kumakain.


"Thanks, Papa Harith! Sa uulitin ha! Tulog na tulog itong si Alira girl kaya huwag mo nang gisingin, ipagpaalam mo na lang ako sa kaniya," wika ni Samuel.


Tumango na lamang si Harith. Pinanuod niya pang lumabas ng kotse ang kaibigan. Saka lamang siya umalis nang hindi na niya ito matanaw pa.


NAKABAWI ng lakas si Samuel nang makaidlip siya buong byahe. Gising na gising na tuloy ang kaniyang diwa ngayon. Malinawag ang daang tinatahak niya ngayon dahil sa mga naglalakihang ilaw sa magkabilang gilid ng kalsada. Bagama't hatinggabi na at mag-isa na lamang siya, hindi siya takot na maglakad sa bahaging iyon sapagkat sanay na rin siyang dumadaan rito.


Kahit siguro walang ilaw o nakapikit ang mata, makakarating siya nang maayos sa bahay.


The Wandering PrinceWhere stories live. Discover now