44.2 » pangalawang salvo

37 3 31
                                    

Hindi na ako nag-atubiling takbuhin ang isa pang pinto na nakatayo sa bandang unahan kung saan katapat lang ito sa pinasukan ko kanina.

Kahit kumikipat-kipat ang malamlam na liwanag na nanggagaling doon—para bang pagmamay-ari ito ng isang hindi natahimik na kaluluwa at iniengganyo ako nitong pumasok—pero hindi bale na—bahala na.

Kaysa naman do'n sa kabila na sunod-sunod ang kalabog at malulutong ang paglagutok ng kahoy. May sumusuot na ring liwanag na nanggagaling sa mga nasira nitong parte. Palaki nang palaki ang liwanag habang dumadalas ang namamaos na boses ni Harold—panay pa rin ang pagtawag niya sa 'kin at panay ang pagsabi nito na bumalik ako roon. Sinong niloloko niya?

Napilitan na akong pasukin ang silid nang napalingon ako at namataan na lumulusot na sa mga butas ang ibang bahagi ng buhok niya—kumakapa-kapa ang mga ito na parang naghahanap ng makakapitan.

Inaasahan ko naman na tagilid ako sa mga maaaring mangyari sa gimagawa kong 'to. Lahat ng hindi magandang sitwasyon na sumagi sa isip ko ay inaasahan ko na.

Pero hindi ko inasahan na wala naman pala akong aabutan. Nawala lahat.

Nawala ang ingay na parang hinigop ng karimlan.

Parang ibang lugar at walang bahid na kadikit ito sa pinanggalingan ko kanina dahil kahit alingawngaw na nanggagaling kay Harold—wala. Pati ang pinto na inaasahan kong nasa likuran ko lang—hindi ko mahanap.

Napakamot ako sa ulo.

Ang alam ko...bahay o gusali 'yong pinasukan ko—isang kwarto. Pero ngayon ay nakatayo ako sa labas—sa isang kalsada na nasa gitna ng isang hardin?

Sigurado naman akong hardin dahil sa halamang bakod na nakadekorasyon sa magkabilaang gilid ng daan—ang alam kong ginagamit talagang bakod ang ganitong halaman sa mga hardin.

Katulad no'ng sa laberinto na halos maituturing na itong matatag na pader. Pero hindi katulad doon, mababa lang ang halamang bakod na nandito. Halos hanggang baywang ko lang ang taas at parang nagsisilbi lang itong harang sa sala-salansang bougainvilla na sandamukal ang bulaklak—halos nalibing na ang mga dahon sa ilalim nito.

Saang lupalop ba ito ng mundo?

Mabilis kong pinasadahan ang paligid para hanapin ang labasan. Hindi ako pwede sa ganitong lugar, mamahirapan si Kuya o si Frankie na mahanap ako. Ang masama pa ay kung si Harold na naman ang unang makakita sa 'kin.

Gumapang ang inis ko sa sarili. Sumagi sa isip ko na mukhang naloko niya kami. Isa siyang naglalakad na kasinungalingan at hindi malayong mangyari na nagsinungaling lang siya sa 'min.

Baka hindi talaga pampatigil ng daloy ng memoria ang karet niya. Ilang beses na 'yong pumalya, nagduda na ako't lahat, pero sa huli'y nagtiwala pa rin ako. Sukdulan na 'tong katangahan ko.

Tinahak ko ang pangdalawahang kalsada patungo sa...kung saan man makakarating. Bahala na. Kailangan ko lang makabalik, kahit do'n lang sa mukhang mercado na dulo ng sinuong kong eskinita.

Patingkayad akong naglalakad dahil parang yelo sa lamig ang makikinis na bato na ginamit pangdekorasyon sa daan.

Hindi naman malamig ang paligid—katamtaman lang. Kahit mukhang gabi nga yata rito—madilim ang kalangitan at may kasabay na hamog ang simoy ng hangin. Pero hindi pa rin iyon sapat para maging ga'non kalamig ang mga bato.

Kahit na gano'n ay bigla akong inatake ng pangungulila. Katulad kasi ang mga 'to doon sa bato ng batis kung saan kami nagbubunot ng uban. Dahil malapad ang hugis na mga 'to, noong bata pa kami ay nakaimbento kami ni Barbara ng laro gamit ang mga 'yon.

Kunyaring gumagawa kami ng tore sa pamamagitan ng pagpatong-patong sa mga bato. Pataasan kami. Kanino man ang natutumba ay nakakatikim ng malupit ng pitik sa kamay—minsan ay sumasali rin si Frankie.

Issa IlusyunadaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon