37 » kasal?

22 2 18
                                    

"Kailan mo ba balak ituwid iyang buhay mo?"

Tinaas ni Harold ang noo na parang sasagupa sa isang hamon, nakakainis lang na sinampay na naman nito ang kamay sa upuan ko.

"Sa pagkakaalam ko ay matuwid naman ang tinatahak kong daan, Ama. Aanhin ko ba ang karangyaan kung galing naman sa kabuktutan?"

Pabagsak na nilapag ng Don ang kutsara sa plato na parang may tumalsik yatang tipak. "Anong sinabi mo?"

"Narinig n'yo naman siguro ang sinabi ko, Ama." Sumandal siya sa upuan at ginagalaw-galaw ang nakapatong na paa.

Hindi na maipinta ang hitsura ng matanda, parang nadaanan ng tren at nayupi nang husto ang mukha.

"Hernando, Harold, Hijo, may bisita tayo." Sumulyap sa 'kin ang Donya habang maingat nitong nilapag ang panyo sa lamesa. Maingat din nitong dinampot ang tasa na may kape at pumikit siya nang dumampi ang inuman sa labi niya.

"Mi amore, pinagsasabihan ko lang naman itong si Harold. Nasa tamang edad na siya para..."

Naputol ang sinasabi ng matanda sa biglaang pagtitig ng Donya sa kanya. May halong pangungutya ang mahinang tawa ni Harold at nilalaro na naman ang buhok ko. Pasimple kong hinahawi ang kamay niya pero ayaw magpatinag ang tanga.

Nag-igting ang mga bagang ko. Buong pwersa kong hinawakan ang palapulsuhan nito at padarag ko itong binaba sa hita niya.

Hindi ko na 'yon binitiwan kahit lumipat na sa 'min ang mata ng Donya. Isipin na niya kung ano ang gusto niyang isipin basta't pumirmi lang sa isang lugar ang kamay ng unggoy na 'to.

"Mahal naman..." Inayos niya pa na nagmukha kaming magkahawak-kamay sa ilalim ng lamesa. Binantaan ko siya sa tingin na lalo lang ikinalapad ng mapang-asar nitong ngiti.

"Siyanga pala, Hijo, kailan ninyo balak magpakasal?"

Parang umalis ang kaluluwa ko sa tanong ng Donya. Natanga ako sa kinauupuan at walang mabuong salita para depensahan ang sarili.

"Ina, masyado naman po yatang maaga para pag-usapan ang mga bagay na 'yan."

Nakahinga ako nang maluwag sa sinabi ni Harold. Binawi niya ang kamay na nakalimutan kong hawak ko pala.

"Katulad nga ng sabi ng iyong ama, nasa tamang edad ka na...at, Hijo, ngayon lang kita nakitang masaya," pagpupumilit ng Donya. Ang hirap tantsahin kung seryoso siya dahil wala man lang emosyon sa mukha niya.

"Sang-ayon ako sa iyong ina, nasa tamang edad ka na Harold. Kailangan mo nang ituwid iyang buhay mo."

Napasandal ako sa upuan sa paglapag ni Harold sa nakakuyom niyang kamao.

"Ina, pag-usapan na lang natin 'to sa ibang panahon. Wala pa sa isipan namin ang mga bagay na 'yan."

Naging matalim ang tingin sa 'kin ng Donya—naniningkit na parang nanunuot sa kaluluwa at hinuhusgahan ang pagkatao ko. Naiwas ko ang tingin dahil hindi ko kinaya ang mga titig niya.

"Mija, mahal mo ba ang anak ko?"

Nanlaki ang mata ko sa tanong niya—bumara sa lalamunan ang hangin sa paghinga ko.

Gusto kong tumayo, tumakbo—malayong malayo na walang nakakakita o nakakaalam kung nasaan ako.

Pero hindi ko magawa, hindi ko maigalaw ang katawan. Kahit ang pagkuha ni Harold sa kamay ko at pinulupot niya ang ang mga daliri niya sa pagitan ng mga daliri ko ay hindi ko mabigyan ng pansin.

"Oo naman, Ina, kami po ay..."

"Hindi ikaw ang tinatanong ko, Hijo."

Hindi ako makapagsalita. Alam kong kunyari lang 'to, pero hindi ko magawang bitiwan ang mga salitang gusto nilang marinig. Hindi ko kayang lokohin ang sarili kong damdamin.

Issa IlusyunadaWhere stories live. Discover now