50 » tahan na

3 1 1
                                    

Nagising ako sa pagtalbog ng ulo ko sa kinahihigaan. Sinundan pa ng pag-unga ng kalabaw na pumunit sa katahimikan, kahit wala sa balak at wala rin sa loob ay wala akong nagawa kundi ang tuluyang magising.

Pinasadahan ko nang tingin ang nakuha nilang sasakyan--kariton na naman at para itong uod sa bagal ng pag-usad. Ginawa ko na lang unan ang braso dahil mabubukulan na ako sa kakauntog sa sobrang lubak ng daan.

Namataan ko si Kuya na nakasalampak sa aking harapan. Hindi ko na sana papansinin ang pag-angat niya ng tingin pero gano'n din ang ginawa ng katabi nitong si Frankie, gumalaw ang mata niya mula sa malayong tingin papunta sa gawi ko--hitsurang hinintay nila kong magising.

Wala sa loob ko ang makipag-usap sa kahit na kanino. Pagod ang katawan at isipan--sobrang pagod na parang wala na akong maramdaman. Inalis ko ang tingin sa kanila at pumihit patalikod. Do'n ko nakapa ang dalawang kaluban ni Jack--sinadya man itong itabi sa 'kin o hindi pero niyakap ko 'yon.

Bumaluktot ako nang husto at sumagi sa pisngi ko ang tela na nakabalot sa hawakan ng patalim. Dating lagi itong malinis dahil pinapalitan ito agad ni Jack sa tuwing nadudungisan. Minsan ang pantaas na damit pa ang pinipiraso niya kapag wala na talaga siyang makuha--mas mahal niya pa 'to kaysa sa kan'yang sarili.

Ngayon wala ng tagapalit sa tela, wala nang nagmamahal.

Naramdaman ko na lang ang pagsiksik ni Kuya sa aking likuran. Dumampi ang mabalbon nitong ulo sa pagitan ng leeg ko na lalo lang naglugmok sa 'kin sa reyalidad na wala na si Jack.

Kinulong niya ang nanginginig kong katawan sa mahigpit na yakap. Pati ang mga luha kong ayaw humupa, lalo lang rumagasa nang pinunasan niya ang pisngi ko.

"Tahan na..."

Nahulog sa lupa at nabasag ang kapirasong pinanghahawakan ko sa sarili sa sinabi ni Kuya. Hindi ko na napigilang ilabas ang sama ng loob, ang hagulhol na kagabi ko pa kinikimkim.

Humarap ako kay Kuya. Tahan na pa rin ang naririnig ko sa kan'ya na lalo ko lang ikinalunod--walang kasing sakit.

Sana hindi na lang ako nagising. Sana pati ang mga alaala ko ay kinuha na rin sa 'kin. Wala na rin sana ako rito, wala na rin sana akong maramdaman.

***

Madilim na nang muli akong nagising. Nabalot ako sa madulas na kumot at mag-isa sa sasakyan. Nakatulog pala ako ulit--sana hindi na lang ulit ako nagising.

Malayo na siguro ang narating namin. Walang buwan, walang bituin, wala kahit na anong hugis sa paligid. Tinamad na siguro ang Diyos na dekorasyunan ang lugar na 'to at nagmumukhang nakapatong sa itim na kalawakan itong sasakyan.

Yakap ko pa rin ang gulok ni Jack. Ayoko pa sanang bumangon.

Ayoko na sana. Hahayaan na lang ang paglubog at pagsikat ng araw. Hihintayin na lang ang pagdating ng unti-unti kong pagkatupok hanggang sa tuluyan na akong mawala.

Pero hindi kayang iwaglit ng sistema ko ang bulong-bulungan sa may likuran. Tinutulak ako nitong tumayo lalo pa't paulit-ulit kong naririnig ang sarili kong pangalan.

Bigla silang tumahimik sa pag-upo ko. Kahit inabot ako ng siyam-siyam sa pagbigkis ng tali ng kaluban ay wala pa ring nagsalita.

"Anong pinag-uusapan n'yo?" tanong ko sa apat pagbaba ko ng sasakyan. Sabay-sabay pa silang lumingon at parang nagulat sa pagsalita ko.

