2 » tipaklong si jack

456 72 453
                                    

Mahangin sa labas

Oops! This image does not follow our content guidelines. To continue publishing, please remove it or upload a different image.

Mahangin sa labas.

Hawi ako nang hawi sa buhok ko na talagang nililipad ng hangin. Pati ang bestida ko ay hinahampas at lumulobo pataas. Kung bakit ba kasi sa tuktok kami ng bangin nakatira. Hindi ba nila naisip na delikado rito?

Sabi ng kuya kong may hitsura daw siya, sa patag daw kami nakatira dati. May dumaan daw na malakas na bagyo at nilipad ang semento naming bahay dito sa taas. Bata pa raw ako no'n kaya hindi ko na maalala.

Pero naman 'di ba, sana sinubukan din nilang ibaba itong bahay. Mukhang malakas naman si Nanay, ang laki ng masels niya e. O kaya itulak nila pababa, hindi naman siguro malalasog ang lahat ng gamit.

Napakapit tuloy ako nang mahigpit sa hagdan na gawa sa kawayan. Bukod sa marupok na ang ibang apakan ay gumegewang-gewang din ito. Ni hindi man lang tinali kung saan, basta lang tinayo sa gilid ng bangin. Lagi tuloy sumasagi sa isip ko kung pa'no na pag matumba? Sayang po ang ganda ko, Lord.

Natigil ako sa pagmuni-muni nang mapansin kong humina na ang paghampas ng hangin. Malapit na pala ako sa baba.

Limampung hakbang din kasi 'to.

Oo, binilang ko 'to dati. Pa'no kasi, kailangan ko pang kumbinsihin ang sarili na kaya ko 'to. Konting kembot na lang at makakaapak din ako sa lupa. Pikit-mata at dasal sa taas. Mabuti't nasanay din sa katagalan. Katulad ng lahat ng bagay sa mundo, masasanay at masasanay ka rin.

Ilang saglit pa'y natagpuan na ng isang paa ko ang lupa. Hay salamat, nakaraos din.

Dumampi sa pisngi ko ang amoy damo na simoy ng hangin. Kahit kailan ay hindi nagbago ang hitsura ng kapatagan sa baba ng bangin. Kulay berde na nakukumutan ng kulay dilaw at lilang bulaklak. May mga nagtatalunang palaka at nagsisiliparang paruparo sa paligid. Ang ganda sa mata. Kahit kailan ay hindi nakakasawa.

"Uy Issa, gandang umaga sa 'yo." Isang magaspang na boses ang nagsalita.

Hinanap ko sa paligid. "Asan ka ba?"

"Dito, tingin ka sa balikat mo," muling sabi no'ng boses na parang namamaga lagi ang lalamunan.

"Aba't pa'no ka nakarating agad d'yan? Pinahintulutan na ba kita?" Nagsalubong ang dalawa kong kilay habang nakatingin sa isang tipaklong na nakapatong sa kaliwa kong balikat. Naitakip niya tuloy sa mukha ang dala nitong maliit na supot.

"Ang sungit mo naman," mahina niyang sabi. Sinukbit na niya ngayon sa likod ang patpat kung saan nakatali do'n ang supot.

"Jack naman kasi e. E hindi ka pa nga nagpaalam!"

Dahan-dahang yumuko ang loko. Dadaanin na naman ako nito sa pakonsensiya.

"Hmmp! Sige na nga, dito ka na," sabi ko sabay lahad ng kamay. Tamad kong inikot ang mata dahil alam kong magsisimula na naman siya sa paawa niya.

"Ang tagal ha, nangangalay na 'ko."

"Opo, señorita," mabilis na sagot ni Jack. Nangilo ang balat ko sa paggapang niya mula sa braso hanggang makarating sa nakabukas kong palad. Umupo siya sa gitna at nagsimula na rin akong maglakad.

"Pupunta ka ba kina Aling Maria?" tanong ni Jack.

"E sa'n pa nga ba? Syempre magbubunot na naman ako ng uban."

"Marangal na trabaho naman 'yan ah."

Natigilan ako. Tama si Jack, marangal naman itong trabaho ko. Pero─

"Ayoko kasing ganito habangbuhay." Lumipad ang mata ko sa kalat-kalat na ulap.

"Mayro'n din naman akong ibang gustong gawin."

"Tulad ng?"

"Umm, gusto ko sanang matuto magpalipad ng eroplano. Gusto kong makita ang Diyos." Nginitian ko ang langit.

Lumipat ang tingin ko kay Jack dahil sa tagal ng pananahimik niya. Nakatanga pala ang loko. Kumunot ang noo at biglang humagalpak nang tawa. Tawa nang tawa, parang tanga. Isa na lang at titirisin ko na 'to.

"Ang sama mo naman! Tatanong tanong ka─"

"Pasensya, pasensya," maluha-luhang sabi ng tipaklong.

"Gusto mong makita ang Diyos? Sa'n mo ba napulot 'yang pangarap mong 'yan?"

"Ewan ko sayo. Hindi na kita isasabay bukas!" Padabog akong naglakad. Isa na lang at itatapon ko na 'to sa tabi.

"Ito naman, 'di na mabiro," lambing niya.

"Alam mo namang...tamad akong maglakad ng malayo."

"Naglalakad ka? 'Di ba tipaklong ka? Tumatalon ka 'di ba?"

Kinamot niya ang ulo.

"Issa naman e. 'Di ba nga hindi na 'ko tumatalon, nakalimutan mo?"

Napakamot din ako.

Oo nga pala, hindi na pala tumatalon ang tipaklong na 'to. 'Yong huli niya kasing pagtalon ay nahulog daw ang itlog niya. Tapos ngayon...ginagawa akong tagahatid-sundo. Loko din e.

"Sabi ko nga po."

"Sorry na kasi."

Sa may 'di kalayuan ay natanaw ko na ang kubo ni Aling Maria. Hitsura pa lang e tinatamad na 'ko. Pero hindi, kaya ko 'to. Sabi nga ng kuya ko na dapat ko raw higitan ang mga bagay na kaya kong gawin. Kaya ito na nga.

Tumigil ako sa puting bato na naka-usli sa gilid ng daan. Doon ko binaba si Jack.

"Andito na po tayo, boss," sabi ko sa kanya.

"Uy salamat, mayang hapon ulit," sabi ni Jack na sumaludo pa.

"Opo, boss. Good luck sa pamimingwit." Kumaway ako at naglakad na patungo sa kubo.

"Good luck sa pag-uuban mo!"


********************

Watcha think of this chapter?

H'wag kalimutang magkomento, at pindutin ang bituing walang ningning :D

Issa IlusyunadaWhere stories live. Discover now