30.1 » hilaw na karet

20 2 50
                                    

Trigger Warning
This chapter is a little disturbing. If you are uncomfortable reading such theme, feel free to skip this. Thanks.

--------------------

Jack

Isa...dalawa...tatlo...apat.

Apat ang umaaligid sa bahay.

Nilanghap ko ang simoy ng hangin, ninanamnam ang magkahalong mapait at maasim na amoy ng kasamaan at pagnanasa na umaalingasaw sa kanilang katawan. Mga karet sila, mga hilaw na karet at kung saan sila humugot ng lakas ng loob na pasukin itong bahay.

Gumuhit ang labi ko hanggang tenga, nanginginig ang kalamnan ko sa tuwa. Ang sarap nila...ang sarap nilang pagtatagpasin.

Nahawakan ko nang mahigpit ang aking panganay na patalim upang pigilan ang sarili na tumawa--pinasadahan ko nang tingin ang kama, andon si Issa, kasama si Barbara--ayokong marinig niya, takot siya sa tawa ko.

Lalong sumidhi ang halimuyak sa hangin. Lumalapit ang tatlo, nagpaiwan ang isa sa likod ng bakod. Parang mga pusa na kinukubli ang ingay sa maingat na paggalaw--pero balewala--rinig na rinig ko sila. Ganyan, sige lang....lapit pa.

Lalong nabuhay ang dugo ko sa langitngit na tunog habang binubunot ko palabas ng kaluban ang isa kong gulok. Hindi matanggal sa labi ko ang ngiti habang iniikot-ikot ang patalim sa kamay. Wala akong masidlan sa tuwa, patalon-talon kong binaba ang hagdan.

Maglalaro kami ng tagu-taguan, ang mahuli taya...ang mahuli palaka....ang mahuli--dumaloy sa buo kong katawan ang pananabik, nakikinita ko na ang sariwang dugo na bumulwak at tumatagaktak sa itim na patalim.

Hindi ko pa nakalahati ang hagdanan nang may mahinang lagaslas ang sumusuot sa hangin. Mabilis kong tinakbo ang natirang baitang hanggang narating ko ang unang palapag.

Doon ko nadatnan ang demonyong Harold na nakatayo sa gitna ng dilim. Nakapikit at bahagyang nakadipa ang dalawa nitong kamay na parang sumasalo ng grasya. Mala-tintang likido ang dumadaloy mula sa kisame, dingding, sahig at ang direksyon ay papunta sa likod niya. Kusa itong dumugtong sa dulo ng buhok na unti-unti nitong ikinahaba.

Lumangungot ang ngipin ko sa galit, mabilis ko siyang nilapitan, ang isang kamay ko ay diretso sa kwelyo at ang dulo ng gulok ay diretso sa leeg niya. "Putang...bakit mo tinatanggal ang proteksiyon ng bahay?"

Lalo kong ikinagalit ang tamad nitong pagdilat at mga mata pa ay diretso sa mga mata ko. Nakikipagtitigan pa ang gago--ang sarap dukutin at pagpipiraso-pirasuhin.

"Hindi na tayo ligtas dito, kailangan na nating umalis."

Napatingala siya sa paghigpit ko ng hawak sa kwelyo at pagdiin ng patalim sa leeg niya. "Kaya kong patumbahin ang apat sa labas, bakit kailangan pang umalis?"

Tinagilid niya ang ulo, at tang-ina bakit titig na titig 'to? "Talaga bang basag-ulo ka, Jack, o hindi pa bumabalik sa'yo ang coda ng karet?"

Coda ng karet? Natigilan ako sa sinabi ni Harold, sa kabilang banda ay napansin ko ang pag-aliwalas ng hangin, hindi kaaya-aya ang pagkaaliwalas.

Ang bahay ay nagmistulang nahubaran, nagmistulang istruktura na walang bubong at dingding, nagmistulang matabang pain na nakabalandra sa gitna ng mga hayok na gwalltor.

Nanginginig ang kalamnan ko sa galit, lalong tumingala si Harold sa patalim na bahagyang bumaon sa baba niya--napigil ko pa ang sarili na h'wag itong idiretso sa bunbunan. "Pag may nangyari kay Issa, mananagot ka sakin!"

Inaasahan kong titiklop siya at babalutin niya ulit ng karet ang bahay. Ngunit hinawakan niya ang patalim. Sa gitna ng dilim ay kitang-kita ko ang pagdaloy ng dugo sa kamay niya habang binubunot niya ito. "Pag may nangyari kay Issa dahil sa katigasan ng ulo mo, mananagot ka sakin!" Napaatras ako nang natanggal niya ang gulok at ang pagkwelyo niya sa'kin. "At sinisiguro ko sa'yo, pagsisisihan mo 'yon,"

Issa IlusyunadaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon