Kabanata 19

456 54 11
                                    

MULA sa malayong hilaga, sumugod ang mga kasapi ng konsejo sa kaharian ng Avaerze nang marinig ng mga ito ang balita sa nakaambang digmaan sa pagitan ng Avaerian at Eubithian. Bumaba sa kaniya-kaniyang argus ang anim na kasapi ng konsejo sa panguguna ni pinunong Elwin. Nasa labas ng lupain ng kaharian ang mga ito. Hindi sila tuluyang nakakapasok sa loob dahil sa pananggalang ginawa ni haring Maceo.


Isang malakas na puwersa ang pumpalibot sa buong lupain ng Avaerze at walang sinuman ang makakalabas at makakapasok rito.


"Hindi ko akalaing may katotohanan nga ang aking mga narinig. Totoo ngang bumuo na ng kalasag ang kaharian ng Avaerze," sambit ni Tirso, ang nasa ikatlong puwesto sa konsejo, mula sa lahi ng mga Canther, ang mga magsasaka.


"Huminahon ka, Tirso," saway sa kaniya ni Elwin. "Hindi gagawa ng hakbang ang hari ng Avaerian kung wala siyang dahilan kaya't bago natin sila husgahan, alamin muna natin kung ano ang buong pangyayari."


"Sang-ayon ako sa iyo, pinunong Elwin," segunda naman ni Isak, ang kinatawan mula sa lahi ng mga mangangalakal o mas kilala sa tawag na Azarcon.


"Hahatiin ko ang bilang ng mga miyembro ng konsejo. Maliban sa akin, anim kayo kaya't ang kalahati ng bilang ay magtutungo sa kaharian ng Eubithia upang alamin rin ang kwento mula sa kabilang panig."


"Ngayon din, pinunong Elwin," sagot ni Isak. "Isasama ko sina Sether at Oslo sa aking pagtutungo sa palasyo ng Eubithia."


Tumango ang pinuno ng konsejo bilang pagsang-ayon. Walang pagdadalawang isip na sumunod naman sina Sether, ang kinatawan ng lahi ng mga mandirigma at Oslo na mula sa angkan ng mga panday. Muling sumakay ang mga ito sa kaniya-kaniyang argus. Tinanaw pa ni Elwin ang paglisan ng tatlo bago muling ibinaling ang kaniyang mga tingin sa natitirang kasama.


Naiwan sa kaniya sina Tirso mula sa lahi ng mga magsasaka, si Mirano mula naman sa angkan ng mga mangingisda at si Koa mula sa lahi ng mga minero.


"Paano tayo makakapasok ngayon, pinuno?" tanong ni Mirano.


Pinagmasdan ng matanda ang manipis ngunit matibay na pananggala sa kaniyang harapan. Hinaplos niya ito ngunit hindi pa man niya nahahawakan ito ng tuluyan, naramdaman niyang unti-unti nitong hinihigop ang hangin niya sa katawan.


Napaatras si pinunong Elwin at mistulang nahilo sa panandaliang interasyon niya sa kalasag ng Avaerze.


"Ayos lang po ba kayo?" Alalang tanong sa kaniya ni Koa na mabilis siyang inalalayan.


"Hindi kaya ng aking kapangyarihan na tibagin ang pananggang ginawa ng haring Maceo kaya't kailangan natin siyang kausapin upang tayo'y makapasok sa loob," paliwanag ng matanda.


"Ngunit, paano natin gagawin iyon?" usisa naman ni Tirso.


Dumako ang tingin ni Elwin sa hawak niyang tungkod. Isa lamang ang naiisip niyang paraan upang makausap si Maceo nang hindi nasasaktan.


The Wandering PrinceTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon