47 » làmat

18 1 27
                                    

"Kaya mo bang maglakad?"

Hinilot ko ang paligid ng sugat at pinakiramdaman kung kakayanin nga nito ang bigat ng buo kong katawan.

Hindi pa ako nakasagot nang nilapag niya ako sa lupa at pumwesto sa harapan. Sinabit niya muna sa sariling balikat ang braso ko bago tumalikod at tumayo.

"Kumapit ka lang," paalala niya habang inaayos ang pagpasan sa 'kin sa likod.

"Kaya ko namang…"

Hindi ko na naituloy ang sasabihin nang pumihit si Frankie pakanan at nailagan ang bigla na lang lumagapak sa tabi namin.

Naidikit ko ang mukha sa may batok niya at ginawa itong taguan habang sinisilip ang kumpol ng damit at parang tao ang nasa ilalim nito.

"A...te…"

Nanlaki ang mata ko nang nagsalita ang nasa paanan namin. Lumalagutok na parang nababali ang mga buto niya habang pakanto-kanto itong gumagalaw.

"A-te…" Parang gagamba itong nakatayo dahil nakatukod ang mga kamay at paa sa lupa. Nahawi ang itim na balabal na nakatakip sa ulo niya at bumugad ang butas-butas nitong mukha. "Ganda ka po…"

Nanatiling nakadilat ang mga mata ko habang sinundan ang pagtilapon nito nang sipain ito ni Frankie na parang bola.

Bumagsak ang lalaki sa kumpol ng itlog kung saan nagsipisaan ang mga 'to. Para siyang kinukombulsyon sa lakas ng panginginig ng katawan habang nagsilanguyan papasok ang mga nakawalang semilya sa bibig, sa tainga, at kahit sa butas ng mga sugat niya.

Hindi ko maialis ang tingin sa kan'ya. Mabilis itong tumayo at paika-ikang lumalapit sa 'min. Kahit nakalaylay na ang mga braso niya sa gilid ay patuloy pa rin 'to na parang hindi alintana ang natamong pinsala sa katawan.

'Tsaka ko lang napansin na tinatapik na pala ni Frankie ang braso ko. Hindi ko siya marinig dahil umiibabaw ang mga ungol na katulad no'ng sa lalaki. Dumadami silang papalapit sa 'min. Katulad din no'ng lalaki na paika-ika at may palaman na ate sa gitna ng mga daing nila.

Dalawa sa kanan ang mabilis na tumakbo papalapit sa 'min. Wala ring sabi-sabi na tinakbo ni Frankie ang kinaroroonan ni Kuya. Pinagkabit ko paikot ang mga braso sa leeg niya dahil bukod sa ang tataas at ang hahaba nitong tumalon, ang bibilis at umaangil na parang nauulol ang humahabol sa 'min.

"Dito!" Nahagip ng tainga ko ang tawag ni Kuya sa may kalayuan.

Ilang saglit lang 'yon, pero namalayan ko na lang na tumalungko si Frankie at tinapik nito ang kamay ko. "Pasok ka."

Dali-dali akong bumaba at pinauna ang dalawang paa sa katamtamang butas kung saan nakaabang na sa loob si Kuya. Kinagat pa nito ang laylayan ng damit ko at hinila pababa para mapabilis ang pagpatihulog ko sa loob.

"Ano bang nangyayari sa inyo? Bakit nag-away-away kayo?" pabulong na tanong ni Kuya pagkatapos makapasok at matakpan ni Frankie ng malaking bato ang siwang ng kwebang pinagtataguan namin.

Nakaupo akong yakap ang mga binti. Sa lakas ng mga pagalit na sitsit at mga pag-ungol na tila nasa ilalim ng matinding karamdaman ay nasubsob ko ang mukha sa tuhod.

"Kasalanan ko, iniwan ko sila kay Harold," sagot ni Frankie matapos ang mahabang buntong-hininga. 

Tumama sa braso at binti ko ang hangin sa pagbuntong hininga rin ni Kuya. Para kaming sardinas na nagsisikan sa maliit butas at hindi ko na maiangat ang ulo dahil tumatama na ito sa noo ni Frankie.

"Hindi tayo makakalabas nang buhay kung ganitong nagkawatak-watak tayo!"

Lalo kong nahigpitan ang pagkayakap sa binti--inuusig ng konsensiya dahil sa galit ni Kuya.

Issa IlusyunadaWhere stories live. Discover now