31.2 » mansyon montecristo

19 2 14
                                    

"Kung hahalikan kita ngayon, makikita mo ba ang memoria na hawak ko?"

"Bitiwan mo nga ako!" Tinalasan ko ang mata at pinanatili ang matigas na mukha—pero lalo lang lumapad ang pagngisi niya kasama ng pangungutya sa mga mata niya.

Pinilit kong suminghap ng hangin pero hindi nabawasan ang paninikip ng dibdib ko. Pinilit kong magmukhang matapang, pero hindi naman yata 'yon ang nakikita niya.

"Biro lang," bigla niyang sabi sabay binitiwan ang kamay ko. Nakadikit pa rin sa mukha niya ang pangungutya. "Kaya kong itago ang karet ko," dagdag niya—kanina niya pa siguro alam na 'yon ang hinahanap ko at nagawa akong paglaruan ng demonyong 'to.

"Issa, dito ka na. Binibiro lang kita." Nakaupo na siya sa kama at tinapik-tapik ang espasyo sa tabi.

Hindi ko siya sinunod. Nagsigalawan ang lahat ng parte ng utak ko para bumuo ng plano kung pa'no takasan ang sira-ulong 'to. Pinasadahan ko nang tingin ang paligid. May pinto, pwede kong takbuhin—pero hindi ko kabisado ang lugar. May bintana na gawa sa capiz—pero sa baba ang bagsak ko kung sakali man, at baka mataas. Kung ano man, kung wala na talaga, hatawin ko na lang 'to ng kandelabra na nakapatong sa lamesa.

Narinig ko na lang na bigla siyang tumawa. Hindi magkamayaw at pinalo-palo niya pa ang hita. Paminsan-minsan siyang tumitingin sa'kin habang tumatawa. Nakakaduda na, naririnig niya ba ang iniisip ko?

"Dito ka na." Dahil sa kalagayan ko ay hindi ko naihanda ang sarili nang tumayo siya at pinagdikit ang magkabilaan kong braso. Naisabay niya akong maupo at hindi niya pa rin inalis ang kamay niya. "Titingnan ko lang ang mga pasa mo?"

Ang totoo na gusto ko nang umalis at hindi ko na kaya ang manatili ng kahit isang segundo na malapit sa kanya. Pero saan naman ako pupunta? Wala akong kalaban-laban at magiging hapunan lang ako ng mga gwalltor sa labas.

"'Yon lang ang gagawin ko, h'wag kang mag-alala..." sabi niya. Binitiwan niya ang braso ko at hindi na siya gumawa ng kahit na ano man.

Sinundan ko ang paglahad niya ng kamay—tiningnan ko lang ito—ayaw gumalaw ng katawan ko dahil naging kasinlayo na ng buwan ang tiwala ko para sa kanya.

Nangungumbinsi ang kabuuhan ng mukha niya. Kaninang ang mga mata niya ay parang kakain na ng tao, ngayon ay naging kasing amo na ng tuta—inosente, walang alam sa mundo.

Napatawa na lang ako pailalim—hindi dahil sa tuwa, kundi dahil sa inis. Si Harold nga 'to—tinotopak—kahit noong una siyang nagpakilala, tinopak din. Kaso hindi na talaga nakakatawa ngayon—nakakasakit na.

Bumuga ako ng malalim na hininga. Ngayon lang 'to—matapos lang. Pinapanghawakan ko na lang na isa siyang karet, kahit papano, may tungkulin siyang protektahan ako. Napangiti siya nang nilagay ko sa harap ang isa kong kamay.

Umayos muna siya sa pagkaupo at sinuklay ang iilang hibla ng buhok na bahagyang tumakip sa mata bago niya inabot ang kamay ko. Tinaas niya hanggang braso ang mahabang manggas ng suot kong damit at doon lumantad ang pangingitim na nagkalat sa iba't ibang parte ng braso—malalaki, naninilaw, at ang iba ay halata ang pagbakat ng dugo. Naawa ako sa sarili, bakit gan'yan?

"Bakit ang dami kong pasa? Tumilapon lang naman tayo sa sasakyan kagabi."

Hindi sumagot si Harold, pero humigpit ang mga daliri niya sa balat ko. Ilang segundo siyang hindi gumalaw, kahit ang mga mata niya ay hindi rin gumalaw. Parang ang tingin niya ay tumagos sa lahat ng bagay at nakarating ito sa kawalan. Gumalaw ang mga bagang nito kasunod ang pandidilim sa mukha niya. "Magbabayad ang mga hayop na 'yon!" Halos pabulong na niya itong sinabi pero umalingawngaw hanggang sa utak ko.

Nabugbog din ba ako kahit wala na akong malay? Wala akong kalaban-laban?

Napansin niya sigurong nakatingin ako sa kanya at nahuli niya ang nagtatanong kong mga mata. Umiwas siya nang tingin pero nanatili ang pagtangis ng kanyang bagang. "Kabila..."

