24 » gagong umaga

42 3 14
                                    

"Mabubusog tayo n'yan?"

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.

"Mabubusog tayo n'yan?"

Naalimpungatan ako sa lakas ng boses ni Jack. Binaling ko ang ulo, nakatulog din pala ako kahit papano.

"Jack, tara, balik tayo." Yumanig nang bahagya ang sahig na kinahihigaan ko sa lakas din ng boses ni Harold. Teka, si Jack ang narinig ko kanina. Si Jack ang kausap niya?

Binalibag ko ang manipis na kumot na binalot ko sa sarili. Mabilis din akong umupo at inikot ang katawan para tingnan ang kama. Naging isang magandang tanawin ang maayos nang higaan, wala na do'n si Barbara!

Mabilis akong tumayo at iniwan ang kumot sa sahig. Halos liparin ko na ang limang baitang ng hagdan. Ayaw bumaba ang nakakurba kong labi nang naabutan ko ang apat na nakakumpol sa maliit na espasyo ng unang palapag. Konti na lang at malapit nang sumagi ang ulo nila sa kisame.

"Uy, magaling na kayo!" Medyo humapdi ang sugat ko sa labi nang nabanat ito sa pagsigaw ko. Inipit ko na lang sa loob ng bibig dahil dumugo ulit.

"Anong problema n'yo?" Lumukot din ang mukha ko sa sabay-sabay na paglukot ng mukha nila, mabuti't hindi naman kay Frankie─pero kahit na. Bigla kong tinakip ang isang kamay sa bibig, baka kasi nagsasalita ako na parang bampira─may dugo-dugo pa sa labi. Kung tutuusin, gano'n din pala ako kagabi. Hay.

"Ang baho mo, Issa. Maligo ka nga!" bungad sa 'kin ni Barbara, inipit niya rin ang ilong niya.

Biglang bumaba ang mata ko sa suot kong damit. Ang kalagayan kong parang lumangoy sa krudo at pinabayaang natuyo ang krudo, nagkabitak-bitak na. Akala ko kung sino ang amoy imburnal, ako pala.

"E 'di ikaw na nga ang tapos maligo!" sigaw ko pabalik. Ang totoong gusto ko na lang magpalamon sa kinatatayuan ko sa sinabi niya. Lantaran talaga e. "Sa'n ba ang banyo?"

"Samahan kita," sabi ba naman ni Harold. Kasabay ng pagsama ng timpla sa mukha ni Frankie, at ni Barbara ang paglahad ni Harold sa kamay niya.

Natuod ako nang tapikin 'yon ni Barbara, sabay ang peke nitong ngiti na tinutulak si Harold papuntang pinto. "'Di ba bibili pa kayo ng pagkain? 'Di ba, Jack?"

Ngayon hindi ko na maintindihan kung bakit matalas ang tingin ni Jack kay Harold. Tinulak niya rin 'to palayo na parang may nakakahawang sakit. Hawak ng isang kamay niya ang kaluban na nakasabit sa gilid ng baywang ay marahas na pinihit ng kabila niyang kamay ang hawakan ng pinto. "Hindi na! Kaya ko na!"

Umigting ako sa pabagsak na pagsara nito ni Jack. Hindi naman nagpaawat 'tong si Harold at sumunod talaga. Umigting ulit ako sa pabagsak din niya na pagsara sa pinto. Sumunod din si Barbara.

Napakamot ako sa ulo, anong mayro'n?

"Issa, d'yan ka maligo." Tinuro ni Frankie ang puting pinto na kaharap mismo sa hagdanan. Hindi ko na tinanong kung may ginamit silang tuwalya, mukhang wala e.

"Salamat." Nakatakip pa rin ang kamay ko sa bibig, pero nginitian ko siya. Sapat na ang matipid niyang pagtango bago ako umakyat pabalik ng kwarto.

Issa IlusyunadaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon