17 » kuya? nino?

59 3 17
                                    

Animo'y manikang basahan na binalibag at pinasa-pasa ng mga gwalltor ang mura kong katawan

Oops! This image does not follow our content guidelines. To continue publishing, please remove it or upload a different image.

Animo'y manikang basahan na binalibag at pinasa-pasa ng mga gwalltor ang mura kong katawan. Tinigilan ko na ang pagpupumiglas, nasaid na ang lahat ng lakas ko habang libong-libong hibla ng buhok ang pumulupot mula sa braso hanggang sa kamay at nilambitin ako nito pataas.

Nahirapan na akong hanapin ang pag-asa sa bilog na hawla kung saan ako nakulong. Parang buhawi na mabilis umikot-ikot ang mga halimaw at mukhang wala silang balak tumigil.

Pumilig ang ulo ko sa kaliwa, hinahabol ang hininga sa bawat pagkirot ng mga daplos at butas-butas kong sugat sa katawan. Marami nang dugo ang nawala sa 'kin, bawat patak ay parang lakas na isa-isang tumatakas. Napatawa ako nang mahina, balak talaga akong patayin nito nang dahan-dahan.

'Tay─

Pinilit kong binuka ang namimigat ko nang mata. Kahit nanlalabo at nanghahapdi na ay pinasadahan ko pa rin nang tingin sa labas. Baka makita ko silang paparating, may natira pa akong lakas para kumawala.

'Tay─

Nalunok ko ang kakarampot na laway. Mahapdi. Gasgas na gasgas na ang lalamunan ko sa kakatawag sa kanila. Pero mukhang malayo talaga ang kinaroroonan ko. Nilalamon lang din ng mala-higanteng tunog ng motor ang malat ko nang boses. Pero kung sakali, may boses pa akong pantawag sa kanila. Nasa'n na kayo, 'tay?

Inangat ko ang ulo nang maramdamang lumuwag ang pagkagapos sa kabila kong braso. Gamit ang natira kong lakas, pinabigatan ko ang katawan at pwersahang hinila pababa ang halos makawala ko nang kamay. Sinabayan ko ng sigaw ang lalong nanghahapdi kong sugat habang isa-isang napipigtas ang mga buhok.

Nabuhayan ako ng loob nang matagumpay kong nalibre ang isa kong kamay. Lalo ko pang pinabigatan ang katawan para makawala naman ang kabila. Ngunit harap-harapang parang mga ahas na mabilis gumapang sa ire ang panibagong kumpol. Tanging impit na lang ang nagawa ko sa biglaang pagbaon ng mga 'to sa iba't ibang parte ng katawan. Namanhid na at hindi ko na naramdaman ang sakit nang tumagos pa sa kabila ang kasuklam-suklam na nilalang.

Lumalabo at bumabagal ang ugong sa paligid na parang radyong pumapalya na ng baterya. Kahit gusto nang sumuko ang mga mata ko'y pinilit ko pa ring ibuka─konting tiis na lang, darating na sila. Alam kong darating sila, hindi ako papabayaan ni Tatay.

Naawa ako sa sarili na lupaypay na nakalambitin sa isang kamay. Hindi ko na alam kung saan na ilalagay ang sarili dahil masakit kahit ang mismong paghinga.

'Tay, bilisan n'yo po.

Bumagal nang bumagal ang ugong na parang mababang alingawngaw na lang sa ilalim ng tubig. Kahit sa nanlalabong paningin ay naaninag ko pa rin ang isang dambuhalang mata na dahan-dahang binababa ng libo-libong nakakabit na hibla. Wala sa sariling tinititigan lang ang talukap nito na halos kasintangkad na ng pintuan namin sa bahay.

Manhid na ang dibdib at hindi 'ko na naramdaman ang takot nang bumuka na ito nang tuluyan. Kahit sa sumusukong pandinig, hindi nakawala sa tenga ko ang ingay ng kinakatay na baboy habang bumubuka ang itim na bahagi ng mata. Kasunod ang paglabas ng matutulis at mala-lagaring ngipin na nakapalibot dito. Kahit mahapdi sa balat ang nilalabas nitong singaw ay tanging impit lang ang nagawa ko.

Issa IlusyunadaWhere stories live. Discover now