27 » mahal

7 2 23
                                    

Naisubsob ko na naman ang mukha sa pitpit nang higaan. Pati ang nag-iisang unan ay tinakip ko na rin sa ulo. Nakakainis!

Tinahaya ko ang sarili. Ang unan ay natakip at dinikit ko pang lalo sa mukha.

Kaso kahit anong gawin ko ay nakikita ko pa rin si Frankie. Ang pagpikit ng mga mata niya, ang naestatwa kong sarili nang dumampi ang labi niya.

Nanatili akong nakatingala. Natigil ko ang paghinga. Hindi maproseso ng utak ko ang nangyari. Tuluyan na rin itong bumigay nang gumalaw ang mga labi ni Frankie. Mabagal, madiin bago siya bumitiw.

Narinig ko na lang na nagbukas at nagsara ang pinto.

Hindi ko rin namalayan kung gaano ako katagal na nakatayo. Ang mga paa ko na lang ang nagsariling sikap, tinakbo ang hagdan at umakyat sa kwarto.

Napatagilid ako sa higaan, bumaluktot at niyakap ang unan.

Bakit kasi gano'n? Hanggang ngayon ay hindi ko pa rin maproseso ang nangyari. Lintik bakit ba ayaw tumigil nitong labi ko ang ngumiti?

Naidikit ko na naman ang mukha sa nalalasog nang unan. Hindi pinansin ang nagrereklamo at kumakalam ko nang sikmura.

Ang totoo'y kanina pa ako nagugutom. Pa'no ba kasi na halos wala akong nakain kaninang tanghalian.

Kanina pa lumubog ang araw at umilaw ang bombilya. Gusto ko lang naman sanang tanungin kung papano ang hapunan namin.

Pero pa'no ba, ayokong bumaba. Gusto ko na lang matunaw at sumingaw.

Anong mukha ba kasi ang ihaharap ko?

Pwede kaya na kunyari walang nangyari? Kunyari nakatingin silang lahat sa kung saan at hindi nila nakita 'yon. Ang hirap naman e.

Lalo kong nabaluktot ang sarili. Kinuskos ang nangingilo kong braso. Nakikita ko na kasi sa isip ang mga titig nila na nanunudyo.

"Pssst!"

Napabalikwas ako sa kama. Sa pagkataranta ay naiupo ko ang sarili at kusang lumipad ang tingin sa may pintuan kung saan nakatayo doon si Jack. Nakabusangot at may bitbit na supot.

"Pagkain..." sabi niya nang makapasok at isinara ang pinto.

Binaba ko ang mga paa at pumwesto sa may katamtamang espasyo para sa kanya. Naupo rin si Jack at nilatag ang supot sa gitna namin.

May umihip na malamig na hangin na nanggaling sa bintana. Dinagdagan lang nito ang nakakailang na katahimikan. Hindi kasi nagsasalita si Jack?

Tinuon ko na lang ang atensyon sa mga gasgas sa sahig habang binubuksan niya ang supot.

Sinubukan ko rin na magsimula ng usapin, pero nauudlot lang. Sinubukan ko rin na hulihin ang tingin niya, pero hindi niya inalis ang mga mata sa kasalukuyan na ginagawa. Hindi ako sanay na ganyan si Jack sa'kin.

Walang sabi-sabi na inabot niya sa'kin ang isang bilao. Malaki ito ng konti sa plato at nakaumbok ang sinasabi niyang pagkain sa ilalim ng takip nito na dahon ng saging.

Sinubukan ko pa rin na hulihin ang mga mata ni Jack habang kinukuha ko ang pagkain. Pero wala talaga. Yumuko na lang ako dahil ayaw niya talagang tumingin sa'kin.

Kahit ang nag-eeskandalo kong tiyan ay hindi niya pinansin. Kalimitang may pang-aasar siya sa mga ganitong sitwasyon. Pero wala, matamlay kong kinuha ang inaabot niya na tinidor at kutsara.

Suminghap ako ng hangin at pinakawalan ang namumuong paninikip ng dibdib. Binaling ko na lang ang atensyon sa bilao na pinatong ko sa kandungan. Inalis ko na rin ang takip nito.

Sa gilid ng mata ko'y inantay ko na maalis ni Jack sa supot ang pangalawang bilao. Katulad ko na pinatong niya rin ito sa kanyang kandungan at inalis ang nagmamantikang takip na dahon ng saging.

Issa IlusyunadaWhere stories live. Discover now