Inabot ko ang kaliwa kong kamay at katulad ng sa kanan tumambad din dito ang nagkalat na pasa.

Hindi ko rin talaga siya maintindihan, hindi ko alam kung ano ang tumatakbo sa utak niya. Pero ang pagpakawala niya ng malalim na buntong-hininga, ang pagkunot ng kanyang noo, ang maingat na pagbaligtad niya sa braso ko para suriin itong mabuti, at ang pag-iling-iling niya ng ulo habang tinitingnan ang mga natamo ko—hindi ko maintindihan.

"May titingnan pa ako," sabi niya pagkatapos bitiwan ang kamay ko.

Natanga naman ako, hindi ko alam kung ano ang tinutukoy niya.

Napaatras ako nang lumipad ang kamay niya sa buhok na nakalaylay sa kanan kong balikat. At katulad kanina na kusa ko itong natapik nang akma niyang hawiin ang buhok ko. "Teka, teka, ano ba ang titingnan mo? At bakit ikaw ang titingin...doktor ka ba?"

"Hindi. Pero nasa pamamahay ka ng Montecristo, at dito ako nakatira."

"O tapos?"

"Tapos..." Lalo akong umatras nang nag-iba na naman ang timpla ng titig niya. Nagsitayuan lahat ng balahibo ko sa braso nang ngumisi siya habang nilalapit pa ang mukha niya. "Ito ba, masakit pa?"

Napaigting na lang ako nang sumakop ang malaki niyang kamay sa tagiliran kung saan mas nanunuot ang sakit. Natigilan siya sa pag-asim ng hitsura ko at binawi niya rin ito agad kasunod ang napakalalim na buntong-hininga. "Hindi pa kita pwedeng ilabas."

"Ilabas?" May dumaloy na namang kirot sa ulo ko. Naghahabulan ang maraming tanong at sa sobrang dami ay hindi ko alam kung alin ang uunahin.

"Isa't kalahating araw, dapat magaling ka na." mahinahon niyang sabi habang binababa ulit ang manggas ng polo—parang sanay na sanay siya dahil naayos niya agad ang maliit na butones sa laylayan nito. "Magpapanggap kang pinsan ni Jack."

"Ha?"

Tumayo na si Harold at hindi man lang pinansin ang pagkagulat at pagkalito ko. Nagtungo siya sa lamesita na nakatayo sa tabi ng kama.

"Pwedeng pahingi naman ng konting paliwanag?" Sinubukan kong tumayo pero hindi ko na naituloy nang bahagya siyang lumingon.

"Nagpapahinga sila, pwede mo silang puntahan," malamig niyang sabi na parang walang kahit anong bakas ng emosyon. Tuwid siyang nakatayo sa harap ng lamesita, disente, maganda, pero sa sandaling 'yon ay para siyang abandonadong kabibe—isang bahay na walang laman.

Inalis niya ang tingin sa'kin at dinampot ang kristal na kampana na nakapatong doon. Pinatunog niya 'yon at bakit kusang ngumiti ang mga labi ko. Parang huni ng mga ibon—matining pero hindi masakit sa pandinig. Parang narinig ko na 'to dati—maraming beses—sa'n ko nga ba 'to narinig?

Tumigil din ang tunog ng kampana at natuon naman ang mata ko sa pagbukas ng malaking pinto. Niluwa do'n ang isang dalaga. Tuwid na tuwid ang puti nitong pantaas, pati ang lagpas-tuhod at itim na saya—tuwid na tuwid din. Bahagya siyang yumuko at nanatili siyang gano'n nang ilang minuto.

"Juanita, ipaghanda mo na ng makakain ang inyong señorita."

Ha? Señorita?

"Opo, señorito," sagot no'ng babae na nagngangalang Juanita. Buti at tumuwid na rin siya. Hindi ba siya nangalay do'n?

"Marami pa akong asikasuhin, maiwan na muna kita...Mahal..."

Nakalimutan ko ang lahat ng pananakit sa katawan at nagawa kong tumayo nang wala sa oras. "Teka nga muna, ano bang..." Naputol ang pagsasalita ko nang kunin ni Harold ang kamay ko, at gaya no'ng una, tiningnan niya ako sa mata bago niya 'to hinalikan.

Hindi ako nakaimik hanggang sa binitiwan na niya ang kamay ko. Lumakad siya papunta sa pinto at naiwan akong natuod sa kinatatayuan.

"Juanita, maiwan ko sa'yo ang señorita...at ang bilin ko sa'yo..."

"Opo, señorito..."

************

Dalawang linggo ko itong ni-revise dahil...because...nahihirapan ako magsulat ng emotions kaysa sa nagrarambulan lang hahaha! Thank goodness natapos ko rin. But meh, sabaw pa rin ~_~

Although meh, watcha think of this chapter?

Wag mahiyang mag-comment at wag kalimutang pindutin ang bituing walang ningning.

Issa IlusyunadaWhere stories live. Discover now