Kabanata 28

371 56 20
                                    

NAPATITIG si Alira sa hawak niyang cellphone nang mapagtanto niyang binabaan siya ng tawag ng kaibigan. Dalawang araw na itong hindi pumapasok. Hinayaan lamang niya ito nang hindi ito sumipot sa eskwela kahapon sa pag-aakalang napagod lamang si Samuel pero nang hindi niya ulit nakita ang kaibigan ngayon, nagtaka na siya.


Sinubukan niyang tawagan si Samuel kahapon ngunit hindi ito sumasagot. Nag-alala na si Alira kaya't minabuti niyang bisitahin ito sa bahay bakasakaling may sakit ang binata. Ngunit, nadatnan niyang bakante ang lumang apartment ni Sam. Walang anumang bagay sa loob ang naiwan. Kung hindi pa siya pumunta ay hindi niya malalamang lumipat na pala ito ng bahay. Isa sa mga bagay na labis niyang pinagtakhan.


Sa lahat ng tao, si Alira ang mas nakakaalam sa tunay na kalagayan ni Sam. Batid niyang walang sapat na pera si Samuel upang lumipat ng bahay. Sa pagkakaalam niya ay dalawang buwan na rin itong hindi nakakabayad sa renta kaya't ang paglilipat ay ang huling gagawin nito. Ngunit kung sakali mang gawin iyon ng lalaki, siya ang unang pupuntahan ni Sam.


Hindi niya alam kung anong nangyayari rito ngunit masama ang kaniyang pakiramdam. Nang makausap naman niya ito sa telepono kanina ay mukhang masaya ito. Hindi naglilihim sa kaniya si Sam ngunit pakiramdam niya ay nagsisinungaling ito sa kaniya ngayon. May hindi siya alam sa nangyayari sa kaibigan.


Mabilis na itinago ni Alira ang kaniyang cellphone sa loob ng bag. Mabibilis ang kaniyang mga yapak na bumaba ng hagdan mula sa inuupuhang lumang apartment ni Sam. Hindi na nag-atubili ang dalaga na pumara ng taxi sa daan. Kailangan niyang puntahan si Sam. Kailangan niyang hanapin ito sa kung saang hospital man ito naroroon ngayon.


Nasa daan pa lamang ay hindi na mapakali si Alira. Maya't maya niyang tinitingnan ang kaniyang cellphone na animo'y may hinihintay siyang tawag o text mula sa kaibigan. Ilang beses niya na rin itong kinontak upang alamin ang pangalan ng eksaktong hospital kung nasaan ito ngunit hindi na sumasagot si Sam.


Ibinaba niya ang bintana ng kotseng sinasakyan niya. Napahawak si Alira sa kaniyang noo dahil sa labis na pagkadismaya. Dumagdag pa sa kaniyang mga pasakit ang mahabang traffic.


"Miss, saan po ang punta niyo?" tanong sa kaniya ng nagmamaneho.


Dumako ang tingin ni Alira rito. Hindi niya alam kung nasaang hospital ngayon si Sam.


"Sa pinakamalapit na hospital na lang kuya," sagot niya.


Tumango na lamang ang lalaki saka tinuon ulit ang atensyon sa daan.


Wala na ring ibang nagawa si Alira kundi ang panuorin ang maalinsangang tanawin sa labas. Isa sa mga ayaw niyang maranasan ay maipit sa gitna ng mahabang traffic. Maiintindihan naman niya sana ang kaniyang kalagayan dahil uwian na ng mga estudyante at nagtatrabaho ngayon ngunit nasa isang karaniwang highway pa lamang sila ngayon kung saan malimitan lamang kung dumaan ang mga motorista kakaunti kaya kataka-taka sa kaniya itong nangyayari.


Mayamaya pa, nagpantig ang tenga ni Alira nang makarinig siya ng sunud-sunod na tili ng mga babae sa 'di kalayuan. Sa labis na pagtataka, napadungaw siya sa labas ng binata upang tingnan ang unahan ng daan. Kumunot ang kaniyang noo nang mamataan niya ang grupo ng mga kababaihan na may bitbit ng mga karatulang may guhit ng puso at isang mukha ng lalaki na hindi niya makita nang malinaw dahil sa layo.

The Wandering PrinceTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon