46 » pintakasi

30 3 33
                                    

May sasabihin pa sana ako nang biglang tumagilid si Barbara.

'Tsaka ko lang napansin na nakalapit na pala sa 'min si Jack. Nasa kaliwa na siya, nakataas ang patalim at pinupuntirya ang leeg ni Barbara.

Kung gaano ito kabilis ay napantayan iyon ni Barbara—inalis niya ang punyal sa tapat ng leeg ko at ginawa itong pansalag sa banta ng buhay niya.

Kusa na akong sumasabay sa pag-atras niya dahil rumaragasa at walang pakundangan ang pag-atake ng dalawang gulok. Parang wala itong pinipili, walang pag-aalinlangan, walang bahid ng katinuan ang mga mata ni Jack.

Hanggang bahagyang tumalikod si Barbara, nakita ng dalawang mata ko ang dambuhala nitong buntot. Mabilis itong gumalaw, tumama sa sikmura ni Jack na siyang pagtilapon naman nito sa dulo ng pader.

Lalong nandilim ang pagkatao ni Jack nang makatayo ito ulit. Lalong nanlisik ang mga mata at kahit ang mga pagtawag nina Kuya sa baba ay parang tumalbog lang sa pandinig nito.

Kisapmata lang ang pagitan at nakarating na naman siya sa harapan namin. Walang humpay at walang patawad ang dalawa nitong sandata.

Sa kakasalag ni Barbara ay mukhang nakalimutan na niya ako. Napayuko kaming dalawa sa humahagibis na patalim. Pagkatapos ay mag-isa siyang tumayo, naiwan ako sa lupa.

Naramdaman ko na lang na may pumulupot sa kaliwa kong braso at nahila ako patayo. Nabaybay ko ang dulo nito at tama ang hinala ko—buhok ito ni Harold at nakaakyat na rin siya sa taas ng pader.

Sa biglaan nitong paghatak ay may kamay na humawak sa kanan kong braso. Wala akong makitang tao roon, isang pasulpot-sulpot lang na pigura at ang malakas nitong pwersa na pinipilan akong matangay sa kabila.

Napako ako sa kinatatayuan. Hindi ko alam kung saan lulugar.

Alam kong habang nandito si Kuya ay pansamantala akong ligtas sa tabi ni Harold. Pero ayokong dagdagan ang pagdaramdam ni Barbara, ayokong maging dahilan sa pagkalugmok niya.

Ako na mismo ang nagpabigat kahit hindi na maipinta ang hitsura ni Harold. Naiinis akong isipin na para akong lubid sa larong hilaan at nasasaktan na ako sa pinaggagawa nila.

Naging abala siguro si Barbara—base sa punyal na nakalutang sa ere ay nakatayo lamang siya, hindi nito napapansin ang bumubulusok na patalim galing sa taas.

Alam kong huli na para mailagan niya ang atake ni Jack kaya ako na mismo ang gumalaw. Tinumba ko ang sarili kung saan tantiya ko na nando'n siya.

Tama ang hinala ko—napayakap ako sa kan'ya habang lumilitaw ang katawan nito. Habang papalapit kami sa lupa ay nagpupumiglas si Barbara at naitulak niya ako pailalim.

Hindi ko alam kung ano ang sunod na nangyari. Natagpuan ko na lang ang sarili na nakahalik sa lupa.

Napabalikwas ako at napaupo sa paggiwang ng paligid. Hindi ko malaman kung nahihilo lang ako o may lindol.

Siguro 'yong una dahil ang bigat ng ulo ko, at ang gaan din na parang lobo.

Nakaluhod sa tabi ko si Barbara. Nakahawak ang dalawang kamay niya sa kaliwang binti ko at gumagalaw ang bibig nito pero hindi ko marinig ang sinasabi—umiibabaw ang matinis at paulit-ulit na tunog sa loob ng tainga ko.

Umuuga ang lupa.

Parang tinatambol ang ilalim at bahagyang tumatalbog ang mga bato-bato sa paligid.

Dahil sa paggalaw ay 'tsaka ko naramdaman ang paglukod ng sakit mula sa tuktok ng ulo ko pababa hanggang sa batok. Nalango ako—hindi gumana ang utak.

Hindi ko nagawang umimik at nakatunganga lang nang tabigin ni Jack si Barbara. Parang insekto itong tumilapon at ang layo ng binagsakan nito.

Nahimasmasan na siguro si Jack. Siya ang pumalit sa pwesto ni Barbara, at pati siya ay nakahawak sa binti ko.

Issa IlusyunadaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon