30.2 » hilaw na karet

19 2 25
                                    

A/N: Binalik ko na kay Issa ang mic--ang gulo ni Jack

********************

Nasubsob ko ang mukha sa likod ni Jack nang bumagsak ang pinto ng kwarto. Ginalaw-galaw niya ang leeg at tinapik ang kamay ko bilang senyas na luwagan ko ang ang mga braso ko na nakapulupot dito.

Pagkatapos na pagkatapos ay wala man lang itong pasabi at lumukso na lang bigla sa bintana. Ang puso ko na parang tumalbog at bumara sa lalamunan. Napigil ko ang paghinga habang nahuhulog kami pababa.

Lalo akong nasubsob sa likod ni Jack nang bumangga kami sa isang parte ng dingding. Hindi ko napansin kung pa'no niya nabunot ang isang gulok dahil nakabaon na ito sa semento at nakalambitin kami do'n na parang isang palamuti sa bahay.

Hindi ko mapigilang tumili dahil nakalaylay ang mga paa ko at gumegewang-gewang kami sa ire.

"H'wag kang magalaw!" bulyaw ni Jack.

"Te--kaa!" Hindi magkandarapa ang mga paa ko na inakyat ang likod niya--hindi pinansin ang nahulog kong tsinelas at kinain na rin ito ng dilim

Nang naayos ko na ang pwesto at ang naayos na rin ang pagkasukbit ng bag ay bigla na lang dinuyan ni Jack ang sarili. Ang una'y mabagal, ngunit pabilis nang pabilis, pataas nang pataas.

Ang kaluluwa ko na parang nahihiwalay sa bawat pagduyan namin pataas, at bumabalik pagduyan pababa.

Mariin kong pinikit ang mga mata. Nabibingi na sa lakas ng tambol sa aking dibdib. Humalo rin dito ang mga kaluskos sa paligid--mga yabag ng sapatos sa semento, mga bagay na nabubuwal.

Alam kong mga tao sila at hindi gwalltor dahil wala ang kadalasang hiyaw ng kinakatay na baboy, at hindi nangangamoy imburnal ang malamig na hangin, pero bakit kami hinahabol?

Masyado nang mataas ang pagduyan namin sa patalim nang may mga matining na tunog sa hangin--biglang dilat ng mga mata ko, hindi napigilan ang umusisa.

Dahil nasanay na ang paningin ko sa dilim ay bumugad sa'kin ang nagliliparang pana at tumatama ito sa semento--'yong isa ay muntikan nang bumaon sa ulo ko.

Binalik ko ang mukha sa pawisan nang leeg ni Jack. Sana hindi na lang ako tumingin--lahat ng palaso ay asintado at naiilagan lang dahil sa maayos na tempo na ginawa niya.

"Kapit!" sigaw niya.

'Yon naman ang ginagawa ko, ano pa ba ang gusto nito?

Lalong tumaas ang pagduyan namin at walang pasintabi na ginamit niya ito para bumuwelo--hinugot ang gulok at lumipad kami nang napakataas.

Ang kaluluwa ko na kanina pa nagrereklamo ay parang gusto nang humiwalay sa katawan, nangilo ang buo kong braso dahil kumapit pa ito sa mga balahibo ko.

Alam kong nasa gitna pa kami ng ire, sinusundan at nagsilagpasan lang naman ang mga pana. Hindi nagtagal ay biglaan din kaming nahuhulog. Namalat ang boses ko sa pagsigaw sa sobrang pangit ng pakiramdam.

Naramdaman kong malapit na naming salubungin ang lupa nang may pumulupot sa'ming dalawa ni Jack. Mula sa baywang paakyat hanggang sa braso, humihigpit at lalo akong nadikit sa likod niya.

Sa pangalawang pagkakataon ang mga mata kong usisera, dumilat ito nang kalahati--may kalahating takot kung ano man ang maaring makita.

Nasilip ko ang itim na bagay na bumigkis sa'min. Binaybay ko ito at napansing buhok ito ni Harold at nakatayo siya sa tumatakbong kariton.

Parang may sarili itong lakas dahil dahan-dahan kaming bumababa papalapit sa sasakyan. Hindi ko mapigilan ang matawa--para kaming saranggola at si Harold ang may hawak nito.

Issa IlusyunadaWhere stories live. Discover now