Si Frankie ang unang gumalaw. Mabilis siyang tumayo mula sa nakatumbang troso kung saan sila nagkumpulan. Lumalapit siya sa 'kin pero ang mata niya ay halata na nakatingin sa kambal na kaluban na sinabit ko sa may baywang.

"Halika, dito ka na..."

Kukunin niya na sana ang kamay ko, pero tinitigan ko lang siya. Nakabuka ang bibig niya na parang may mga salitang gustong lumabas do'n, pero hindi ko na 'yon hinintay.

"Kaya ko na," sabi ko kahit hindi ko naman talaga kaya. Walang lakas ang kalakalamnan ko at halos hinihila ko na ang sarili patungo doon sa pwesto niya.

"Anong pinag-uusapan n'yo, Kuya?" Sa itim na lapag ako umupo at sinandal ang likod sa troso. Ang tagal ni Kuya sumagot kaya't nilingon ko na siya at naabutan ko pang parang nagsesenyasan sila.

"Umm..." maiksi nitong sagot. Sinundan ko ang lahat ng galaw niya kaya siguro nahirapan siyang bumuo ng maisasagot.

"Pinag-uusapan n'yo bang patulugin na lang ako papuntang lagusan?"

Nakakabingi ang katahimikan habang isa-isa ko silang tiningnan.

Hindi man malinaw kung ano ang kasunod na nangyari pagkatapos ng pagkawala ni Jack, pero hindi ko makalimutan ang ginawa nila sa 'kin.

Simula sa lalaking na akala ko ay mas nakakaintindi sa 'kin. Akala ko ay magkakampi kami.

Pero siya pa ang pasimuno.

Pinagtulong-tulungan nila akong kaladkarin. Naubos ang lakas ko sa kakapumiglas kay Frankie, namaos ako sa kakasigaw, akala ko maiintindihan nila ako--sinundan ko lang naman ang boses ni Jack.

Pangalawa kay Barbara na siyang nagtakip ng panyo sa ilong ko. Alam ko namang galing 'yon kay Harold at pampakalma 'yon dahil dati na niya itong ginamit kay Jack.

Pero bakit kailangan pa nilang gamitin sa 'kin?

"'Yon na lang ang natirang paraan, Isabelle," sagot ni Harold na parang binasa nito ang iniisip ko. Pinatong niya pa ang mga siko sa tuhod habang nakikipagtitigan sa 'kin. "Sa ayaw mo man o sa gusto..."

Naputol ang pagsasalita niya sa pagkumpas ko ng kamay. "Naubusan na ba kayo ng pasensiya?" Tumaas ang isa kong kilay sa pagbuka niya ng bibig at gusto pa yatang makipagdiskusyon sa 'kin. "At may balak pa kayong gawin ulit 'yon kahit nakakainsulto na kayo ng tao?"

"Hindi sa gano'n..."

Hindi ko pinansin ang pagsalita ni Frankie. Nanatili ang tingin ko kay Harold dahil mukhang may ibubuga pa yata.

"Si Jack kasi..."

Lumipat ang tingin ko kay Barbara sa pasegunda niya. Napatda ang pagtayo niya sa lalong pagsandal ko sa troso. "Ano kay Jack?"

"Makinig ka muna," singit naman ngayon ni Frankie. Lumuhod siya sa harap at kinuha ang mga kamay ko. Hindi halata sa hitsura niya pero rinig ko ang pagpalabas niya ng buntong hininga. "Wala kaming ibang iniisip kundi ang mailayo ka panganib."

"Kahit labag na sa loob ko?"

Binabawi ko sa kan'ya ang mga kamay nang ilapit niya ito sa dibdib niya. "Issa, maniwala ka, kaligtasan mo lang ang iniisip ko."

Mahigpit ang pagkahawak niya sa kamay ko pero hinablot tkn 'to at nabawi sa kan'ya. "Hindi mo naintindihan..." Pilit niya pa 'tong kunin kaya't minabuti ko na ang tumayo. "Kung nandito lang si Jack, hindi n'yo 'to magagawa sa 'kin."


************


Gutom na nga, inaantok pa. Pero oks lang, at least kinakausap na ako ni Issa hahaha.

Tara, let's move forward na.


Issa IlusyunadaTempat cerita menjadi hidup. Temukan sekarang