49 » jack en jill

28 1 24
                                    

Si Harold ang unang lumapit. Lumuhod siya sa harapan at mula sa kamay ay mabilis na dumaloy ang karet niya papunta sa malaking butas sa dibdib ni Jack.

Wala akong ibang nagawa kundi ang haplusin ang noo ni Jack. Gumaralgal ang lalamunan niya sa malakas na pagsigaw habang umiigtad ang likod niya sa sakit. Hinawakan ko ang kamay ni Jack dahil hindi ko na alam kung ano pa ang pwede kong gawin para maibsan ang paghihirap niya.

"Tama na, hindi ko kailangan 'yan." pautal-utal ang salita niya matapos nitong tabigin ang kamay ni Harold. Umubo na naman siya ng dugo nang bahagya siyang napatawa. "Sa dinami-daming tao." Nanlaki ang mata ko nang bumulwak ang dugo sa sugat niya dahil tumawa pa siya lalo. "Sa dinami-dami...tangina, bakit ikaw pa?"

"Huwag ka na munang magsalita," utos ni Harold at tinabi niya ang nakaharang na kamay ni Jack bago siya nagpatuloy sa pagsalin ng karet.

Tumulong na rin akong pigilan ang pagmamatigas ni Jack, hinawakan ko ang palapulsuhan nito at pinanatili ito sa tagiliran niya. Hindi ko lang naagapan ang kabila nitong kamay at nahila niya sa kwelyo si Harold.

"Ilabas n'yo na si Issa, iwan n'yo na 'ko..."

Aalma na ako dahil hindi naman pwede ang gusto niya. Mabuti na lang ang pursigido si Harold. Ginamitan niya ng pwersa ang pag-alis sa kamay ni Jack. Nagawa pa nitong ayusin ang kurbata bago bumalik sa ginagawa niya.

"Madali na lang..." sabi niya na hindi man lang tumingin sa 'min. 

Nabuhayan ako ng loob kahit umiigtad at sumisigaw pa rin si Jack sa sakit. Nakatulong ang paglapit ni Frankie at sinuri ang kalagayan nito. Kahit wala siyang sinabi ay sapat na sa 'kin ang mahinang tapik na iniwan niya sa balikat ni Jack bago siya tumayo at muling hinarap ang mga halimaw. Kahit papano ay ramdam ko na gusto niya rin itong gumaling. "Kaunting tiis na lang, Jack. Madali na lang daw..."

Mariin akong napapikit nang humagibis ang hangin at umugong ang tunog ng malaking bagay na bumagsak malapit sa 'min. Nasuklay ko ang basang basang buhok ni Jack dahil kahit ang ingay na ng paligid ay mas nangingibabaw ang magaspang na daing niya.

Jack?

Natigilan ako nang may dumaang boses ng batang babae sa pandinig ko. Tinatawag niya si Jack--mahimig at malambing ang tinig niya na bumabaybay sa ingay ng paligid.

Jack?

Napadilat at napatingin ako kay Harold sa biglaan nitong pagtawag sa 'kin. Naabutan ko siyang salubong ang kilay at may banta ang nanlalaki nitong mata.

"Itigil mo 'yang memoria!"

Nanlaki rin ang mga mata ko, hindi ko alam kung pa'no.

Gusto ko nang tumayo, akayin si Jack, ipasakay sa likod ni Barbara.

Pero hindi ko magawa, nanigas ang buo kong katawan sa lalong pagtinis ng hiyaw ng mga halimaw at ang pagdami ng ingay nila. Kapansin-pansin rin na lalong naging agresibo ang mga 'to--napapaatras sina Kuya palapit sa 'min.

"Jack?"

Naging malinaw na ang boses no'ng bata na parang nasa tabi ko lang siya. 

Biglang sumakop ang dilim. Nawala ang nakabibinging hiyawan, ang nakasusulasok na amoy—napalitan ng halimuyak ng sampaguita at pagaspas ng hinanging dahon.

Hindi rin nagtagal ay gumapang ang liwanag, bumugad ang hile-hilerang halaman ng santan na nakasandal sa bakod, ang matabang sampaguita na parang bantay sa gilid ng tarangkahan, at ang bilog na lamesa na nakapwesto sa gitna ng bakuran nina Barbara.

Sa dami ng nakita kong memoria ay kabisado ko na na kahit may pagkakaiba sa buhok at pananamit ay ang batang Barbara itong nakasimangot sa harap ko.

"Sinong Jack?" tanong niya.

Issa IlusyunadaWhere stories live. Discover now