32 » O_O

20 2 19
                                    

A/N: Hindi sa wala akong maisip na title, pero 'yan talaga ang perfect na title sa chapter na 'to hahaha!

************

"Ipapahatid ko na lang po rito sa silid ang inyong pagkain, señorita," sabi ni Juanita at may binunot itong kampana sa bulsa ng saya niya. Gawa ito sa pilak at mas maliit kaysa do'n sa ginamit ni Harold kanina. Pinatunog niya rin 'yon, pero ang kalimbang nito ay pangkaraniwang lang—hindi katulad no'ng isa na gawa sa kristal—ang sarap pakinggan.

Lumipad ang mata ko sa lamesita—nakapatong do'n ang magandang kampana—nanunukso. Ano kaya kung—

H'wag na lang, baka bumalik pa ang sira-ulong 'yon.

Natigil ako nang nagbukas ang pinto. Isang dalaga ang pumasok at katulad kay Juanita na tuwid na tuwid din ang damit nito. Pareho rin sa kanya na malinis ang pagkapuyos ng buhok at hindi ito nakikitaan ng kahit anong tikwas. Nag-usap ang dalawa at ilang sandali pa ay yumuko nang bahagya 'yong babae bago ito umalis.

"Señorita, mahiga po muna kayo," sabi ni Juanita habang naglalakad papalapit.

"Anong pinagsasabi ng señorito mong 'yon?"

"Po? Alin po?" Nanlaki ang mata niya na nakatigil sa may paanan ng kama.

"Bakit...bakit mahal ang tawag sa'kin no'n?" Hindi ko man lang maitanong nang diretso—nakakaasiwa—nakakagigil.

"Hindi po ba gano'n ang tawagan ninyo?"

"Ha? Anong pinagsasabi mo?"

Lalong nanlaki ang mata ni Juanita sa pagtaas ko ng boses. "Hindi po ba...hindi po ba magkasintahan kayo?"

"Ano!" Nagpagting ang tainga ko at nakuskos ko ang mga bagang.

Gusto ko nang abutin ang kristal na kampana at patunugin ito at tatadtarin ko nang pinong-pino ang Harold na 'yon. Ang kapal ng mukha—hindi porket nandito ako sa pamamahay niya ay gagawa-gawa siya ng kung anong kwento.

"Señorita...magpahinga po muna kayo." Inalalayan niya ako nang gumewang ako sa paghakbang.

"Hindi, ayos lang ako. Kailangan ko lang maglakad-lakad at magpagaling…" at nang makalayas na ako sa lugar na 'to.

Patuloy na nakaalalay si Juanita habang paisa-isa akong humahakbang. May kalakihan ang kwarto—inabot kami ng ilang minuto bago narating ang isang sulok nito.

Pinili ko ang sulok na 'yon dahil malapit sa bintana—sinasayaw ng hangin ang kurtina na nakalaylay sa magkabilaang gilid nito—at nakakaengganyong maupo sa kutson na upuan na nasa gilid mismo nito.

Todo alalay pa rin si Juanita kahit sinabi ko nang kaya ko naman. Para tuloy akong bata na inaakay habang nag-eensayong maglakad.

"Sandali lang po, nand'yan na ang pagkain," sabi niya nang may kumakatok sa pinto. Hinintay niya muna akong maging komportable sa silya bago umalis.

Habang naghihintay ay pinahinga ko ang likod sa malambot na sandalan—sinalubong ang hangin ng tag-init na pumasok galing sa bintana. Kahit papano ay nabawas-bawasan nito ang pananakit sa ulo ko.

Nabaling ang tingin ko sa labas—naaaliw sa mga kumpol-kumpol na ulap na nakasampay sa bughaw na langit.

Napangiti ako, katulad ang mga ulap na 'yon sa ulap na nakadungaw sa'min habang nagbubunot kami ng uban—matiwasay, maaliwalas. Katulad din sa ulap do'n sa dagat ng Unang Lagusan, lalo akong napangiti—naligo kami do'n. 

