1 » ang issa

781 85 509
                                    

Malalim

Oops! This image does not follow our content guidelines. To continue publishing, please remove it or upload a different image.

Malalim.

Matiwasay.

Malamig.

Ang sarap mahiga sa magaspang na buhangin, na may malambot na unan, at isa pang unan dantayan. Mapapasabi kang, this is zeee life.

Na 'yong tahimik ang paligid.

Ngunit sumunod nito ang tunog ng naghahabulang alon. Kasabay ang mga tok tok tok ng naglalanguyang mga isda. Ang paminsan-minsang sigaw ng balyena sa may 'di kalayuan. Mapapapikit ka na lang, hahayaang maglaro ang tila musika sa pandinig.

Sana ganito lagi, pahiga-higa lang.

Tamad akong dumilat. Inaninag ang buwan sa langit. Pwede pa sigurong matulog, inaantok pa 'ko.

Pero, hay─

Kailangan ko nang bumangon. Katulad nitong butete na dumaan sa harap ko. Kanina pa 'to pabalik-balik e. Nagpapatulong siguro na bugawin ko 'yong pating na humahabol sa kanya.

Para kasing tanga, pagulong-gulong sa dagat. Hindi magkandaugaga sa kakakampay sa maliit niyang palikpik. Mukha tuloy siyang bola na tumatalbog habang nginunguso ng pating na may isa't kalahati rin.

Isa pa 'tong kaibigan kong alimango. Pinagpipilitan talaga na hilahin ang unan ko. Akala niya naman kasya ro'n sa awang ng lungga niya, kamao ko nga hindi magkasya. Tatakbo pauwi, tapos babalik din naman. Apir sila nitong butete.

Tumagilid ako para bumalik sa pagtulog.

"Hoy Issa, tumayo ka na r'yan!" Isang matabang boses ang umalingawngaw sa paligid. Nagkawatak-watak tuloy sa iba't ibang direksyon ang isang baryo ng isda.

Hay, ayan na.

"Sandali lang po, 'nay," sagot ko.

Sinubsob ko ang mukha sa unan, pumikit sa huling pagkakataon─at nagbabakasakali rin na nakalimutan ni Nanay.

"Aba, Issa, tanghali na! Gusto mo talagang masaktan bago ka bumangon d'yan?"

Nataranta 'yong alimango sa biglaan kong paggalaw. Mas mabilis pa sa alas-cuatro, nakatago agad sa bahay niya. Seryosong galit na si Nanay.

"Ito na po, 'nay! Babangon na po!"

Unti-unting bumaba ang tubig habang papaupo na ako. Ang mga isda at iba pang nilalang ay natangay ng dagat papunta sa laot. Pababa nang pababa hanggang ako, at ang dalawang unan ko na lang ang naiwan.

Tinabig ko ang unan. Nanalamin sa konting tubig na natira sa karagatan.

Yes dear, ikaw na ang maganda, sabi ng kaharap ko. Pumilantik siya sabay ngiti rin ang mapupungay niyang mga mata.

Ang gaan lang ng simula ng araw. 'Yong alam mong maganda ka. 'Yong wala nang iba kundi ikaw lang. Isipin mo na lang kung ganyan ka araw-araw. Mahihiya sa 'yo ang wrinkles, hindi ka puputaktihin ng mga tagiyawat.

Hindi bale na ang buhok. Kahit iwasiwas at kamayin nang suklay, pwedeng-pwede na 'yan.

"ISABELLE!"

"Opo! Andyan na po!"

Iniwan ko ang mga unan at tinakbo ang malaking pinto na nakatayo sa gitna ng puting buhangin. Hindi naman ito kalayuan kaya narating ko 'to agad. Pagbukas ay bumugad sa 'kin ang kusina, at ang mapang-akit na amoy ng longganisa.

Hello, paborito kong ulam.

Ang lapad ng ngisi ko habang sinarhan ang dalampasigan na nasa loob ng sarili kong kwarto. Pakendeng-kendeng na naglalakad papunta sa hapagkainan.

