43 » ang natatanging karet sa mundo ng mga issa

40 4 36
                                    

And this too is dedicated to Dimasilaw_101 Salamat sa walang sawang pagsuporta sa kalokohan nitong lima kong alaga.

May dinagdag pala ako sa chapter 28, andon ang kadugtong/simula vice-versa nito. Mas malilinawan ka sa nangyayari sa ating ilusyunada.

Back to topic, ito na ang kalahating sagot. This has a lot of switches, so here goes nothing.

************

-- Noong ikadalawampu't dalawa ng Mayo, taong 1994 --

Maugong ang tunog ng alon sa may kalayuan. Pero pahina ito nang pahina habang papalapit ang tubig at mahina itong humampas sa paa, sa hita--tinangay nito ang mga hibla ng buhok ko na nakalatag sa buhangin.

Magaspang ang buhangin, sa 'di malamang dahilan ay mas lalong kong nagustuhan ang manatiling nakahiga, nakatunganga habang tinatantiya kung gaano katagal maghihiwalay ang naglalakbay na ulap sa itaas.

"Hoy, Issa, tawag ka ng nanay mo!"

Tumingala ako sa direksiyon ng tunog ng naaapakang buhangin. Dahil mas malapit ito sa tainga ay mas malakas ito kaysa sa sigaw ng tumawag sa 'kin.

"Bakit daw?" tanong ko kay Kuya--nakatayo siya ng ilang hakbang sa may ulunan ko kaya baligtad ang tingin ko sa kan'ya.

"Ewan..." maiksi nitong sagot habang nakapamaywang at nakatingin sa dagat. Dumaan at humampas ang malakas na hangin sa alon, sa puting kamiso na suot niya, sa nang-aalat kong balat. Pumikit ako habang sumasayaw pa ang hangin at tinatangay nito ang sama ko sa loob.

"Oi, tawag ka nga! Tayo na!"

Minulat ko ang mata at napansing nakatayo na siya sa may gilid ko, nakasimangot at nakapamaywang pa rin.

Hindi ko pinansin si Kuya at binalik ang tingin sa langit. Umusli ang nguso ko sa dismaya dahil ang ulap kanina ay nagkawatak-watak na--hindi ko man lang nakita kung pa'no 'yon nangyari.

"Kuya, narinig mo na ba ang musika sa alon?" tanong ko sa kan'ya nang maramdamang naupo ito sa tabi. Naramdaman ko ring bahagya siyang lumingon sa 'kin bago nito binalik ang tingin sa dagat. "Nakakahumaling. Kaya siguro ayaw umuwi ni Tatay, nahumaling sa alon." Nagsimulang bumigat ang dibdib ko at letseng bumalik ang sama ng loob ko.

"Galit ka pa rin?" tanong niya.

Imbes na sumagot ay ginalaw-galaw ko ang nguso para pigilan ang sarili na maiyak. Kahit nakumbinse ko na ang sarili na ayos lang 'yon, kailangang lumaot ni Tatay para may pantustos sa pang-araw-araw naming gastusin. Pero hindi ko pa rin mapigilan ang sarili.

Pang-ilang pangako na ba 'to na uuwi raw siya sa kaarawan ko? Magdidiwang daw kaming tatlo--ako, siya, si Nanay.

Pito. Pitong pangako na napako simula no'ng pitong gulang pa lang ako.

Ang lupit ni Tatay.

Gano'n pa man ay ito akong tanga na umaasa pa ring makasama siya. Umaasang uuwi siya. Umaasang maging kompleto kami kahit ngayon lang sana.

Pero anong napala ko? Wala. Lagi na lang nauuwi sa pangingimbita ng pamilya nina Kuya at Barbara sa kanilang bahay-bakasyunan na dalampasigan ang harapan. Dahil daw gustong gusto ko ang dagat. Dahil daw pamilya na ang turing nila sa 'min at kaarawan ko naman.

Buti nga sila, iniisip nila ako. Simpleng hapunan lang naman sana ang balak namin ni Nanay, pero mapilit sila.

Mabuti pa sila, and'yan lagi ang nanay at tatay--kompleto sila lagi. Buti pa sila.

"Yaan mo na, maganda naman dito, 'di ba?" pampalubag-loob ni Kuya.

Malalim na buntong hininga ang naging sagot ko na humalo sa matinis na hiyaw ng mga tagak sa may 'di kalayuan. Isang mapait na ngiti ang hinarap ko sa kan'ya bago ko tinuon ang atensiyon sa bagong kumpol ng ulap na nakapaskil sa bughaw na langit.

Issa IlusyunadaTempat cerita menjadi hidup. Temukan sekarang