44.3 » pangatlong salvo

10 2 16
                                    

Hindi ko lubos maisip na ang kaninang mga bulaklak ng bougainvilla ay kumpol-kumpol pala ng bilog na kasinlaki ng kamao.

Mistulang binalatang itlog ng butiki ang hitsura ng mga 'to kung saan naaninag ang nag-aagaw kulay pula at dilaw sa likido nito. May itim na bagay ang nakalutang sa loob—mukhang mata na walang talukap, at may kadugtong na buntot na kumakawag-kawag.

Minabuti ko na lang ang pumikit at magpatangay sa paghila ni Jack nang sa gayon ay hindi ko na kailangang makita ang kahindik-hindik na kalagayan ng paligid.

Pero kahit na gano'n ay hindi pa rin ako nakaligtas sa masangsang na amoy na umaalingasaw sa hangin.

Bumabaligtad ang sikmura ko sa magkahalong amoy ng suka at langsa ng dugo. Halos sa bibig na ako humihinga dahil kahit anong takip ko sa ilong ay para itong daloy ng tubig na pilit sumisiksik sa mga butas.

"Tarantado!"

Napayuko ako sa biglaang pagmura ni Jack. Kahit alam ko namang hindi niya ito kayang gawin sa 'kin, o hindi naman talaga para sa 'kin, pero tagos at masakit sa dibdib.

Hindi lang ako makaimik dahil sa mahahaba nitong hakbang na halos mapatid ko na ang kabilang paa sa kakasunod. Sa paminsan-minsan nitong pagtigil at may nakakatakas na iritadong ungol na galing sa lalamunan niya habang sinusuri ang paligid. Hindi ako maka-rekla-reklamo na malapit ng madurog ang mga buto ko sa daliri sa mahigpit na pagkahawak niya sa kamay ko.

Alam kong hindi niya ito ikinatuwa.

Alam ko ring tagilid ang sitwasyon namin sa lugar na 'to. Hindi man ako sigurado kung nasaan kami, pero sa mga kilos ni Jack, sa kasuka-sukang hitsura ng kinaroroonan namin—hindi malabong mangyari na nasa kota kami ng mga gwalltor.

Napatakip ako ng mata. Kanina pa ako nakapikit pero parang hindi sapat para maharangan ang mga kapalpakang nagawa ko.

Kasalanan ko 'to. Nagpadala ako sa galit at naging mapusok ang desisyon ko. Ang yabang ko pa na kaya ko ang sarili.

Tapos ngayon, huli na. Sinampal na ako ng katotohanan na kahit gaano man ako magtapang-tapangan ay wala pa rin akong kwenta pagdating sa mga halimaw. Wala akong kakayahan at para na naman akong basang sisiw sa likod ni Jack.

"Put...nasa'n na 'yon?"

Napadilat ako at napatingala sa katabi. Katulad kanina na sa tuwing nakatigil kami ay pumipikit siya habang mabagal at malalim nitong sinisinghot ang hangin. "Nawala si Lab."

"Si Kuya?"

Magkasabay ang mababaw na lagutok na dumaan sa hangin at ang pagtakip ni Jack sa bibig ko. 

Kusang sumunod ang mata ko sa direksiyon ng tunog nang umulit ito, at halos hindi ako makahinga sa naninikip kong dibdib nang sinalubong ang paningin ko ng mga itim na bagay na nakalutang sa loob ng itlog na parang nakatuon ang tingin sa 'kin.

Sa takot ay naibaling ko ang tingin kay Jack. Iniiwasan ko sana ang mga mata niya dahil sa tuwing nababalot ito ng itim ay nahihirapan akong kumawala sa mga ito.

Pero ito't nagsisimula ng lumabo ang paligid. Nawala ang lahat—ang ingay, ang amoy, ang pangamba.

Parang nailipat ako sa isang lugar kung saan nakatigil ang oras. Kung saan walang kabuluhan ang lahat, kahit ang nakaraan at ang hinaharap. Ang mahalaga lang ay ang kasalukuyan—nakalutang sa kawalan—nabibighani sa dalawang bintana ng walang hanggang kadiliman.

May dumaan na boses sa tainga ko, tinatawag ako. Malamig at mahimig—sa dilim ay parang nakalahad ang kamay nito para tanggapin ko.

Natauhan ako nang kinumos ni Jack ang bibig ko. Napahawak ako sa kamay niya at nakurot ko pa—anong karapatan niya na saktan ako?

Tinigil niya na rin, pero nanatili pa rin ang kamay niya rito. Kahit gusto ko ng tanggalin at naintindihan ko naman na bawal akong magsalita pero mas pinili ko ang hayaan ito.