Frankie, nasa'n ka na? Sana hindi ka na lang umalis...kasama sana kita ngayon.

"Señorita…" Lumingon ako kay Juanita na nasa harap ko na. May kasama siyang batang lalaki—may tulak-tulak itong lamesa na may gulong.

Krimen siguro sa kanina ang may gusot ang damit. Itong bata na mukhang sampung taon ang gulang ay disenteng tingnan sa puting polo na mukhang binabad sa almirol ng isang linggo—kahit siguro langgaw ay madudulas pag dumapo dito. Ako ang nahiya sa mga luma kong bestida—ni minsan ay hindi 'yon nakatikim ng plantsa.

Kaso itong bata ay mukhang masungit. Hindi ito umiimik habang pinuwesto niya sa harapan ko ang lamesa. Isa-isa rin nitong tinanggal ang takip ng mga bandehado na nakapatong doon.

Wala pa rin itong imik na yumukod sa harap ko bago umalis at dala-dala ang mga takip. Galit ba 'yo'n? Nakasimangot at halatang iniwas niya ang tingin sa'kin.

"Kain na po kayo, señorita." Yaya ni Juanita.

Apat na putahe, may saging at mansanas sa isang tabi, pitsel ng tubig, at minatamis na kakanin.

"Nagpapagaling ba ako o nagpapataba?" Bahagyang natigil si Juanita sa paglagay ng kanin sa plato. Kahit masarap ang amoy ng tinolang manok ay wala talaga akong gana.

"Kailangan n'yo po lahat nang 'yan, señorita. Kailangan n'yo ng sabaw para lumakas agad. Kailangan n'yo po ng prutas para gumaling agad...at karne po para daw magkalaman kayo…" Hininaan niya ang huli niyang sinabi.

"At para sa'n 'tong daing?" Tinuro ko ng tinidor nag-iisang daing na nakabalandra sa gitna.

"Paborito n'yo raw po 'yan sabi ng señorito…"

Pinagloloko talaga ako ng lintik na 'yon —pa'no ko naman naging paborito e umay na umay na nga ako n'yan kay Nanay. "At 'yan 'yong binilin n'ya sa'yo?" iritado kong tanong.

"Naku, hindi po….iba po ang binilin ng señorito..."

Sinamaan ko siya nang tingin. "At 'yon ay?"

"Uhm…" Sa iba't ibang bagay tumitingin si Juanita maliban sa'kin. "Hindi ko ho maaaring sabihin, señorita. May...may katigasan daw po inyong ulo...kaya po...kaya po nagbilin din ang señorito na h'wag itong banggitin sa inyo."

Napabuga ako ng maraming hangin—pinaglololoko talaga ako no'n e. Inikot ko ang mata at nang susubo na sana ako ay napansin ko na nakayuko na lang lagi si Juanita. Parang hindi siya mapakali at hindi na ako tinapunan nang tingin.

Nakonsensiya tuloy ako, kanina pa pala ako nagsusungit sa kanya—siya ang napagbuntungan ng galit ko sa amo niya. "Pasensiya ka na, nainis lang kasi ako…"

"A-ayos lang po, señorita. Nabanggit din po ng señorito na magsusungit daw kayo pagkagising, pero mabait naman daw po kayo…"

Lalo akong nainis, pa'nong hindi ako magsusungit e kung ano-ano ang kinakalat niya.

Napansin ko na naiilang ulit si Juanita kaya binuga ko na naman ang galit at nginitian siya—ayoko lang na iba ang pagkakakilala niya sa'kin.

************

almirol - starch used to stiffen clothes, usually ginagamit sa mga kumot.

Ang lakas ng topak ni Harold diba? HAHAHA!

Watcha think of this chapter?

Wag kalimutang magkomento at pindutin ang bituin na walang ningning.

Issa IlusyunadaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon