Kabanata 27

344 58 17
                                    

SA mundo ng mga tao.


Nakakunot ang noo ni Samuel habang tinititigan ang ginuhit na larawan ni Gilead. Alanganing ngiti ang sumilay sa kaniyang labi sapagkat malayo sa kaniyang inaasahan ang tunay na kinalabasan ng ginawa ng binata. Ilang beses niya itong tinanong kung ano ang itsura ng hinahanap nilang lalaki ngunit imbes na sabihin ito kay Sam, walang pagdadalawang-isip na kumuha si Gilead ng isang malinis na piraso ng papel at lapis upang iguhit ang kaibigang nawawala.


Seryoso pa ang mukha nito habang gumuguhit. Halos hindi nga ito makausap nang maayos ni Sam kaya't labis ang kaniyang pagkadismaya nang makita ang itsura ng gawa nito. Lalong itinaas ni Samuel sa ere ang hawak niyang papel. Saang anggulo man niya ito tingnan hindi niya masabi kung saang banda ang mata o ilong sa ginuhit nito.


Humalumbaba si Sam sa mesa sa sobrang pagkadismaya.


Nasa isang sikat na coffee shop sila kung saan maya't mayang pumapasok at umaalis ang mga tao. Maraming tao sa loob. May mga estudyante at mga magkasintahan. Ilang mga babae pa nga ang napapansin niyang gumagawi ang tingin kay Gilead. Sa tuwing nahuhuli niya ang mga panaka-nakang sulyap ng mga ito ay tinataasan niya lamang ito ng kilay.


Hindi rin naman masisisi ni Sam ang mga dalaga sapagkat kahit siya ay maya't maya na lamang napapatulala habang pinagmamasdan ang itsura ng kaniyang kasama. Malinis, malakas ang dating, mabango at animo'y isang anak mayaman ang ayos ni Gilead ngayon, malayo sa itsura nito noong unang beses niya itong makita.


Gayunpaman, may mga pagkakataon talagang hindi niya ito maintindihan. Tulad ng guhit na ginawa nito ngayon.


Marahan niya ibinaba sa mesa ang hawak niyang papel bago tiningnan ng diretso si Gilead.


"Ito ha, real talk ito, Gilead," panimula niya. "Sigurado ka bang tao ang hinahanap natin?"


Kumurap ang binata at pagkuwa'y umiling.


"Hindi," mabilis na sagot nito. "Hindi siya tao."


Hinintay ni Sam na tumawa si Gilead sa sarili nitong biro ngunit nanatili lamang ang seryoso nitong mukha dahilan upang mapangiwi siya. Pinulot niya na lamang muli ang papel laman ang ginuhit na larawan ng lalaki.


Tumangu-tango siya. "Mukhang hindi nga siya tao."


Sinakyan niya na lamang ang biro ng kaibigan.


"Pero paano nga natin siya mahahanap?" dagdag niya. "Hello, tingan mo nga itong drawing mo. Hindi ko malaman kung saan ang ilong o bibig rito. Bakit kasi hindi mo na lamang sabihin sa'kin kung ano ang pangalan niya? Ano ba ang apelyido niya? Taga saan ba siya?"


Sandaling nag-isip ang prinsipe. Hindi siya sigurado kung dapat nga ba niyang sabihin kay Sam ang totoo. Natuto na siya. Minsan na siyang nagtiwala sa iba ngunit nauwi lamang iyon sa isang trahedya. Hindi na niya batid ngayon kung kaya pa nga ba niyang magtiwala sa iba.


Naniniwala naman siyang isang mabuting tao si Samuel ngunit kung sasabihin niya ang totoo rito, batid niyang hindi ito maniniwala sa kaniya. Aakalain lamang niyang nasisiraan na siya ng ulo.

The Wandering PrinceWhere stories live. Discover now