Kabanata 52

295 40 1
                                    

AMOY ng pinaghalong dugo at pawis ang hangin. Natuod sa kaniya-kaniyang kinatatayuan ang buong grupo ni Alira habang pinapakiramdaman ang kilos ng kanilang kalaban. Hindi nila batid kung paano nakarating ang napakaraming kawal ng mga Zitherian nang hindi nila napapansin. Ngunit, sa itsura at galaw ng mga ito, mukhang sila nga ang hinihintay ng mga luwarka.


"Tunay ngang nagbalik ang mga kawal ng ikalimang kaharian," mutawi ni Elwin sa kaniyang sarili habang hindi matanggal ang kaniyang mata sa kaharap na mga kawal.


Nakahanay ang mga ito. Dala-dala ang kani-kanilang mga gamit pandigma. Kulay pula ang mga buhok at kawangis ng demonyo ang mga itsura. Malayong-malayo ang itsura ng mga ito sa tunay na wangis ng lahi ng mga Zitherian bago naganap ang unang digmaan noon. Maraming katanungan ang naglalaro ngayon sa isipan ng matanda. Paano nakabalik mula sa kabilang buhay ang mga namayapa na? Ang buong akala niya'y naubos na ang lahi ng mga Zitherian noong nagdaang digmaan.


"Sila iyong nakita namin sa Ilog ng Kausrel," takot na turan ni Ciara. "Sila iyon, right?"


"Anong ibig niyong sabihin na nagbalik sila?" naguguluhang tanong naman ni Harith.


Matagal siyang tiningnan ng matanda na tila ba'y nagdadalawang-isip ito kung sasabihin ba ang totoo ngunit sa huli, umamin rin ito sa kanila.


"Ang lahi ng mga Zitherian ay matagal nang nabura sa mundong ito. Naubos sila noong unang digmaan."


"Sinasabi niyo bang nagbalik sila mula sa kamatayan?" usisa ni Alira. "Sa dami nila, hindi ko lubos maisip kung ilang nilalang ang kanilang isinakripisyo upang sila'y muling mabuhay."


Umiling ang matanda. "Hindi ako naniniwalang may kinalaman ang Bathalang Zabini ng Lupaing Andada sa nangyayari. Malakas ang kutob kong may isang makapangyarihang nilalang ang nasa likod nito."


"May isa pang nilalang ang kayang bumuhay ng mga patay?" gulat na tanong ng dalaga.


Bumuntong hininga si Elwin.


"Ang mga dugong bughaw ng lahi ng mga Veercano ay may kakayahang gamutin ang kanilang sarili at ang iba. Ngunit, usap-usapan rin ang isang pambihirang kakayahan ng mga ito na hanggang ngayo'y hindi pa napapatunayan. Kumalat sa buong Catharsis na kaya rin nilang bumuhay ng mga patay."


Natigilan si Alira. Isang ideya ang pumasok sa kaniyang isipan. Kung totoo ngang kabilang siya sa mundong ito, kung papipiliin siya ng lahi, malamang ay nanaisin niyang maging bahagi ng lahi ng mga Veercano kung tunay ngang may kapangyarihan itong bumuhay. Kung matataglay niya iyon, titiyakin niyang walang sinuman ang malapit sa kaniya ang hahayaan niyang mawala.


"Paano nila nalamang nandito tayo?" singit naman ni Ciara.


Mula noong una niya itong makita sa Ilog ng Kausrel, hanggang ngayon ay hindi pa rin niya makalimutan ang mga nakakatakot nitong mga itsura. Paminsan-minsan ay napapanaginipan niya pa itong hinahabol siya. Ang muli itong makita rito sa Catharsis ay ang huli niyang hihilingin.


"Hindi ko rin alam," sagot ni Elwin. "Sa aking pagkakatanda, kaanib ng kabutihan ang lahi ng Zitherian noong unang panahon ngunit ngayon, hindi na ako sigurado, kaya ihanda niya na ang inyong mga sarili sapagkat muli tayong mapapalaban."

The Wandering PrinceWhere stories live. Discover now