Maganda na nga ako, masarap pa─ang agahan.

Ninanamnam ko na kasi ang pagsawsaw nito sa sukang may lumalangoy na dinikdik na bawang. Yum! Tamang-tama pa na may nakahiwang kamatis na sa lamesa.

"Oh, mahuhuli ka na naman sa trabaho mo," sabi ni Nanay. Mukhang hindi na siya galit. Mabilis lang talaga mawala ang galit niya. Parang apoy lang na binuhusan ng tubig.

"Oo nga po," tugon ko. Namataan ko rin na mataas na ang araw na nakasilip sa bilog naming bintana.

"'Di bale po, 'nay, bilisan ko na lang pong kumain."

"Oh, ihanda mo na 'yang ano─" Nakatalikod pa rin siya na winawasiwas ang siyansi.

"Opo!" ganado kong sagot. Alam ko na kung ano dahil ang hilig ni Nanay sa ano.

Kaya ang bilis kong kumuha ng kubiertos sa aparador naming gawa sa kahoy. Magiliw ko rin 'tong inayos sa lamesa nang magkaharap. Matapos ay naupo na 'ko sa pwesto, handa ng kumain. Hello longganisa, andito ako't inaantay kita.

Pasayaw-sayaw na nagluluto ang oso kong nanay. Napakapit tuloy ako nang mahigpit sa sandalan ng silya. Parang may lindol e. Tumatalbog kasi sa sahig ang kinauupuan ko sa bawat pagkembot ng mabalbon at kulay kahel nitong balakang. May papadyak-padyak pang nalalaman. Ang ganda ng mood ah, kasing ganda ko lang.

Ilang minuto pa ay humarap na siya. Lumapit at nilatag ang plato na may tatlong malungkot na daing. Tostado na nga, gutay-gutay pa.

"'Nay, nasaan na po ang longganisa?"

Biglang lumaki ang ilong at mata ni Nanay.

"Sinong may sabing longganisa ang ulam natin?" Kumalansing ang kutsara sa plato nang hinampas niya ang lamesa.

"Mahirap na nga tayo ang arte mo pa!" Lumagutok at muntik nang bumigay ang silya sa padabog niyang pag-upo.

Ilang segundo rin kaming nagkatinginan. Walang pumansin sa patuloy na pagrereklamo ng upuan.

"Nilagyan ko pala ng ano yan─" basag ni Nanay sa katahimikan. Nakonsensiya siguro sa pagsigaw niya kanina.

"Nilagyan ko ng longganisa flavor...para ganahan kang kumain." Ang amo niyang tumingin sa 'kin bago bumalik sa plato niya.

Walang nagawa ang nguso ko kundi ang umusli. Tahimik na lang akong kumuha ng kanin at isang pirasong daing. Sinubukan ko na ring kumain.

"Hati tayo r'yan ha." Tinuro ni Nanay ng tinidor ang pobreng daing na nangigitim.

"Opo, 'nay. Gusto n'yo e kunin ko na 'tong hati ko," sabi ko. Hindi ko rin maintindihan na sa dinami-dami nang daing na nabiktima niya, hindi pa rin siya marunong magluto.

Hindi lang umimik si Nanay, nagsimula na rin siyang kumain.

"S'yanga pala, pagkakain mo ay dumiretso ka na kina Aling Maria."

Tinanguan ko lang siya.

"H'wag mo na akong tulungang magligpit, dumami raw kasi ang uban e." Tumatalsik ang kanin niya sa bibig. Ako naman itong todo harang sa kawawa kong pagkain na inuulan ng naliligaw na kanin.

"H'wag mong kalimutan na ipaalala ang sweldo. Alam mo naman 'yong matandang 'yon..."

"Opo, 'nay."


********************

Watcha think of this chapter?

H'wag kalimutang magkomento, at pindutin ang bituing walang ningning :D

Issa IlusyunadaWhere stories live. Discover now