CHAPTER 70: Connected Souls

256 20 2
                                    

Heildygard's POV

Bigla kong iminulat ang aking mga mata at una kong nasilayan ang mga ilaw at ilang mga kulay rosas na kurtina sa itaas. Sa aking paggising, naramdaman ko ang malambot na kuston na aking hinihigaan at komportableng nakalapat ang aking katawan sa pagkakahiga. Napagisip-isip ko, wala na ako sa isla–

Dagli akong bumangon at nakita ko ang ilang mga katulong na nakasuot ng pare-parehong bestida na may marka at krest ng Clysetin sa kanilang delantal o 'yung telang nakaibabaw sa kanilang kasuotan para 'di madumihan at siyang kasama ko sa silid na 'to. Pero hindi ko masasabing nasa palasyo ako at sa ayos ng paligid hindi 'to ang aking kwarto. Medyo umuuga ang kinalalagyan ko ngayon, at oo, sa hinuha ko nakasakay ako sa sasakyang pandagat.

"Nasa'n na ako?!" Bigla kong tanong sa isa mga ginang na nakabantay sa'kin. "Ang guro nasaan? At… si Lass? Kailangan ko silang makausap may importante akong sasabihin." Dagdag ko.

"Lass…? Wala akong kilalang ganong pangalan." Rinig kong bulungan ng isa sa kanila. Sabagay wala naman talagang nakakakilala sa kanya rito.

"Ahh kamahalan, mabuti pa po kumalma muna kayo saglit, kasalukayan na pong tinatawag ang inyong guro. Paumanhin sa'kin." Sambit ng isa sa kanila matapos tumungo bilang pagbibigay niya ng galang sa'kin.

Isa, dalawa… apat! Apat silang nakahanay sa harap ko, 'yung pangalawa sa kaliwa ang nagsalita.

Napansin ko rin sa'king sarili na binihisan ako ng malinis at mas malambot na damit. Pero hindi, nagmamadali ako kailangan kong makausap ang piratang 'yon.

Sa aking paghahangad na matagpuan siya, hindi na ako nagalinlangan na umalis sa kamang hinihigaan ko upang maghagilap ng kinaroroonan niya. Ang kaso hindi ko alam kung naiwan siya sa isla o sinama para dakpin at iharap sa'king ama, sana naman nandito s'ya.

"Ahh… mahal na prinsesa, mabuti pa siguro'y kumalma ka po muna. Parating na si ginoong Kayden ilang saglit po lamang." Pangpipigil ng isa pa sa mga kasama kong tao sa silid. Sa ngayon 'yung katabi sa kanan nu'ng nagsalita kanina ang pumipigil naman sa'kin ngayon.

Matapos kong makatayo ay biglang sumakit ang aking ulo at nahilo nang bahagya dahilan upang matumba ako sa sahig at dahil na rin sa panlalambot ng aking tuhod. Sa totoo lang hindi maganda ang pakiramdam ko matapos kong magising. Para akong nilalamig pero ang init ng pakiramdam ko o sabihin ko na nilalagnat ako.

Hindi… hindi magpapatalo ang isang Heildygard Amberleen sa kondisyon na 'to. "Ayos lang 'wag n'yo akong intindihin."

Muli akong tumayo sa tulong ng mga kababaihan na kasama ko. "Um… ano, salamat." Magalang kong sambit sa kanila na tinugunan ng ilan ng pagtataka at ang ilan ay pagnigiti. Hay… 'di bale na, marahil ngayon lang nila 'to sa'kin narinig, kay Lass ko lang naman 'to natutunan, nakakaganda raw naman sa'kin 'pag sinasabi ko 'yon.

Patungkol nga pala sa kanya, kailangan ko siyang mahanap…

Nanaginip ako tungkol sa kaibigan n'yang naikwento sa'kin. Nakita ko siya sa aking panaginip at hanggang ngayong gising ako, buo pa rin Ang imahe niya. May kailangan akong malaman sa taong 'yon na marahil si Lass lang makakasagot.

Hindi ko alam kung bakit 'to nangyayari, hindi ko naman 'yon kaano-ano o kadugo—

"Kamusta ang prinsesa?" Rinig kong tanong ng isang lalaki na may malamig at walang emosyong boses. Hay… sa wakas guro, nandito ka na rin.
"Ayos lang ako. May kailangan akong itanong sa'yo guro." Sagot ko sa kanya. Kahit hindi naman talaga maigi ang pakiramdam ko.

"Mabuti pa Heildygard, magpahinga ka muna. Hindi ko nanaising magkasakit ka at managot pa kami sa iyong amang hari." Tugon niya sa'kin.

Parating ganito ang guro, para ko na siyang pangalawang ama kaya gano'n ako kalapit sa kanya. Sa katunayan, s'ya lang ang lubos na nakakaintindi sa'kin at sa pinagdadaanan ko, s'ya rin 'tong nagaalala at nagaalaga sa'kin no'ng bago-bago ko pa lang natutunan ang mahika.

Reincarnated as a Beast TamerTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon