45 » pas de deux

24 3 31
                                    

Mahaba-haba rin ang nilakad namin ni Jack. Paminsan-minsang binubulaga kami ng hindi kaaya-ayang tanawin. Sa tuwing nangyayari 'yon ay sinusungitan ako, pinanlalakihan ako ng mata.

Ang hirap pakisamahan. Ano ba kasi ang akala niya sa 'kin? Tuod? Walang pakiramdam? Bawal ang kabahan, bawal ang magulat. Bawal ang lahat.

Minsang nadadaan ko na lang sa kurot ang inis, pero kahit iyon ay bawal din.

Hindi nagtagal ay may naaaninag kaming liwanag sa kabilang dako. Parang bunganga ng kweba dahil pabilog ang pinapasukan ng ilaw at may sumasalubong sa aming simoy habang palapit kami nang palapit.

Mas binilisan ko ang paglakad at nalagpasan ko na si Jack nang namataan ko ang pigura ni Kuya na tuwid ang pagkaupo sa bukana ng liwanag. Kahit hindi ko maaninag ang mukha nito dahil sa nakakasilaw na ilaw sa likuran ay alam kong suot niya ang nakasanayang ngiti na nakalabas ang lahat ng pangil.

Napalingon ako sa kasama dahil tumigil siya. Mas humigpit ang pagkahawak niya sa kamay ko at walang pasintabi na hinatak ako pabalik.

"May mali dito..." pabulong nitong sabi habang palipat-lipat ang tingin sa paligid.

"Pa'nong mali e si Kuya 'yan!"

Hindi natinag si Jack sa kinatatayuan, padarag ang paghila niya sa 'kin hanggang napapwesto ako sa likuran nito.

"May mali...dito ka lang," sabi niya ulit habang parehong nakatuon ang atensiyon namin sa unahan.

May isa pang pigura ang gumagalaw bukod pa kay Kuya sa unahan. Napangiti ako dahil matangkad ito, malapad ang balikat--baka kasama ni Kuya si Frankie.

Habang papalapit ay unti-unting lumilitaw ang mahabang manggas ng suot nito. Bumaba nang bumaba ang kurba sa labi ko habang lumilinaw ang itim na kurbata, ang tuwid na tuwid pa ring pantalon at ang nakakasuya nitong hitsura.

"Salamat naman at natagpuan ka rin namin, Isabelle. Kanina ka pa namin hinahanap."

Napangiwi ako sa nagsalita. Sa dinami-dami naman ng makatagpo ni Kuya, itong intrimitidong Harold pa. Pa'no kaya nito binilog ang ulo ni Kuya at mukhang magkasundo sila.

"Hanggang d'yan ka na lang!" banta ni Jack nang ilang dipa na lang ang agwat nito sa 'min. Lalo niyang hinarang ang sarili habang nakatutok ang talim ng gulok sa kaharap.

Tumigil si Harold na nakataas ang kamay. Gumalaw ang isang sulok ng labi niya na parang nangungutya pa.

"Anong nangyayari dito? Anong ibig sabihin nito?" maligasgas ang boses ni Kuya. Nakatayo siya sa dalawa nitong paa pero bahagya pa siyang tumingala dahil mas matangkad pa rin ang dalawa.

Mula sa tapat ng leeg ay bumaybay pababa ang talim ng sandata na hawak ni Jack hanggang tumigil ito sa dibdib ni Harold. "Hindi ko gusto ang takbo nito."

Parang poste sa bigat ang katabi ko nang akma ko siyang hilain dahil mukhang hindi ito magdadalawang isip na ibaon ang patalim sa kaharap.

"May binabalak kang masama!"

"Wala akong dahilan para gawin iyang paratang mo," kalmado ang sagot ni Harold na parang walang epekto ang nagngingitngit na galit ni Jack. Dumiin ang patalim nang lumipat ang tingin niya sa 'kin na siya namang paghila ko ulit kay Jack.

"Ipinagkatiwala ko sa inyo si Issa, tapos ito ang maabutan ko?"

Namuo ang magaspang na ungol sa lalamunan ni Kuya habang palipat-lipat ang tingin niya sa dalawa. Mabilis siyang lumapit at sinabit ang kanang paa na nagsisilbi nitong kamay sa braso ko at pahablot akong hinatak.

Nilagpasan namin ang dalawa na hindi pa rin humiwalay ang banta ng patalim ni Jack. Paatras ang hakbang niya na parang hindi na niya tinuturing na kasangga si Harold.

Issa IlusyunadaHikayelerin yaşadığı yer. Şimdi keşfedin