Dahil hindi ko kayang manatiling tahimik nang namataan kong gumagalaw paikot ang tubig na nasa loob ng mga itlog. Parang sinusuntok na ang dibdib ko sa kaba habang humalo nang humalo ang kulay nito hanggang nawawala na ang kakarampot na dilaw, natira na lang ang pula na halos kasingkulay na ng dugo.

"Kalma—" Humapyaw sa hangin ang sinabi ni Jack.

Pa'no ko ba pakalmahin ang sarili kung ang itim na nakalutang sa loob ay nagsigalawan din. Kumakawag nang mabilis ang buntot nito at inuuntog ang sarili na parang gustong kumawala sa kinalalagyan.

Naramdaman ko na lang ang kabilang kamao ni Jack na pabaligtad ang pagkahawak sa gulok. Bahagya itong nakadampi sa aking dibdib na kumuha sa atensiyon ko. "Ito, masyadong malakas. Kalma—"

Marahan akong pumikit, huminga nang malalim at mabagal na pinalabas ang hangin.

Pero imbes na mabawasan ang kaba ay nadagdagan pa nang dumadalas ang lagutok sa paligid. Parang nag-uunahang patak ng ulan, at sa halip na nagaan sa tainga ay nakakarindi ang tunog nito.

"Kalma lang."

Narinig ko na naman ang boses ni Jack. Paulit-ulit sa pagitan ng mga awang sa hangin.

Inulit ko ang paghinga nang malalim at ang dahan-dahan na pagpalabas nito. Kahit mahapdi na sa ilong ay tiniis ko na lang ang kasula-sulasok na amoy.

Nakatulong ang hindi ko pagpansin sa mga ingay ng nilalang. Unti-unting bumabalik ang dating tempo ng paghinga ko, unti-unti ring lumuwag ang kamay ni Jack sa bibig ko.

Kumakaunti ang ingay hanggang sa nawala at bumalik ang katahimikan. Sa pagdilat ko ay wala na ring gumagalaw, katulad ng dati na parang natutulog habang nakalutang ang mga itim na bahagi ng itlog.

Tinanggal na rin ni Jack ang kamay niya na pinangtakip niya sa bibig ko at bumalik na naman siya sa pagsinghot sa paligid.

Ang akala ko na ayos na, pero na-estatwa ako nang nilapat niya ang talim ng gulok sa libre nitong palad at walang ano-ano na hiniwa ito.

Nanlaki ang mata ko habang tumatagaktak ang sariwang dugo nito sa lupa. Madilim—siguro ay malikmata lang, pero parang may gumagalaw do'n sa napapatakan nito.

"Ano ba?" bulyaw ko sa pamamagitan ng paggalaw ng bibig. Pwersahan ang paghila ko sa palapulsuhan niya para itigil na nito ang kahibangang ginagawa. Pero hindi ito nagpatinag at tiningnan lang ako nang masama.

"Kailangan ni Lab ng mas malakas na amoy. Hindi ko alam ang daan palabas."

Natanga ako. Wala akong nagawa kundi ang pabayaan siya kahit hindi na talaga malikmata 'yong gumagalaw sa paanan namin.

Naramdaman ko na lang na may malamig na gumagapang sa paa ko. Dahil madilim ay hindi ko maaninag nang maayos kung uod ba o ahas, ang alam ko lang ay pula ang kulay nito, at ang iba ay nakatayo sa pwesto kung saan inaabangan ang mga patak ng dugo na galing sa kamay ni Jack.

"Kalma—" sabi niya nang nagsimula na namang tumambol ang dibdib ko. Nadagdagan pa nang namataan kong kumakawag na naman ang buntot ng mga pangit.

Ginawa ko na naman ang pagkalma sa sarili. Inisip ko na lang na kaya kong basagin ang mga 'yon kung sakali man. Pero ayokong pangunahan si Jack. 

Kilala ko siya.

Kung siya lang ay baka mas masahol pa sa unos ang kahihinatnan ng mga nandito—naghurumentado na siya kanina bago ko pa ito datnan.

Pero ngayon ay mas pinili niya ang maging kalmado, alam kong labag ito sa kalooban niya. Mas pinili niya ang hindi paggamit ng dahas.

"Huwag mong apakan," babala ni Jack nang akmang lalapat na ang talampakan ko sa pulang mala-uod na nahulog sa kakataktak ko sa paa.

Walang sabi-sabing kinuha niya ang kamay ko at hinila palayo. Napangiwi na lang ako dahil mamasa-masa pa ito at kumalat pa sa palad ko ang sariwa nitong dugo.

"Naririnig ko na si Lab. Dito!"

************

Inaantok  na ako 😂

Matutulog na ako promise.

Issa IlusyunadaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon