28 » hindi simula, hindi rin wakas

16 2 33
                                    

This chapter is dedicated to Dimasilaw_101 Nandito ang kalahating sagot sa iyong mga katanungan 😎

************

Damian

Walang habag.

Umigtad ako sa sakit na dulot ng hagupit ng latigo sa aking likuran. Ang mga tuhod ko'y wala na ang lakas sa walang humpay na paghataw ng berdugo na tila wala ng katapusan. Tanging ang kadena na lang ang nagpanatili sa akin na nakatayo at hindi malugmok sa duguan at malamig na sahig.

"Ako ay nauubusan na ng pasensiya, Damian!" sigaw ni Don Hernando--sa sobrang galit nito ay mas kinakapos pa ang kaniyang paghinga kaysa sa akin.

Naubo ko ang dugo sa biglaang pagtarak ng kahoy na tungkod sa aking lalamunan. Ginamit din ito ng Don upang iangat ang aking mukha upang pumantay ang aking paningin sa kaniyang mga mata. "Saan nanunuluyan si Harold at itong babaeng Isabelle?"

Sa kabila ng panlalabo ng aking paningin ay naaaninag ko ang nakatiim nitong bagang. Ang bibig nito na hanggang tainga ay nakabagsak, umaagos ang laway na paminsan-minsang dinadampian ng puting panyo ng babaeng utusan.

"Saan nanunuluyan ang suwail kong anak?" sa lakas ng pwersa ng pagsigaw niya ay tumilamsik ang laway nito sa aking pisngi.

Lalong idiniin ng Don ang tungkod sa kawalan ko ng tugon sa kanyang katanungan. Muli akong naubo na lalo nitong ikinagalit nang nawisikan ng dugo ang seda nitong kasuotan.

"Tonto!" Binawi ng Don ang kanyang tungkod, nanggagalaiti na kinatok ang kahoy sa marmol na sahig. Umalingawngaw ang ingay nito sa malawak na bulwagan kung saan hinahamak ang mga katulad kong isa lamang alipin.

Inihanda ko ang sarili sa hagupit ng latigo. Sa pangalawang pagkakataon na hinampas ng Don ng kanyang baston ang siya rin ang paghataw ng berdugo.. Napahiyaw ako sa sakit, napapaigtad sa bawat pagdapo nito sa mura kong katawan.

Hindi ko na halos mahabol ang paghinga. Hindi ko na maramdaman ang sarili. Panay ang pagsuka ko ng dugo at sa pakiwari ko ay hindi na ako magtatagal.

"Ikaw ba'y hindi magsasalita, ha, Damian!"

Inangat ko ang ulo at hinarap ang Don. Umilaw ang kanyang mga mata at lumaki ang butas ng kaniyang ilong--inakala siguro na magbibitiw na ako ng salita pagkatapos ng pananakit at pananakot nila sa akin. "Ipagpaumanhin po ninyo, ngunit ang katapatan ko ay para lang kay Señorito Harold."

"Walang silbi!" Lalong sumidhi ang galit ng Don at hinampas niya sa aking mukha ang hawak na tungkod.

Hindi pa nakuntento at inangat niyang muli ang baston sa ire, tahasan ko na pinikit ang aking mga mata--pinilit na gawing manhid ang katawan.

Nang umugong ang pagbukas ng higanteng pinto ng bulwagan. Sinundan ng mga malulutong na lagatok ng takong ng sapatos. Hindi ko man nasilayan ay batid ko na ito ay ang Donya.

"Hernando, ano ang nangyayari dito?" Huminto siya sa aking harapan. Nadungisan ng pula ang laylayan ng trahe de boda na karaniwan nitong kasuotan.

Nahagip ng aking paningin ang dalawa pang babae na alipin--tinutulak ang kahoy na hagdan na may tatlong andana. Huminto ito sa harapan ng Donya kung saan masigasig na umakyat doon ang kabiyak.

"Mi amor…" ang tugon ng Don nang makaakyat na siya sa huling baitang. Kinuha niya ang kamay ng Donya at ito ay kaniyang hinagkan. "Ako ay nangalap lamang ng impormasyon patungkol dito kay Harold, at ang babaeng 'di umano'y kasa-kasama niya.."

"At ano itong ginagawa mo kay Damian? Hindi ka ba naawa sa bata?"

Nakaramdam ako ng pag-asa nang inaangat ng Donya ang aking mukha sa dulo ng kaniyang abaniko. Tinagilid niya ang aking ulo upang suriin ang aking kalagayan.

Issa IlusyunadaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon